Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay anghel Gabriel?
Sagot
Si anghel Gabriel ay isang mensahero na pinagkatiwalaan ng Diyos na magdala ng mahalagang mensahe para sa ilang tao sa Bibliya. Nagpakita si anghel Gabriel sa tatlong tao sa Bibliya: una kay propeta Daniel (Daniel 8:16); pagkatapos ay sa saserdoteng si Zacarias upang hulaan at ipahayag ang mahimalang kapanganakan ni Juan Bautista (Lukas 1:19); at panghuli, kay birheng Maria upang sabihin na siya’y magdadalang tao at manganganak ng isang lalaki (Lukas 1:26-38). Ang kahulugan ng pangalang Gabriel ay “Ang Diyos ay dakila,” at bilang anghel na naganunsyo sa kapanganakan ni Hesus, siya rin ang nagsabi na ang isisilang na Tagapagligtas ay tatawaging “Hesus” (Lukas 1:31).
Ang unang beses na makikita natin si anghel Gabriel sa Bibliya ay ng magpakita siya kay Daniel sa isang pangitain. Ang papel ni Gabriel ay upang ipaliwanag kay Daniel ang kahulugan ng kanyang pangitain (Daniel 8:16). Ang anyo ni Gabriel ay tulad sa isang tao (Daniel 8:15; 9:21). Nang dalawin ni anghel Gabriel si Daniel sa ikalawang pagkakataon, mabilis na lumipad siya palapit kay Daniel sa oras ng paghahandog sa gabi (Daniel 9:21). Malinaw din sa mga talata na nakapangingilabot ang anyo ni Gabriel anupa’t bumagsak si Daniel na una ang mukha sa lupa pagkakita sa kanya (Daniel 8:17) at nagkasakit ng ilang araw pagkatapos ng karanasang iyon (Daniel 8:27).
Sa ikasampung kabanata ng aklat ni Daniel, makikita natin ang isa pang interaksyon sa pagitan ng propeta at ng “isa na katulad ng mga anak ng tao” (talata 16); gayunman, hindi binanggit ang pangalan ng mensahero. Sinabi ng anghel kay Daniel na tutulungan siya nito na maunawaan ang kanyang pangitain, kaya posible na ang anghel sa kabanatang ito ay tumutukoy din kay anghel Gabriel. Makikita sa mga salitang ginamit sa mga talata na posible din na dalawang anghel ang tinutukoy na kasama ni Daniel – ang isa ay ang nakikipagusap sa kanya at ang isa ay ang nagpapalakas ng kanyang loob upang siya’y makatugon (Daniel 10:16, 18). Tinukoy din ng anghel ang tungkol sa isang labanan na nagagangap sa espiritwal na dimensyon. Makatwirang maipagpapalagay natin na ang anghel na ito ay si Gabriel at ang anghel na si Miguel na tila nasa isang pakikipagdigma sa mga masasamang hari at prinsipe, kasama sa mga ito ang tinatawag na prinsipe o mga hari ng Persia (talata 13) at ang prinsipe ng Gresya (talata 20).
Sinabi ni Gabriel na ipinadala siya mula sa langit bilang tugon sa panalangin ni Daniel. Bumaba si Gabriel sa langit pagkaumpisa pa lamang ni Daniel sa pananalangin (Daniel 10:12). Ngunit may humadlang kay Gabriel habang daan: “..ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw, hanggang sa dumating si Miguel” (Daniel 10:13). Pinigilan siya nito upang hindi makarating agad kay Daniel. Makikita natin dito ang isang sulyap sa espiritwal na dimensyon at ang mga labanan na nagaganap sa likod ng mga nangyayari sa mundo. Isinasakatuparan ng mga banal na anghel na gaya ni Gabriel ang kalooban ng Diyos, ngunit pinipigilan sila ng iba pang mga masasamang anghel na ang tanging hangad ay pawang kasamaan sa sangnilikha.
Dinala ni Gabriel ang mensahe ng Diyos sa templo sa saserdoteng si Zacarias, ang ama ni Juan Bautista habang naghahandog ito sa harapan ng Panginoon. Nagpakita si Gabriel sa gawing kanan ng altar ng insenso (Lukas 1:11), isang simbolo ng panalangin, at sinabi kay Zacarias na tinugon ng Diyos ang kanyang mga panalangin (talata 13). Magbubuntis at magsisilang ang asawa nitong si Elizabeth na isang baog ng isang batang lalaki; ang batang ito ay papangalanang Juan at siya ang tutupad sa hula tungkol sa pagdating ni Elias (talata 17; Malakias 4:5). Hindi pinaniwalaan ni Zacarias ang mensahe ni Gabriel kaya’t inalisan siya ni Gabriel ng kakayahang magsalita hanggang sa tuliin ang bata.
Ang layunin ng pagpapakita ni Gabriel kay Maria ay upang ipahayag ang kapanganakan ng Panginoong Hesu Kristo sa pamamagitan ng isang birhen (Lukas 1:30) at upang sabihin na ang batang ito ang gaganap sa tipan ng Diyos kay David: “Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan” (talata 32–33). Bilang tugon sa katanungan ni Maria kung paano ito mangyayari dahil isa siyang birhen, sinabi ni Anghel Gabriel na ang kanyang pagdadalang tao ay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, kaya nga ang kanyang isisilang ay “banal at tatawaging Anak ng Diyos” (talata 35).
Sa lahat ng pagpapakita ni Gabriel, lagi siyang kinatakutan at kailangang siya ang magpasimula ng pakikipagusap at pagsambit ng salita ng kaaliwan at kagalakan para kay Daniel, Zacarias at Maria. Posible rin na si anghel Gabriel ang anghel na nagpakita kay Jose sa panaginip sa Mateo 1:20, bagama’t hindi ito tiyak dahil hindi pinangalanan sa Kasulatan ang anghel na ito na nakipagusap kay Jose. Ang tanging alam natin ay isa si Gabriel sa mga mabuti at banal na anghel ng Diyos. Siya ay may isang tanging posisyon sa langit bilang isang anghel na “nakatayo sa presensya ng Diyos” (Lukas 1:19), at siya ang pinili ng Diyos upang magdala ng Kayang mensahe ng pag-ibig at biyaya sa mga inidibidwal na pinili upang maging kasangkapan sa pagganap ng Diyos sa Kanyang mga plano.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay anghel Gabriel?