settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na maging alipin ng kasalanan?

Sagot


Lahat tayo ay mga alipin sa aspetong espiritwal. Maaring tayo ay mga alipin ng kasalanan, na siyang natural nating kalagayan, o tayo ay mga alipin ni Kristo. Idineklara ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang kanilang kalagayan bilang mga alipin ni Kristo. Sinimulan ni Pablo ang kanyang sulat sa mga taga Roma sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanyang sarili bilang isang "alipin ni Kristo" (Roma 1:1). Tinawag din niya ang kanyang sarili sa kanyang sulat kay Tito bilang isang "alipin ng Diyos" (Tito 1:1). Sinimulan ni Santiago ang kanyang sulat sa parehong paraan: "Si Santiago, na alipin ng Dios at ng Panginoong Jesucristo, ay bumabati sa labingdalawang angkan na nasa Pangangalat" (Santiago 1:1). Maraming salin ng Bibliya ang ginamit ang salitang "doulos" ng may konotasyon ng pagiging isang "katulong" sa mga nabanggit na mga talata ngunit ang salitang Griyego ay literal na nangangahulugan ng pagiging isang "alipin."

Sa Juan 8:34, sinabi ni Hesus sa mga Pariseong hindi sumasampalataya sa Kanya, "Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bawa't nagkakasala ay alipin ng kasalanan." Ginamit Niyang ilustrasyon ang isang alipin at ang Kanyang Panginoon upang ituro na ang isang alipin ay sumusunod sa kanyang Panginoon dahil siya ay pagaari nito. Walang kalayaang magpasya para sa kanilang sarili ang mga alipin. Literal silang nakatali sa kanilang mga panginoon. Kung ang kasalanan ang ating panginoon, wala tayong kakayahan na labanan ito. Ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Hesu Kristo na labanan ang kapangyarihan ng kasalanan, "Pinalaya tayo sa kasalanan at naging mga alipin ng katuwiran" (Roma 6:18). Sa oras na lumapit tayo kay Kristo at magsisi sa ating mga kasalnan at tumanggap ng Kanyang kapatawaran sa ating mga kasalanan, binigyan tayo ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin upang mapagtagumpayan ang kasalanan. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, may kakayahan tayo na labanan ang kasalanan at maging mga alipin ng katuwiran.

Ang mga alagad ni Hesus ay nakatalaga sa Kanya at nais na gawin ang mga bagay na nakalulugod sa Kanya. Nangangahulugan ito na sumusunod sa Diyos ang Kanyang mga anak at namumuhay ng malaya sa patuloy na pagkakasala. Magagawa natin ito dahil pinalaya tayo ni Kristo mula sa pagkaalipin sa kasalanan (Juan 8:36), at kaya nga wala na tayo sa ilalim ng hatol na kamatayan at pagkahiwalay sa Diyos.

Mas pinalawak sa Roma 6:1–23 ang ideya ng alipin at ng kanyang panginoon. Bilang mga Kristiyano, hindi tayo dapat magpatuloy sa pamumuhay sa pagkakasala dahil namatay na tayo sa kasalanan. Sinasabi sa Roma 6:4 na dahil nalibing na tayo at nabuhay na mag-uling kasama ni Kristo, may kakayahan na tayong lumakad sa isang bagong buhay, hindi gaya ng mga hindi mananampalataya na mga alipin ng kasalanan. Nagpatuloy ang Roma 6:6 na dahil nalalaman natin na ang ating lumang pagkatao ay kasamanag napako ni Kristo sa krus, hindi na tayo mamumuhay ayon sa laman at hindi na tayo alipin pa ng kasalanan. At sinasabi sa Roma 6:11 na ituring natin ang ating sarili na patay na sa kasalanan at buhay sa Diyos kay Kristo Hesus.

Inuutusan tayo ng Diyos na huwag nating paghariin ang kasalanan sa ating mga katawan, at huwag sundin ang mga pita nito sa halip ay iharap natin ang ating mga sarili bilang mga instrumento ng katuwiran (Roma 6:12–14). Sa Roma 6:16-18, sinabihan tayo na alipin tayo ng anumang sinusunod natin, kung hindi man pagsunod sa kasalanan ay pagsunod sa katuwiran. Dapat tayong paalipin sa Diyos na pinanggagalingan ng kaloob ng pagpapaging banal at buhay na walang hanggan. Ginagawa natin ito dahil kamatayan ang kabayaran ng kasalanan ngunit ang kaloob na walang bayad ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon (Roma 6:23).

Sinabi ni Apostol Pablo, na manunulat ng aklat ng Roma, na alam niya kung gaano kahirap ang hindi pamumuhay sa kasalanan dahil nakipaglaban siya sa kasalanan kahit na pagkatapos niyang maging isang tagasunod ni Kristo. Isa itong mahalagang bagay na dapat malaman ng lahat ng Kristiyano. Bagama't pinalaya na tayo mula sa kabayaran ng kasalanan, nabubuhay pa rin tayo sa presensya ng kasalanan habang nabubuhay tayo sa mundong ito. Ang tanging daan upang mapalaya tayo mula sa kapangyarihan ng kasalanan ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na ibinigay sa mga mananampalataya sa oras ng pagbuhay sa kanila ni Kristo (Efeso 1:13–14), at ito ang tatak sa atin ni Kristo bilang paunang bayad sa ating mana bilang mga anak ng Diyos.

Nangangahulugan ang presensya ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay na habang lumalago tayo sa pananampalataya at pag-ibig sa Diyos sa bawat araw, mayroon tayong lakas na labanan ang kasalanan. Sa pamamagitan ng pagkilos ng Banal na Espiritu, binibigyan Niya tayo ng kalakasan na labanan ang kasalanan at hindi na tayo nagpapadala sa mga tukso nito at nakakapamuhay tayo ayon sa Salita ng Diyos. Patuloy na nagiging hindi katanggap-tanggap sa atin ang kasalanan at nararanasan natin sa ating mga sarili na hindi na natin nais gawin ang mga bagay na nakahahadlang sa ating relasyon sa Diyos.

Ang Roma 7:17—8:2 ay isang kahanga-hangang paghimok sa mga mananampalataya dahil sinabi sa atin na kahit na nagkakasala pa rin tayo paminsan-minsan, wala ng hatol na parusa para sa atin dahil tayo ay na kay Kristo Hesus. At muli tayong binibigyang katiyakan sa 1 Juan 1:9 na sa tuwing magkakasala tayo bilang mga Kristiyano, tapat at banal ang Diyos na patatawarin tayo ng Diyos kung ipapahayag natin sa Kanya ang ating mga kasalanan sa araw-araw at lilinisin tayo sa ating mga karumihan upang makapamuhay tayong patuloy sa tamang relasyon sa Kanya. Sa buong aklat ng Efeso, hinihimok tayo ni Apostol Pablo at pinalalakas ang ating loob upang lumakad bilang mga anak ng kaliwanagan, at ibigin ang isa't isa kung paanong inibig tayo ni Hesu Kristo at alamin kung ano ang nakalulugod sa Panginoon at isapamuhay ang mga iyon (Efeso 2:1–10; 3:16–19; 4:1–6; 5:1–10). Sa Efeso 6:10–18 ipinakita sa atin ni Apostol Pablo kung paano maging malakas sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsusuot ng buong baluti ng Diyos araw-araw upang makatayong matatag laban sa mga gawa ng Diyablo.

Kung itatalaga natin ang ating mga sarili bilang mga tagasunod ni Kristo upang lumago at maging matatag sa ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagbabasa at pagaaral ng Salita ng Diyos araw-araw at ng paglalaan ng panahon sa pananalangin sa Kanya, makikita natin ang ating mga sarili na patuloy na magkakaroon ng kakayahan, sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, na pagtagumpayan ang kasalanan. Ang pang araw-araw nating tagumpay laban sa kasalanan dahil kay Kristo ang hihimok at magpapalakas sa ating loob at magpapatunay, sa isang kahanga-hangang paraan, na hindi na tayo alipin ng kasalanan, sa halip ay mga alipin ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na maging alipin ng kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries