Tanong
Ano ang ibig sabihin na ang kasalanan ay paglabag sa kautusan?
Sagot
Sinasabi ng 1 Juan 3:4, “Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan.” Ang salitang isinaling “paglabag sa kautusan” ay nagmula sa salitang Griego na anomia, na nangangahulugang “lubos na pagwawalang-bahala sa Diyos at sa Kanyang mga batas.” Mula sa salitang Griyegong ito ay nakuha rin natin ang salitang antinomianism, na isang paniniwala na walang mga kautusang moral na inaasahan ng Diyos na susundin ng mga Kristiyano. Ang bawat kasalanan ay paglabag sa Diyos dahil ang kasalanan ay lumalabag sa Kanyang pamantayang moral para sa mga tao. Dahil nilikha tayo ng Diyos (Genesis 1:27), may karapatan Siya na tukuyin ang mga hangganan para sa atin. Ang anumang paglabag sa mga hangganang iyon ay isang paglabag sa Kanyang batas, na nangangahulugan na ang bawat kasalanan ay isang gawain ng paglabag sa batas.
Ang tagasunod ng Diyos ay iiwasan ang paglabag sa batas. Ang taong pinagpala ay inilarawan bilang isang tao “na ang kaluguran ay nasa kautusan ng Panginoon” (Awit 1:2). “Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas,” ang isinulat ng salmista, “natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak” (Awit 119:174). Ang kaibahan sa pagitan ng paglabag sa kautusan at pag-ibig ay hindi maaaring maging mas malinaw: “Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa, ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa” (Awit 119:70).
Ang Kasulatan ay nagpapahayag ng pagkakaiba sa pagitan ng isang taong nagkakasala, tulad ng ginagawa nating lahat (Roma 3:10, 23; 1 Juan 1:8), at ng isang taong “lumalabag sa batas” (Mateo 7:23; 13:41). Ang taong lumalabag sa batas ay isang taong lubusang ibinigay ang sarili sa isang makasalanang pamumuhay. Ang mga taong masasama ay hindi naniniwala sa Diyos o tumatangging kilalanin ang Kanyang karapatan na pamunuan ang kanilang buhay (Awit 14:1). Maging ang mga nabubuhay sa paglabag sa batas ay makakatagpo ng kapatawaran kung sila ay tatalikod sa kanilang kasalanan at tatanggapin ang katuwiran at pagliligtas ni Kristo (2 Corinto 5:21; Juan 3:16–18).
Ang mga nagpapatuloy sa paglabag sa batas ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos (1 Corinto 6:9–10; Galacia 5:20–21). Nagbabala si Jesus na sa huling panahon ay lalago ang paglabag sa batas at “ang pag-ibig ng marami ay lalamig” (Mateo 24:12). Kapag ang isang saloobin ng kawalan ng batas ay lumaganap sa kapaligiran, ang mga tao ay tumitigil sa pag-iisip tungkol sa tama at mali. Hindi na nila alam o wala silang pakialam na umiiral ang ganap na mga pamantayang moral. Maaaring ituring ng mga taong walang batas ang kanilang sarili na napakarelihiyoso at espiritwal, ngunit kinikilala nila ang Diyos ayon sa gusto nila, hindi kung ano Siya.
Ang Antikristo na hinulaan na lilitaw sa huling panahon ay inilarawan bilang isang “taong lumalabag sa batas” (2 Tesalonica 2:3, 8). Sinabi ni Daniel na siya ay magiging isang hari na “gagawin ang anumang kanyang naisin” (Daniel 11:36). Ang Antikristo ay magiging isa na nakakakilala kung sino ang Diyos ngunit ipinapahayag ang kanyang sarili na higit sa Diyos, tulad ng ginawa ni Satanas (Isaias 14:14; 1 Juan 2:22; 4:3; 2 Tesalonica 2:4). Siya ay tinawag na “walang batas” dahil itatakwil niya ang lahat ng awtoridad at ganap na ibibigay sa kasalanan. Ang mga susunod sa antikristo sa panahon ng kapighatian ay susunod sa kanya sa paglabag sa batas, sa kanilang sariling pagkawasak. Ang mga tumanggap ng kanyang marka ay hindi kailanman makapagsisisi at makakatagpo ng kapatawaran, ngunit pahihirapan magpakailanman sa dagat-dagatang apoy (Pahayag 14:9–10).
Ang paglabag sa batas ay nagreresulta sa isang kulturang umiikot sa kaguluhan (Kawikaan 29:18). Ang panahon ng mga hukom ay napakagulo dahil sa isang bahagi, “ginawa ng lahat ng tao kung ano ang inaakala nilang tama sa kanilang sariling mga mata” (Hukom 21:25). Nakikita natin ang mga epekto ng paglabag sa batas ng mundo ngayon. Ang mga batas ng Diyos—at maging ang mga batas ng sekular na lipunan—ay tinatanggihan bilang lipas na, kalabisan, o mapang-api. Ang bawat tao ay isang batas sa kanyang sarili, at ang kahihinatnan ng gayong uri ng paglabag sa batas ay kawalan ng pamahalaan at kaguluhan. Hindi dapat bigyang-katwiran ang kasalanan sa pamamagitan ng pagkikibit-balikat at "kawalan ng perpekto.” Ang bawat gawa ng kasalanan ay isang halimbawa ng paglabag sa batas dahil ito ay isang paglabag sa pamantayan ng Diyos sa kabanalan at sa Kanyang perpektong karakter.
English
Ano ang ibig sabihin na ang kasalanan ay paglabag sa kautusan?