settings icon
share icon
Tanong

Bakit may mga pagkakataon na tila tahimik ang Diyos at ang Kanyang presensya ay hindi maramdaman sa buhay ng mananampalataya?

Sagot


Sa pagsagot sa tanong na ito, maaalala ng isang tao ang tungkol kay Elias at ang kanyang pagtakas kay Jezebel. Si Elias ay lingkod ng Diyos na Kanyang ginamit bilang instrumento upang gumawa ng mga makapangyarihang bagay. Gayunman, siya ay tumakas nang makarating sa kanya ang balita na pinagbabantaan ni Jezebel ang kanyang buhay (kabanatang 19 ng Unang Hari). Nanalangin si Elias sa Panginoon, at nagreklamo siya dahil sa pagturing sa kanya: “Sumagot si Elias, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa inyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din” (1 Hari 19:10). Kapana-panabik ang sagot ng Diyos kay Elias: “ Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig” (1 Hari 19:11-12).

Makikita natin sa mga talata na akala ni Elias ay nananahimik ang Diyos subalit mali ang kanyang iniisip, inakala niya na nananahimik ang Diyos at siya na lamang ang natitira ngunit ang totoo ay hindi naman nananahimik ang Diyos, Sapagkat marami Siyang mga kawal na naghihintay, kaya't si Elias ay hindi nag-iisa: “Ngunit pitong libo sa Israel ang ililigtas ko, ang mga taong hindi lumuluhod kay Baal at hindi humahalik sa kanyang imahen” (1 Hari 19:18).

Sa ating pamumuhay bilang mga mananampalataya at bagong nilalang, maaaring akala natin minsan ay tahimik ang Diyos, pero kailanman ay hindi Siya nanahimik. Ang tila pananahimik at kawalan ng pagkilos ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang pakinggan ang “banayad at mahinang tinig” at upang makita natin ang Kanyang inilaan sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang totoo ay sangkot ang Diyos sa bawat bahagi ng buhay ng mananampalataya--nabibilang Niya ang bawat hibla ng buhok sa ating ulo (Marcos 10:30; Lucas 12:7). Gayunman. may mga pagkakataon na kailangan nating lumakad ng may pagsunod sa liwanag na ibinigay ng Diyos sa atin bago niya tanglawan ng higit na liwanag ang landas na ating tinatahak, sapagkat sa panahong ito ng biyaya ay nangungusap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita.

Ang sabi ni Yahweh, ”Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan. ”Ang ulan at yelo na bumabagsak mula sa langit ay hindi na nagbabalik, kundi dinidilig nito ang lupa, kaya lumalago ang mga halaman at namumunga at nagbibigay ng butil na panghasik, at tinapay upang maging pagkain. Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig, ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan.Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais” (Isaias 55:8-11).

Samakatwid, kapag tila nananahimik ang Diyos sa atin bilang mga mananampalataya, nangangahulugan ito na huminto tayo sa pakikinig ng Kanyang tinig, hinayaan natin na maituon natin sa sanlibutan ang ating espirituwal na pandinig dahil sa mga alalahanin, o kaya'y pinababayaan na natin ang Kanyang Salita. Ang Diyos ay hindi na nangungusap sa atin ngayon sa pamamagitan ng mga tanda, mga kababalaghan, apoy at hangin, Sapagkat Siya ay nangungusap na sa atin sa pamamagitan ng Salita, at sa Kanyang Salita ay mayroon tayong “mga Salita ng buhay”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit may mga pagkakataon na tila tahimik ang Diyos at ang Kanyang presensya ay hindi maramdaman sa buhay ng mananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries