Tanong
Ang mga anghel ba ay lalaki o babae?
Sagot
Walang pagdududa na ang bawat pagbanggit sa mga anghel sa Kasulatan ay sa kasariang panlalaki. Ang salitang Griego para sa ‘anghel’ sa bagong Tipan ay ‘angelos,’ na nasa panlalaking kasarian. Sa katunayan walang pambabaeng tawag para sa salitang ‘angelos.’ May tatlong kasarian sa gramatiko - ang kasariang panlalaki, kasariang pambabae at kasariang pambalana. Ang mga anghel ay hindi tinukoy sa alinmang kasarian maliban sa kasariang panlalaki. Sa maraming pagpapakita ng mga anghel sa Bibliya, hindi sila tinukoy bilang babae o isang bagay. Bukod dito, kung nagpapakita ang mga anghel, lagi silang nagpapakita na may suot na kasuotang panlalaki (Genesis 18:2, 16; Ezekiel 9:2). Walang anghel na nagpakita sa Bibliya na nakadamit pambabae.
Ang tanging mga anghel na pinangalanan sa Bibliya ay sina Miguel, Gabriel at Lucifer na nagtataglay ng mga panlalaking pangalan at tinawag sa panlalaking kasarian. Pahayag 12:7, "Pagkaraan nito'y sumiklab ang digmaan sa langit! Naglaban si Arkanghel Miguel, kasama ang kanyang mga anghel"; Lukas 1:30, "Kaya't sinabi sa kanya ng anghel (Gabriel), "Huwag kang matakot, Maria; Isaias 14:12, "Ano't nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga (Lucifer), anak ng umaga!" Ang iba pang mga reperensya sa mga anghel ay laging sa kasariang panlalaki. Sa mga Hukom 6:21, isang anghel ang binanggit na may hawak na tungkod sa kanyang kamay. Tinanong ni Zacarias ang isang anghel at ito ay sumagot (Zacarias 1:19). Ang mga anghel sa Pahayag ay tinukoy din sa kasariang panlalaki (Pahayag 7:1; 10:1; 5; 14:19; 16:2; 4, 17; 19:17; 20:1).
May ilan na itinuturo ang Zacarias 5:9 bilang halimbawa ng isang babaeng anghel. Sinasabi ng talatang ito, "Nang ako'y tumingala, may nakita akong dalawang babaing lumilipad papunta sa akin; malalapad ang kanilang pakpak. Pinagtulungan nilang ilipad na palayo ang takalan." Ang problema ay hindi tinukoy ang mga babaeng ito sa pangitain ni Zacarias bilang mga anghel. Tinawag silang nashiym (‘mga babae’) katulad ng babaeng nasa loob ng basket na kumakatawan sa kasamaan sa tatata 7 at 8. Sa paghahambing, ang anghel na kinakausap ni Zacarias ay tinawag na ‘malak,’ isang salita na lubhang kakaiba sa tawag sa mga babae sa pangitain. Ang salitang ‘malak’ ay nangangahulugang ‘anghel’ o ‘tagapaghatid ng mensahe.’ Ang pagbanggit sa talata sa pangitain ni Zacarias na ang mga babae ay may mga pakpak ay maaaring maglarawan sa ating isipan ng mga anghel, ngunit nararapat na maging maingat tayo at huwag lumabis sa kung ano lang ang sinsabi ng mga talata. Ang isang pangitain ay hindi nangangahulugan na ang mga nakikita doon ay literal na mga tao o bagay gaya ng lumilipad na malaking balumbon ng kasulatan na nakita ni Zacarias sa parehong kabanata (Zacarias 5:1-2).
Ang kalituhan tungkol sa kawalan ng kasarian ng mga anghel ay nagmula sa maling pagkaunawa sa Mateo 22:30 kung saan sinasabi na walang pagaasawahan sa langit dahil “tayo'y matutulad sa mga anghel sa langit.” Ang pangungusap na ito na nagsasabi na walang mangyayaring pagaasawahan sa langit ang nagtulak sa iba upang paniwalaan na ang mga anghel ay walang kasarian dahil (gaya ng karaniwang pagiisip) ang layunin ng pagkakaroon ng kasarian ay ang pagkakaroon ng anak, kaya kung walang pagaasawahan sa langit at walang pagsisilang ng sanggol, wala na ring pangangailangan ng kasarian doon. Ngunit ang pagkaunawang ito ay hindi mapapatunayan sa mga talata. Ang katotohanan na walang pagaasawahan sa langit ay hindi nangangahulugan na wala na ring kasarian ang mga tao roon. Ang maraming pagbanggit sa mga anghel bilang lalaki ay sinasalungat ang ideyang ito ng kawalan ng kasarian ng mga anghel. Hindi natin dapat ikalito ang kasarian sa sekswalidad. Malinaw na wala ng sekswal na aktibidad sa langit dahil wala na roong pagaasawahan ayon kay Hesus. Ngunit hindi tayo maaring gumawa ng konklusyon na ang "hindi pagaasawahan" ay nangangahulugan ng "kawalan ng kasarian."
Ang kasarian ay hindi dapat unawain sa termino ng sekswalidad. Manapa, ang paggamit ng pangngalang panlalaki sa buong Kasulatan ay mas nangangahulugan ng awtoridad kaysa sa kasarian. Laging tinutukoy ng Diyos ang kanyang sarili bilang lalaki. Ang malabong pagkakaiba sa pagitan ng babae at lalaki ay maaring magbunga sa mga maling katuruan gaya ng ‘ina/amang Diyos’ at ang Banal na Espirtu bilang bagay lamang o kapangyarihan ng Diyos at ipinagsasawalang bahala ang pagtukoy sa Banal na Espiritu bilang isang lalaki sa Kasulatan (Juan 14:17; 15:16; 16:8, 13-14). Ang Banal na Espiritu ay hindi kailanman inilarawan bilang ‘ito’ o isang walang buhay na kapangyarihan. Ang perpektong plano ng Diyos sa kaayusan at istruktura ng awtoridad sa iglesya at sa tahanan ay ang pagbibigay ng karapatan sa mga lalaki upang mamuno sa diwa pag-ibig at katarungan, gaya ng pamumuno ng Diyos. Nararapat lamang na patungkulan ang mga anghel bilang mga lalaki dahilan sa kanilang kapangyarihan na ipinagkaloob ng Diyos upang ipakita ang Kanyang kapangyarihan (2 Hari 19:35), dalhin ang Kanyang mensahe (Lukas 2:10) at maging mga kinatawan Niya dito sa mundo.
English
Ang mga anghel ba ay lalaki o babae?