Tanong
Umaawit ba ang mga anghel?
Sagot
Maaaring tila kakaiba ang tanong na “umaawit ba ang mga anghel?” dahil ang likas na alam ng nakararaming tao ay, “Siyempre, umaawit sila.” Pangkaraniwan ng makakita ng larawan ng mga anghel na may hawak na imnaryo o lira o kung hindi naman ay gumagawa ng musika. Laging binabanggit ang pagawit ng mga anghel sa kuwento tungkol sa Pasko: “Hindi ba’t umawit ang mga anghel sa mga Pastol?” Ang problema ay hindi binanggit sa Bibliya ang pagawit ng mga anghel ng isilang si Hesus. Ang totoo, may napakaliit na ebidensya sa Kasulatan tungkol sa pagawit ng mga anghel.
Maaaring ang pinakamalinaw na talata sa isyung ito ay ang Job 38:7 kung saan sinasabi na sa panahon ng paglikha sa mundo, “ang mga tala sa umaga ay magkakasamang umawit at ang mga anghel ay sumigaw sa galak.” Sa pigura ng pananalita sa mga tula ng mga Hebreo, ang “tala sa umaga” ay katumbas ng mga “anghel” at ang pagaawitan ay katumbas ng “sigaw ng kagalakan.” Tila direkta ang ibig sabihin ng mga talata: “umawit ang mga anghel.” Gayunman, ang salitang Hebreo na isinalin sa salitang “umawit” ay hindi laging nangangahulugang “musika.” Maaari din itong isalin sa salitang “sumigaw sa galak,” “humiyaw ng malakas,” o “mangagalak.” Gayundin, ang salitang Hebreo na isinalin sa salitang “mga anghel” sa Magandang Balita Bibliya ay literal na nangangahulugang “mga anak ng Diyos.”
Ang ikalimang kabanata ng aklat ng Pahayag ay isa pang talata na maaaring nagpapahiwatig na umaawit ang mga anghel. Binabanggit sa ikasiyam na talata ang tungkol sa mga nilalang na “umawit ng isang bagong awit” sa langit. Ang mga nilalang na ito ay ang dalawampu’t apat na matatanda at ang apat na nilalang na buhay – na posibleng mga anghel - ngunit hindi sila partikular na tinawag na mga anghel. Pagkatapos, sa ikalabing anim na talata, narinig ang “boses ng maraming mga anghel.” Ngunit ang ginamit na salita ay “sinabi,” hindi “umawit.” Ang mga salita ng mga anghel sa talata 12 ay tila kapareho ng mga salita sa Awit 9 kung saan ang mga salita ng mga anghel ay hindi partikular na tinawag na “awit.” Kaya, walang matibay na ebidensya sa Pahayag 5 na umaawit ang mga anghel.
Paano ngayon ang tungkol sa kuwento ng Pasko? Sinasabi sa Lukas 2:12-14, “matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.” Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos na sinasabi,“Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong Kanyang kinalulugdan!’” Muling pansinin na ang mga salitang ginamit ay “sinasabi,” hindi “umaawit.” Dahil ang pagawit ay isang uri ng pagsasalita, hindi isinasantabi ng mga talata ang ideya tungkol sa pagawit ng mga anghel – ngunit hindi rin itinuturo ng mga talata na umawit nga ang mga anghel.
Sa madaling salita, hindi nagbibigay ang Bibliya na tiyak na sagot kung umaawit ba talaga ang mga anghel. Nilikha ng Diyos ang mga tao na may likas na hilig sa musika at pagkanta, lalo’t higit patungkol sa pagsamba (Efeso 5:19). Lagi nating ginagamit ang pagkanta sa pagpupuri natin sa Diyos. Ang katotohanan na ang mga salita ng mga anghel sa Pahayag 5 at Lukas 2 ay mga salita ng pagpupuri, na ipinahayag sa paraang patula ay sumasalungat sa ideya na umaawit ang mga anghel. Tila lohikal na nilikha ng Diyos ang mga anghel na may likas na kakayahan sa pagawit gaya ng tao. Ngunit hindi tayo dapat na maging dogmatiko sa bagay na ito. Kung umaaawit man o nagsasalita ang mga anghel, pinupuri nila at sinasamba ang Diyos. Tularan natin ang kanilang halimbawa!
English
Umaawit ba ang mga anghel?