Aklat ni Ruth
Manunulat: Hindi partikular na tinukoy kung sino ang sumulat ng aklat ni Ruth. Ayon sa tradisyon, ang sumulat ng aklat ni Ruth ay si Propeta Samuel.Panahon ng Pagkasulat: Hindi tiyak ang eksaktong panahon ng pagkasulat ng aklat. Gayunman, ang aklat ay nasulat, ayon sa popular na paniniwala, sa pagitan ng 1011 at 931 B.C.
Layunin ng Sulat: Ang aklat ni Ruth ay isinulat para sa mga Israelita. Itinuturo nito ang tunay na pag-ibig sa sa kabila ng kahirapan at pagdurusa. Anuman ang ating kalagayan sa buhay, maaari tayong mamuhay ng ayon sa kalooban ng Diyos. Ginagantimpalaan ng Diyos ang tapat na pag-ibig at kabutihan at ang mga taong nagsisikap na sumunod sa Kanyang kalooban. Walang aksidenteng nangyayari sa buhay ng mga taong sumusuond sa kalooban ng Diyos. Ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang habag sa mga mahabagin.
Mga Susing Talata: Ruth 1:16, - Tumugon si Ruth: "Huwag na ninyong hilinging iwan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumaroon, doon ako paroroon. Kung saan kayo tumira doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang aking magiging Diyos."
Ruth 3:9, "Sino ka?" tanong niya. "Si Ruth po, ang inyong alipin," tugon ng babae. "Isa kayong kamag-anak na malapit kaya marapat na ako'y kalingain ninyo't pakasalan ayon sa inyong kaugalian."
Ruth 4:17, "Siya'y tinawag nilang Obed. Balana'y sinabihan nilang nagkaapo ng lalaki si Noemi. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni David."
Maiksing pagbubuod: Ang kasaysayan ng aklat ni Ruth ay nagumpisa sa Moab na isang paganong bansa. Ang Moab ay isang rehiyon sa hilagang silangan ng Dagat na Patay. Kalaunan, ang kuwento ay lumipat sa Bethlehem. Ang totoong pangyayaring ito ay naganap sa malungkot na panahon sa kasaysayan ng Israel, sa panahon ng mga Hukom. Isang taggutom ang nagtulak kay Elimelech at sa kanyang asawang si Naomi na magtungo sa bansang Moab at iniwan ang kanyang tahanan sa Israel. Namatay si Elimelech at naiwan kay Naomi ang kanilang dalawang anak na nagasawa ng mga dalagang Moabita na sina Orpah at Ruth. Hindi nagtagal, namatay ang kaniyang mga anak at si Naomi ay mag-isang naiwan kasama si Orpah at ruth sa isang banyagang bansa. Bumalik si Orpah sa kanyang mga magulang, ngunit si Ruth ay determinadong manatili na kasama ng kanyang biyenang babaeng si Naomi at sila'y naglakbay patungong Bethlehem. Ang kuwentoing ito ng pag-ibig at katapatan ni Ruth ang naging daan upang makapag asawa siya ng isang mayamang lalaki na nagngangalang Boaz. Naging anak nila si Obed na naging lolo ni David at ninuno ni Hesus. Ang pagsunod ni Ruth ang naging daan upang mapasakanya ang pribiliheyo na panggalingan ng Kristo.
Mga pagtukoy kay Kristo: Ang pangunahing tema ng aklat ni Esther ay ang pagiging taga-tubos ng kamag-anak. Ginampanan ni Boaz, bilang kamaganak ng asawa ni ruth ang kanyang tungkulin ayon sa Kautusan ni Moises na tubusin ang isang kamaganak mula sa kanyang mahirap na kalagayan (Levitico 25:47-49). Ang senaryong ito ay ginawa din ni Hesu Kristo, na tumubos sa atin na mga mahirap sa espiritwal, mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Ipinadala ng ating Ama sa Langit ang Kanyang sariling Anak upang mamatay sa krus upang tayo ay maging mga anak ng Diyos at maging magkakapatid kay Kristo. Sa panamagitan ng pagtubos ni Kristo, tayo ay naging magkakamag-anak.
Praktikal na Aplikasyon: Makikita ng malinaw ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos sa kuwento ng buhay ni Ruth. Ginabayan ng Diyos ang bawat hakbang ni Ruth upang maging anak ng Diyos at maganap ang plano ng Diyos para sa kanya na maging ninuno ni Hesu Kristo (Mateo 1:5). Sa ganito ring paraan, mayroon tayong katiyakan na may plano ang Diyos para sa bawat isa sa atin. Gaya ng pagtitiwala ni Naomi at Ruth sa Diyos sa pagkakaloob Niya sa kanilang pangangailangan, dapat din tayong magtiwala sa Kanya.
Makikita natin kay Ruth ang halimbawa ng isang natatanging babae sa kawikaan 31. Bukod sa pagiging tapat sa kanyang pamilya (Ruth 1:15-18; Kawikaan 31:10-12) at sa kanyang buong pusong pagtitiwala sa Diyos (Ruth 2:12; Kawikaan 31:30), makikita din natin kay Ruth ang makadiyos na pananalita. Ang kanyang mga salita ay puno ng pag-ibig, kabaitan at paggalang kay Naomi at Boaz. Gaya ng babae sa Kawikaan 31:26, "ang mga salita niya ay puspos ng kaalaman at ang turo niya ay pawang katapatan." Bihira na ang mga babae na gaya ni Ruth sa ating panahon ngayon.
English
Aklat ni Ruth