settings icon
share icon
Tanong

Ano ang laman?

Sagot


Si John Knox (c. 1510–1572) ay isang pastor na taga-Scotland, isang lider ng repormasyon ng mga Protestante at kinikilalang nagtatag ng denominasyong Presbyterian sa Scotland. Si Knox ay hinangaan ng mga teologo bilang isang taong masigasig para sa Diyos at matapat sa katotohanan ng Banal na Kasulatan at may banal na pamumuhay. Samantala, habang nalalapit ang kanyang kamatayan, inamin ng mananampalatayang ito ang kanyang sariling pakikipagtunggali sa kanyang makasalanang kalikasan na kanyang minana kay Adan (Roma 5:12). Ayon sa kanya, “Alam ko kung gaano kahirap ang paglalaban sa pagitan ng laman at espiritu sa ilalim ng mabigat na krus ng pagdadalamhati, kung saan walang makamundong pananggalang kundi ang nalalapit na kamatayang darating. Alam ko ang sakit at hinaing na ibinubulong ng aking laman...”

Ang pahayag na ito ni Knox ay mapapansing katulad ng pahayag ni Apostol Pablo na hayagang kinilala ang personal na pakikibaka sa kanyang makasalanang kalikasan: “Sapagka't nalalaman natin na ang kautusa'y sa espiritu: nguni't ako'y sa laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan. Sapagka't ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman: sapagka't ang hindi ko ibig, ang ginagawa ko; datapuwa't ang kinapopootan ko, yaon ang ginagawa ko. Nguni't kung ang hindi ko ibig, ang siyang ginagawa ko, ay sumasangayon ako na mabuti ang kautusan. Kaya ngayo'y hindi ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin. Sapagka't nalalaman ko na sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti: sapagka't ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa't ang paggawa ng mabuti ay wala. Sapagka't ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: nguni't ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa. Datapuwa't kung ang hindi ko ibig, ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin. Kaya nga nasumpungan ko ang isang kautusan na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin. Sapagka't ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos ayon sa pagkataong loob: Datapuwa't nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. Abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?” (Roma 7:14-24).

Sinabi ni Pablo sa mga taga-Roma na mayroong ‘mga sangkap’ sa kanyang katawan na tinatawag niyang ‘aking laman,’ na nagdudulot ng paghihirap sa kanyang buhay bilang mananampalataya at siya’y ginawang bihag ng kasalanan. Si Martin Luther sa kanyang paunang salita sa Aklat ng Roma, ay nagkomentaryo sa paggamit ni Pablo sa salitang ‘laman.’ Ayon sa kanya, “Hindi mo dapat unawain ang ‘laman,’ samakatwid, na tila ito ay ‘laman’ na tumutukoy lamang sa pagiging marumi. Ngunit ginamit ni Apostol Pablo ang salitang ‘laman’ ng tao sa kabuuan, katawan, kaluluwa, katwiran at lahat ng sa kanya, dahil lahat ng nasa kanya ay nagnanais at nagpupumilit para sa laman.” Tinutukoy ni Luther ang ‘laman’ bilang pagmamahal at mga pagnanais na labag sa kalooban ng Diyos hindi lamang sa sekswal na konotasyon, bagkus sa lahat ng aspeto ng buhay.

Upang lubusang maunawaan ang salitang ‘laman,’ kinakailangang suriin ang gamit at kahulugan nito sa Bibliya, paano nakikita sa buhay ng mga mananampalataya at di-mananampalataya ang mga bunga nito sa buhay at paano ito lubusang mapagtatagumpayan.

Isang Pagpapakahulugan ng ‘Laman’

Ang Salitang griyego para sa ‘laman’ ay ‘sarx,’ ang termino na ginagamit sa Kasulatan upang tukuyin ang pisikal na katawan. Gayunman, sa Greek-English Lexicon ng Bagong Tipan at iba pang literatura ng mga unang Kristyano, inilarawan ang salitang ito sa ganitong paraan: “ang pisikal na katawan bilang gumaganang nilalang; partikular sa isip ni Pablo, lahat ng bahagi ng katawan ay bumubuo sa pangkalahatan na tinatawag na laman, na nangingibabaw ang kasalanan sa antas kung saan naroroon ang laman, naroon ang lahat ng uri ng kasalanan at walang mabuting mabubuhay dito.”

