Tanong
Ano ang ibig sabihin na si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng kaliwanagan?
Sagot
Maging ang mga bata ay nakakaunawa na ang dilim at liwanag ay mga simbolo ng kasamaan at kabutihan. Kung makakita ang sinuman ng isang anghel ng liwanag, agad niyang maiisip na ang anghel na iyon ay isang mabuting anghel, dahil ang liwanag at dilim ay makapangyarihang simbolismo ng kabutihan at kasamaan sa kasaysayan ng sangkatauhan. Sa Bibliya, ang liwanag ay isang pigura ng pananalita para sa katotohanan at sa hindi nagbabagong kalikasan ng Diyos (Santiago 1:17). Paulit-ulit itong ginamit sa Bibliya upang tulungan tayong maunawaan na ang Diyos ay ganap na banal at makatotohanan (1 Juan 1:5). Kung sinasabing tayo ay “nasa liwanag” nangangahulugan na kasama natin ang Diyos (1 Pedro 2:19). Hinihikayat tayo ng Diyos na sumama sa Kanya sa liwanag (1 Juan 1:17), dahil layunin Niya na bigyan tayo ng kaliwanagan (Juan 12:46). Ang liwanag ay kung saan tayo komportable at ang lugar kung saan nananahan ang pag-ibig (1 Juan 2:9-10). Nilikha ng Diyos ang liwanag (Genesis 1:3), nananahan Siya sa liwanag (1 Timoteo 6:16) at inilagay Niya ang liwanag sa puso ng tao upang atin Siyang madama, makilala, at maunawaan ang katotohanan (2 Corinto 4:6).
Kaya nga ng sabihin sa 2 Corinto 11:14 na “Si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng kaliwanagan,” Nangangahulugan ito na sinasamantala ni Satanas ang ating likas na pag-ibig sa liwanag upang makapandaya. Nais niyang isipin natin na siya ay mabuti, makatotohanan, mapagmahal at makapangyarihan – ang lahat ng katangian na mayroon ang Diyos. Hindi si Satanas makakahikayat ng maraming tao kung ipapakita niya ang kanyang sarili na gaya ng kadiliman at isang nilalang na may mga sungay. Mas maraming tao ang lumalapit sa liwanag kaysa sa kadiliman. Kaya nga, nagaanyong isang nilalang ng kaliwanagan si Satanas upang palapitin tayo sa kanyang sarili at papaniwalain tayo sa kanyang mga kasinungalingan.
Paano natin malalaman kung anong liwanag ang sa Diyos at kung anong liwanag ang kay Satanas? Madaling nalilito ang ating mga puso dahil sa mga nagkakasalungatang mensahe. Paano natin matitiyak na tayo ay nasa tamang landas? Sinasabi sa Awit 119, “ang salita Mo ay tanglaw sa aking mga paa at liwanag sa aking daraanan” (talata 105) at “ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw, nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan” (talata 130).
Iniaalok sa atin ni Satanas ang kasalanan na tulad sa isang bagay na maganda at kaakit-akit kung nanaisin at ipinapahayag niya ang maling katuruan na tulad sa aral na nagbibigay ng lakas ng loob at bumabago ng buhay. Milyun-milyon ang sumusunod sa kanyang mga pandaraya dahil sa simpleng hindi nila alam ang katotohanan ng Diyos. Inilarawan sa Isaias 8:20-22 na ang kadiliman ay resulta ng pagtanggi sa Salita ng Diyos. Naghahanap ang mga Israelita ng katotohanan sa pamamagitan ng pagkonsulta sa mga manghuhula at nadaya sila ng kasinungalingan ni Satanas. Sinabi ni Isaias, “Ganito ang inyong isasagot, “Nasa inyo ang aral at tagubilin ng Diyos! Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu, ipapahamak lang kayo ng mga iyon.” Maglalakbay sila sa lupain na pagod na pagod at gutom na gutom, magwawala sila dahil sa gutom at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang diyos. Titingala sila sa langit at igagala nila ang kanilang mata sa lupa, ngunit wala silang makikita kundi kaguluhan at kadiliman; isang nakakatakot na kadiliman kung saan sila itatapon.”
Ang pananatili sa kadiliman ay resulta ng pagtatangka ng tao na hanapin ang katotohanan hindi sa Salita ng Diyos. Nakalulungkot, na gaya ng sinasabi ni Isaias, sa tuwing hindi nakikita ng tao ang liwanag ng araw, nangangapa sila sa kadiliman at laging nagagalit sa Diyos at tumatangging lumapit sa Kanya para sa Kanyang tulong. Ito ang dahilan kung bakit napakaepektibo ng pagkukunwari ni Satanas bilang isang anghel ng kaliwanagan. Ginagawa niyang puti ang itm at itim ang puti at pinapaniwala ang tao na ang Diyos ay sinungaling at ang Diyos ang sanhi ng kadiliman. At dahil dito, sa gitna ng ating mga kabagabagan, itinutuon natin ang ating poot sa nagiisang Diyos na tanging makakapagligtas sa atin.
English
Ano ang ibig sabihin na si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng kaliwanagan?