Tanong
Ano ang hinihingi ng Diyos sa akin?
Sagot
Ang mga tao noong panahon ni propeta Mikas ay nagrereklamo na ang Diyos ay hindi nasisiyahan. Sila ay patuyang nagtatanong, “Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo?” (Mikas 6:7). Isang paraan ito ng kanilang pagtatanong na, “Ano nga ba ang nais ng Diyos sa atin?” May mga tao ngayon na sa kanilang pakiramdam ay nauuwi lamang sa wala ang kanilang pagsisikap upang bigyang lugod ang Diyos, kaya't nagtatanong din sila, “ano ba ang hinihiling ng Diyos akin?”
Minsan, may nagtanong kay Jesus kung alin ang pinakadakilang utos sa kautusan. Siya ay sumagot, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito” (Marcos 12:30-32; tingnan din ang Mateo 22:37-39). Ang totoo, simple lang ang hinihingi ng Diyos sa atin: Nais Niya na. Ang lahat nang ating paglilingkod sa Diyos ay dumadaloy mula sa dalawang utos na umibig, sapagkat ang paglilingkod na walang pag-ibig ay isa lamang pagsisikap na makalaman kagaya ng binabanggit sa Roma 8:8 na ang mga “namumuhay sa hilig ng laman ay hindi kinalulugdan ng Diyos.”
Una sa lahat, nais ng Diyos na magtiwala tayo sa kanyang Anak bilang Panginoon at Tagapagligtas (Filipos 2:9-11). Sinasabi sa Ikalawang Pedro 3:9 na, “Ang Panginoon ... ay nagbibigay ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.”Makikilala natin si Jesus sa pamamagitan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagtanggap sa kanya bilang ating personal na sakripisyo (Roma 10:9; Juan 1:12). Nang hilingin ng mga alagad kay Jesus na ipakita sa kanila ang Ama, tumugon Siya ng ganito, “Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama.” (Juan 14:9). Ibig sabihin, nais ng Diyos na makilala natin Siya at makikilala lamang natin Siya sa pamamagitan ni Jesus.
Ikalawa, Nais ng Diyos na tayo ay maging kalarawan ng kanyang Anak” (Roma 8:29). Nangangahulugan ito na nais ng Ama na ang lahat nang kanyang mga anak ay maging kawangis ni Jesus. Kaya't pinahihintulutan niya ang mga sitwasyon sa buhay natin upang dalisayin tayo at alisin ang mga pangit na katangian na maaaring maging hadlang sa ating pagiging katulad ng nais niya (Hebreo 12:7; Santiago 1:12). Ang layunin ng bawat anak ng Diyos ay sundin ang Amang nasa langit, katulad ng pagiging masunurin ni Jesus sa Ama sa lahat ng bagay (Juan 8:29). Sinasabi rin sa Unang Pedro 1:14-15 na, “Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa.”
Noong panahon ni Jesus, maraming mga tao, gaya ng mga Pariseo, ang nagsisikap gawing pangunahin ang panlabas na gawa kaysa panloob na pagbabago ng puso (Lucas 11:42). Nakatuon sila sa kanilang gawa sa halip na sa kung sino sila. Ngunit ang panlabas na pagpapakita ng kabutihan ay nagbubunga lamang ng kapalaluan at legalismo, kaya't hindi ito nagiging kalugud-lugod malibang ang nag uudyok sa atin upang gawin ito ay ang tunay na pag-ibig sa Diyos. Subalit sa sandaling tayo ay ganap na nagsuko ng ating sarili, ang kanyang Banal na Espiritu ang nagbibigay sa atin ng lakas at kakayahan upang ibigin natin ng lubos ang Diyos at paglingkuran Siya ng may tamang hangarin. Sapagkat ang tunay na paglilingkod at kabanalan ay gawa ng Espiritu, at ito ay nag uumapaw sa buhay na nakatalaga upang luwalhatiin ang Diyos. Kaugnay niyan, kapag tayo ay nakatuon sa pagmamahal sa Diyos sa halip na sa paglilingkod, makikita natin sa huli na pareho natin silang nagagawa. Ngunit balewala at walang idudulot na mabuti sa atin ang ating ginagawang paglilingkod kung kaliligtaan natin ang pagkakaroon ng personal na kaugnayan sa kanya (1 Corinto 13:1-2).
Sinagot ni propeta Mikas ang mga reklamo ng mga Israelita at sinabi sa kanila na hindi nila nalalaman kung ano ang hinihingi ng Diyos sa kanila. Sinabi niya, “Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos” (Mikas 6:8). Simple lang naman ang nais ng Diyos sa atin. ginagawa lamang itong komplikado ng mga tao sa pamamagitan ng pag lalagay ng mga pamantayan at mga tuntuning gawa ng tao na nagdudulot ng pagkabigo at sumisira sa kasiyahang maglingkod kay Cristo (2 Corinto 3:6). Ang nais ng Diyos ay ibigin natin Siya ng buong puso at hayaan natin na ang ating pagsunod ay mag ugat sa taus-pusong hangarin na maging kalugud-lugod sa kanyang paningin.
Sa kanyang panalangin ay nauunawaan ni David kung ano ang nais ng Diyos, “Hindi mo na nais ang mga handog; di ka nalulugod, sa haing sinunog; ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat” (Awit 51:16-17).
English
Ano ang hinihingi ng Diyos sa akin?