Malinaw na ipinahahayag ng Bibliya na hindi nagsimula ang sangkatauhan sa ganitong estado. Sinasabi sa Aklat ng Genesis na ang tao ay unang nilikha na mabuti at perpekto: “At sinabi ng Diyos, Lalangin Natin ang tao sa Ating larawan, ayon sa Ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa; At nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang Niya sila na lalake at babae” (Genesis 1:26-27). Dahil ang Diyos ay perpekto, at dahil ang bunga ay naglalarawan ng kanyang sanhi sa esensya, kung gayon, ang lubos na mabuting Diyos ay makakalikha lamang ng mga mabubuti, o tulad ng sinabi ni Hesus, “Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama” (Mateo 7:18). Parehong nilikha na mabuti at walang kasalanan sina Adan at Eba. Subalit nang sila’y magkasala, ang kanilang kalikasan ay nadungisan, at ang kalikasang ito ay naipasa sa kanilang mga anak: “At nabuhay si Adan ng isang daan at tatlong pung taon, at nagkaanak ng isang lalaking kaniyang wangis na hawig sa kaniyang larawan; at tinawag ang kaniyang pangalan na Set” (Genesis 5:3, binigyang diin).

Ang katotohanan ng kalikasan ng kasalanan ay itinuro sa maraming lugar sa Banal na Kasulatan, tulad ng deklarasyon ni David na, "Ako’y masama na buhat nang iluwal, makasalanan na nang ako’y isilang" (Awit 51: 5). Hindi sinasabi David na siya ay produkto ng pakikiapid, sa halip ayon sa kanya, ipinamana sa kanya ng kanyang mga magulang ang makasalanang kalikasan. Sa teolohiya, ito ay tinatawag na "Traducian" (mula sa Latin na nangangahulugang ‘mula sa isang sanga’) na isang pananaw sa kalikasan ng tao. Ayon sa pananaw naTraducian, ang kaluluwa ng isang tao ay nilikha sa pamamagitan ng kanyang mga magulang, at sa prosesong ito namamana ng bata ang makasalanang kalikasan.

Ang pananaw ng Bibliya sa kalikasan ng tao ay naiiba sa pananaw ng mga pilosopiyang Griyego sapagkat ayon sa Banal na Kasulatan ang likas ng sangkatauhan ay orihinal na mabuti. Samantala, ang mga pilosopong tulad ni Pilato ay nakakita ng ‘dualismo’ o paghihiwalay sa dalawang sangkap ng persona ng tao. Ang ganitong kaisipan sa bandang huli ang pinagmulan ng teorya na ang katawan (ang pisikal) ay masama, ngunit ang espiritu ng isang tao ay mabuti. Ang katuruan na ito ay nakaimpluwensya sa mga grupo tulad ng mga ‘Gnostics’ na naniniwala na ang pisikal na mundo ay nilikha sa pagkakamali ng isang kalahating-diyos na tinatawag na ‘Demiurge.’ Ang mga Gnostics ay salungat sa doktrina ng pagkakatawang-tao ni Kristo dahil naniniwala sila na ang Diyos ay hindi kailanman magtataglay ng isang pisikal na katawan, yamang ang katawan ay masama. Nakatagpo si apostol Juan ng ganitong klase ng katuruan sa kanyang panahon at nagbigay siya ng babala laban dito: "Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan agad ang bawat nagsasabing sumasakanila ang Espiritu. Sa halip ay subukin muna ninyo upang malaman kung mula sa Diyos ang espiritung sumasakanila, sapagkat marami nang bulaang propeta ang lumitaw sa sanlibutan. Ito ang pagkakakilanlan kung sino ang kinaroroonan ng Espiritu ng Diyos: ang nagpapahayag na si Hesu Kristo ay naging tao ang siyang kinaroroonan ng Espiritung mula sa Diyos. Ang espiritu ng anti-Kristo ang nasa kanya. Nasabi na sa inyong ito’y darating at ngayong nga’y nasa sanlibutan na" (1 Juan 4: 1-3).

