Tanong
Ano ang ibig sabihin na si Satanas ang ama ng kasinungalingan (Juan 8:44)?
Sagot
Kausap ang isang grupo ng mga Judio, sinabi ni Jesus, “Kayo ay sa inyong ama, ang diyablo. Ang mga masasamang hangarin ng inyong ama ang nais ninyong gawin. Siya ay mamamatay-tao buhat pa nang pasimula. Siya ay hindi nananatili sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa ganang kaniya. Siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan” (Juan 8:44).
Si Satanas ay “ama ng kasinungalingan” dahil siya ang orihinal na sinungaling. Siya ang “ama” ng kasinungalingan kung paanong si Martin Luther ang “ama” ng Repormasyon at si Robert Goddard ang “ama” ng makabagong rocket na armas pandigma. Si Satanas ang unang nagsabi ng kasinungalingan sa naitalang kasaysayan kay Eba sa hardin ng Eden. Pagkatapos na magtanim ng binhi ng pagdududa sa isipan ni Eba sa pamamagitan ng isang katanungan (Genesis 3:1), direkta niyang sinalungat ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi kay Eba, “Hindi ka mamamatay” (Genesis 3:4). Dahil sa kasinungalingang iyon, ibinulid ni Satanas si Eba sa kamatayan; sumunod si Adan, at tayo ring lahat.
Ang pagsisinungaling ang pangunahing sandata ni Satanas laban sa mga anak ng Diyos. Gumagamit siya ng mga taktika ng pandaraya para ihiwalay ang mga tao sa kanilang Ama sa langit. Ang ilan sa kanyang karaniwang kasinungalingan ay “walang Diyos,” “walang pakialam sa iyo ang Diyos,” “hindi mapagkakatiwalaan ang Bibliya,” at “ang iyong mabubuting gawa ang magdadala sa iyo sa langit.” Sinasabi ni apostol Pablo na si Satanas ay “nagkukunwaring anghel ng kaliwanagan” (2 Corinto 11:14), kaya ang kanyang sinasabi at ginagawa ay maganda sa pandinig at tila makatuwiran. Ngunit iyon ay isa lamang pagbabalat-kayo.
Marami sa mga dati ng ginamit na kasinungalingan ni Satanas ay nagpapatuloy. Ito ang nangyari ng makumbinsi ni Eba si Adan na paniwalaan din ang kasinungalingan ng diyablo. Sa kasalukuyan, ginagamit pa rin ni Satanas ang mga tao para ikalat ang kanyang mga kasinungalingan para sa kanyang layunin. Kadalasan, ginagamit niya ang mga karismatiko at mga mangmang na tao para ipagpatuloy ang kanyang kasinungalingan gaya ng mga huwad na relihiyon at mga kulto.
Maraming tawag ang Bibliya kay Satanas para ilarawan ang kanyang tunay na kalikasan kabilang ang mga salitang “pinuno ng sanlibutang ito” (Juan 12:31), “diyos ng kasalukuyang panahon” (2 Corinto 4:4), “manunukso” (1 Tesalonica 3:5), “mandaraya” (Pahayag 12:9), “Belzebub” (literal na nangangahulugang “panginoon ng mga langaw,” ang pinuno ng mga demonyo sa Mateo 10:25), at “Belial,” na ang kahulugan ay “masama” (2 Corinto 6:15).
Marami ng kasinungalingan ang sinabi ni Satanas sa maraming tao kaysa sa ibang mga nilikha ng Diyos (kahit na sa mga anghel). Ang kanyang tagumpay ay nakasalalay sa mga taong naniniwala sa kanyang mga kasinungalingan. Ginamit na niya ang lahat ng bagay mula sa “maliit at maputing kasinungalingan” hanggang sa napakalaki at napakaliwanag na kasinungalingan para dayain ang mga tao. Si Adolph Hitler, isang taong natutong magsinungaling ng napakabisa ang minsang nagsabi, “kung sasabihin mo ang isang kasinungalingan ng paulit-ulit, iyon ay paniniwalaan.”
Kung maliit o malaki mang kasalanan, hindi ito ang isyu. Ang kasinungalingan ay sa diyablo. Kung nagsinungaling ka ng minsan, malibang ikaw ay magsisi, hindi ka makakapasok sa langit. Itinuturo ng Bibliya na para sa lahat ng sinungaling “ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan” (Pahayag 21:8). Itinuturo din ng Kawikaan 19:9 na ang sinumang nagsisinungaling ay parurusahan.
Iwasan mo ang kapalarang ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Markos 1:15: “Magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!” Si Jesus ang katotohanan (Juan 14:6), at hinding hindi ka Niya dadayain. Para sa mga lumapit kay Jesus sa pananampalataya, “Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32).
English
Ano ang ibig sabihin na si Satanas ang ama ng kasinungalingan (Juan 8:44)?