Aklat ni Zefanias
Manunulat: Ang propetang si Zefanias ang ipinakilalang sumulat ng aklat sa Zefanias sa Zefanias1:1. Ang kahulugan ng pangalang Zefanias ay "ipinagtanggol ng Diyos".Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ni Zefanias ay na naisulat sa pagitan ng 735 and 725 B.C.
Layunin ng Sulat: Ang mensahe ng paghuhukom at pagpapalakas ng loob ni Zefanias ay naglalaman ng tatlong mahalagang katuruan: 1) Ang Diyos ay may kapangyarihan sa lahat ng bansa. 2) Ang mga masasama ay parurusahan at ang mga matuwid ay mapapawalang-sala sa araw ng paghuhukom. 3) Pinagpapala ng Diyos ang mga nagsisisi at nagtitiwala sa Kanya.
Mga Susing Talata: Zefanias 1:18, "Hindi sila maililigtas ng kanilang salapi o ginto sa araw na yaon ng poot ni Yahweh. Matutupok sa apoy ng kanyang mapanibughong poot ang buong sanlibutan; sapagkat bigla niyang lilipulin ang lahat ng nananahan sa lupa."
Zefanias 2:3, "Hanapin ninyo si Yahweh, kayong mapagpakumbaba, kayong gumaganap ng kanyang kautusan; hanapin ninyo ang katwiran at iyon ang inyong gawin, baka sakaling kayo'y patawarin at iligtas sa araw na yaon!"
Zefanias 3:17, "Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos, parang bayaning nagtagumpay; makikigalak siya sa iyong katuwaan, babaguhin ka ng kanyang pag-ibig; at siya'y masayang aawit sa laki ng kagalakan."
Maiksing Pagbubuod: Ipinahayag ni Zefanias ang paghuhukom ng Diyos sa buong sanlibutan, sa Juda, sa mga nakapalibot na mga bansa, sa Jerusalem at sa lahat ng mga bansa. Ito ay sinundan ng pagpapahayag ng pagpapala ng Panginoon sa lahat ng mga bansa at lalo na sa mga natitirang tapat sa Kanya sa Juda.Si Zefanias ay may tapang na tahasang magsalita dahil alam niyang pinapahayag niya ang Salita ng Diyos. Ang kanyang aklat ay nagsimula sa "Ang salita ng Panginoon" at nagtapos sa "sinabi ng Panginoon". Alam niyang hindi ang maraming diyus-diyosan na sinasamba ng mga tao o maging ang lakas ng hukbong Asiria ang makapagliligtas sa kanila. Ang Diyos ay may magandang-loob at mahabagin, ngunit kapag lahat ng Kanyang babala ay ipinagsawalang-bahala, asahan na ang paghatol. Ang araw ng paghuhukom ng Diyos ay madalas na binabanggit sa Kasulatan. Tinawag ito ng mag propeta na "Ang Araw ng Panginoon". Ang binabanggit niya ay ang iba't ibang mga pangyayari katulad ng pagbagsak ng Jerusalem bilang patotoo ng Araw ng Diyos, ang bawat isa'y patungo sa katapusan ng Araw ng Panginoon.
Mga Pagtukoy kay Kristo: Ang huling pagbabasbas sa Sion na tinukoy sa mga talatang 14-20 ay halos hindi natupad, samakatuwid ay pinagtitibay na ang mga mesyanik na panghuhula na ito ay naghihintay ng Ikalawang Pagbabalik ni Kristo upang maisakatuparan. Inalis na ng Panginoon ang ating mga kaparusahan sa pamamagitan lamang ni Kristo na dumating upang mamatay para sa kasalanan ng Kanyang bayan (Zefanias 3:15; Juan 3:16). Ngunit hindi pa kinikilala ng Israel ang kanyang tunay na Tagapagligtas. Ito'y saka pa mangyayari (Roma 11:25-27).
Ang pangako ng kapayapaan at kaligtasan para sa Israel, ang panahon nang ang kanilang Diyos ay nasa kalagitnaan nila, ay matutupad kapag bumalik na si Kristo upang hatulan ang mundo at tubusin ito para sa Kanya. Kung paanong umakyat Siya sa kalangitan pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay, gayundin babalik Siya at itatayo ang bagong Jerusalem sa lupa (Pahayag 21). Sa panahong iyon, lahat ng mga pangako ng Diyos sa Israel ay matutupad na.
Praktikal na Aplikasyon: Palitan lamang ng kaunti ang mga pangalan at mga sitwasyon, ang propetang ito ng ika-7 siglo B.C ay maaaring tumayo sa ating mga pulpito ngayon at ipahayag ang parehong mensahe ng paghuhukom sa mga masasama at pag-asa para sa mga tapat. Ang Zefanias ay nagpapaalaala sa atin na ang Diyos ay nasasaktan ng mga moral at pangrelihiyong kasalanan ng Kanyang bayan. Ang bayan ng Diyos ay hindi makakatakas sa kaparusahan kapag sinasadya nilang magkasala. Maaaring ang kaparusahan ay masakit, ngunit ang layunin nito ay maaaring pangkaligtasan sa halip na paghihiganti. Ang katiyakan ng pagpaparusa sa kasamaan ay nagbibigay-aliw sa panahong tila ang kasamaan ay walang habas na nagtatagumpay. Mayroon tayong kalayaang suwayin ang Diyos ngunit wala tayong kalayaang umiwas sa mga kalalabasan ng gayong pagsuway. Yaong mga tapat sa Diyos ay maaaring kakaunti lamang, ngunit hindi Niya sila kinakalimutan.
English
Aklat ni Zefanias