Dagdag pa dito, ang mga Gnostics ay nagtuturo na hindi na mahalaga kung ano ang ginawa ng isang tao sa kanyang katawan dahil ang espiritu lamang diumano ang may kabuluhan. Ang pananaw na dualismo ay nagdulot ng parehong epekto noong unang siglo katulad ngayon - ito ay humahantong sa alinman: sa matinding pagpepenitensya o sa kahalayan, na parehong hinahatulan ng Bibliya (Colosas 2:23; Judas 4).

Kaya salungat sa kaisipang Griyego, sinasabi sa Bibliya na ang likas na katangian ng sangkatauhan - ang pisikal at espiritwal ay parehong mabuti, ngunit pareho silang naapektuhan ng kasalanan. Ang resulta ng kasalanan ay isang kalikasang madalas na tinutukoy bilang ‘laman’ sa Banal na Kasulatan - isang bagay na tumututol sa Diyos at naglalayong matamo ang makasalanang kasiyahan. Inilarawan ni Pastor Mark Bubek ang laman sa ganitong paraan: "Ang laman ay isang batas na itinayo ng pagkabigo, at ginagawang imposible para sa likas na tao ang makapagbigay lugod o maglingkod sa Diyos. Ito ay isang mapilit na puwersang panloob na minana mula sa pagkakasala ng tao, na nagpapahayag ng sarili nito sa pangkalahatan at partikular na paghihimagsik laban sa Diyos at sa Kanyang katuwiran. Ang laman ay hindi kailanman maaaring mabago. Ang tanging pag-asa upang matakasan ang batas ng laman ay ang pagpatay dito kapalit ng isang bagong buhay na galing sa Panginoong Hesu Kristo

Ang Paghahayag at Pakikipaglaban sa Laman

Paano ipinahahayag ng laman ang sarili nito sa mga tao? Sinasagot ng Bibliya ang tanong na ito sa ganitong paraan: "Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pangangalunya, karima-rimarim na pamumuhay, kahalayan, pagsamba sa diyus-diyusan, pangkukulam, pagkapoot, pagkagalit, paninibugho, kasakiman, pagkakabaha-bahagi, pagkakampi-kampi, pagkainggit, paglalasing, walang taros na pagsasaya at iba pang tulad nito. Binabalaan ko kayo tulad noong una: hindi tatanggapin sa kaharian ng Diyos ang sumasagawa ng gayong mga bagay" (Galacia 5: 19-21).

Ang mga halimbawa ng produkto ng laman sa mundo ay maliwanag. Isaalang-alang ang ilang malungkot na katotohanan na kinuha mula sa isang survey kamakailan lamang tungkol sa epekto ng pornograpiya sa Amerika. Ayon sa pagaaral, sa bawat segundo sa U.S:

• $ 3,075.64 ay ginugugol sa pornograpiya.

• 28,258 ng mga gumagamit ng Internet ay tumitingin sa pornograpiya.

• 372 ng mga gumagamit ng Internet ay gumagamit ng mga maseselang termino para sa paghahanap sa mga search engine.

At sa bawat 39 minuto, isang bagong bidyong pornograpiko ang nalilikha sa Estados Unidos. Ang mga nasabing mga istatistika ay nagbibigay-diin sa pahayag na ginawa ng propetang si Jeremias na ipinagluksa na "ang puso ay magdaraya at walang katulad; wala ang lunas at kanyang kabulikan" (Jeremias 17: 9).

Ang Kahihinatnan ng Laman

Sinasabi ng Bibliya na ang pamumuhay sa laman ay nagbubunga sa hindi magandang kahihinatnan. Una, ayon sa Banal na Kasulatan, ang mga namumuhay ayon sa laman, at sila na hindi kailanman nais na magbago o magsisi mula sa kanilang mga makasalanang paguugali ay makakaranas ng pagkahiwalay sa Diyos sa buhay na ito at sa susunod:

• "Ngunit ano nga ang napala kalikasang ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Ang kinauuwian ng mga ito ay kamatayan" (Roma 6:21)

• "Sapagkat mamamatay kayo kung mamumuhay kayo sa laman ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo" (Roma 8:13).

• "Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; ang Diyos ay di madadaya ninuman. Kung ano ang inihasik ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang nagsisikap sa mga bagay ukol sa laman ay aani ng kamatayan. Ang nagsisikap sa mga bagay ukol sa Espirtu ay aani ng buhay na walang hanggan" (Galacia 6:7-8).

Dagdag pa dito, ang isang tao ay nagiging alipin din ng kanyang kalikasang makalaman: "Alam ninyong kapag kayo ay napailalim kaninuman bilang alipin, alipin nga kayo ng inyong panginoon- mga alipin ng kasalanan at ang bunga nito’y kamatayan, o mga alipin ng Diyos at ang bunga nito’y pagpapawalang-sala" (Roma 6:16). Ang pang-aaliping ito ay palaging humahantong sa isang mapanira at bulok na pamumuhay. Katulad nang sinabi ng propetang si Oseas, "Hangin ang kanilang inihasik at ipu-ipo ang aanihin nila" (Oseas 8: 7).

Sa katotohanan, ang pagsunod sa laman ay palaging nagbubunga ng pagsira sa mga moral na batas ng Diyos. Gayunpaman, sa isang totoong kahulugan, hindi kaya ng taong sirain ang moral na batas ng Diyos bagamat tiyak na maaaring siya ay sumuway dito. Halimbawa, maaaring umakyat sa bubong ang isang tao, itali ang isang kapa sa kanyang leeg at tumalon mula sa bubong sa pag-asang masira ang batas ng gravity. Gayunman, agad niyang malalaman na hindi siya ay maaaring lumipad; hindi niya maaaring sirain ang batas ng gravity, at sa huli, ang tanging bagay na masisira ay ang kanyang sarili habang nasa proseso ng pagpapatunay sa batas ng gravity. Ganoon din ang katotohanan sa mga moral na pagkilos: ang isang tao ay maaaring lumabag sa moral na batas ng Diyos sa pamamagitan ng makalamang pamumuhay ngunit siya ay magpapatunay lamang na ang moral na kautusan ng Diyos ay totoo sa pamamagitan ng pagsira sa kanyang sarili sa ilang mga paraan sa pamamagitan ng kanyang sariling paguugali.

Pagtatagumpay laban sa laman

Ibinigay sa Bibliya ang tatlong hakbang sa proseo ng pagtatagumpay laban sa laman at sa pagpapanumbalik ng tamang relasyon sa Diyos. Ang unang hakbang ay ang paglakad sa katapatan kung saan kinikilala ng isang tao ang kanyang makasalanang gawa sa harapan ng Diyos. Kinapapalooban ito ng pagsang-ayon sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa bawat isang makalaman: makasalanan ang lahat ng tao at isinilang sa mundo na may nasirang relasyon sa Diyos na sa kanila ay lumalang:

• "Oh Panginoon kong Dios, kung ginawa ko ito; kung may kasamaan sa aking mga kamay?” (Awit130:3)

• "Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili, at wala sa atin ang katotohanan. . .Kung sinasabi nating hindi tayo nagkakasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita” (1 Juan 1:8, 10)

Ang ikalawang hakbang ay ang paglakad sa Espiritu na kinapapalooban ng pagtawag sa Diyos para sa kaligtasan at pagpapasakop sa Banal na Espiritu na nagbibigay ng kapangyarihan sa tao na mamuhay ng matuwid sa harapan ng Diyos at hindi sumusunod sa mga nais ng laman. Ang pagbabagong ito at ang paglakad sa bagong buhay ay inilarawan sa ilang mga bahagi ng Kasulatan na gaya ng mga sumusunod:

• “At kung ako ma'y buhay hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nasa daigdig, namumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at nag-alay ng kanyang buhay para sa akin" (Galacia 2:20).

• "Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwat buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus" (Roma 6:11).

• "Ito ang sinasabi ko sa inyo: ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at huwag ninyong susundin ang pita ng laman" (Galacia 5:16).

• "Sapagkat ang lahat ng nabautismuhan kay Cristo ay pinananahanan ni Cristo” (Galacia 3:27).

• "Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhayd at huwag paglaanan ang laman upang bigyang-kasiyahan ang mga nasa nito" (Roma 13:14).

• "Huwag kayong maglalasing, sapagkat nakasisira iyan ng maayos na pamumuhay. Sa halip ay sikapin ninyong mapuspos kayo ng Espiritu Santo" (Efeso 5:18).

• “Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa 'yo kailanman” (Awit 119:11)

Ang huling hakbang ay ang paglakad sa kamatayan, kung saan pinipigilan ng mananampalataya ang laman laban sa mga pagnanasa nito hanggang sa ito ay mamatay. Kahit na born again o isinilang na muli na ang isang tao sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, kailangan niyang maunawaan na nagtataglay pa rin siya ng lumang kalikasan kasama ang mga pagnanasa nito na nakikipagtunggali sa bagong kalikasan na nagmula sa Espiritu. Mula sa isang praktikal na pananaw, sadyang hindi pinakakain ng Kristiyano ang luma at makalamang kalikasan at sa halip ay sinasanay ang bagong paguugali at pamumuhay sa pangunguna ng Banal na Espiritu:

• "Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan” (1 Timoteo 6:11).

• “Kaya nga, iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan” (2 Timoteo 2:22).

• "Pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ang sarili, baka pagkatapos kong mangaral sa iba ay ako naman ang itakwil” (1 Corinto 9:27).

• "Kaya't dapat nang mawalaa sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan" (Colosas 3:5).

• "At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang likas nilang pagkatao, kasama ang masasamang pita nito” (Galacia 5:24).

• "Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan" (Roma 6:6).

• "Hindi ganyan ang natutuhan ninyo kay Cristo — kung talagang pinakinggan ninyo ang aral niya at naturuan kayo ng katotohanang na kay Jesus. Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, na napapahamak dahil sa masasamang pita. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat makita sa inyo'y ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katuwiran at kabanalan" (Efeso 4:20-24).

Konklusyon

Inilarawan ni Susana Wesley, ina ng dakilang mangangaral at manunulat ng Kristiyanong imnaryo na sina John at Charles Wesley ang kasalanan sa ganitong paraan: "Anuman ang makapagpapahina sa iyong pangangatwiran, umuusig sa iyong konsensya, nagpapalabo sa iyong pangunawa sa Diyos, o pumapawi ng iyong pagnanasa sa mga espirtiwal na bagay, sa madaling salita – kung ang isang bagay ay nagdadagdag sa kapangyarihan at awtoridad ng laman laban sa espiritu na para sa iyo, nagiging kasalanan ang isang bagay gaano man iyon kaganda – dapat iyong talikuran.” Ang isa sa mga layunin ng pamumuhay Kristiyano ay pagtatagumpay ng Espiritu laban sa laman at isang binagong buhay na nakikita ang makadiyos at banal na pamumuhay sa harapan ng tao at ng Diyos.

Bagama’t ang pakikibaka laban sa laman ay totoong totoo (na malinaw na inihayag ng Bibliya), binigyang katiyakan ng Diyos ang mga Kristiyano na bibigyan Niya sila ng katagumpayan laban sa mga nasa ng laman. “Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus” (Filipos 1:6).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang laman?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries