Aklat ng Mangangaral
Manunulat: Hindi tinukoy sa Aklat ng Mangangaral kung sino ang manunulat. May ilang mga talata ang nagsasaad na si Solomon ang sumulat ng aklat na ito. May mga palatandaan din sa konteksto na nagpapahiwatig na maaaring ibang tao ang sumulat ng ibang bahagi ng aklat pagkatapos na mamatay ni Solomon at maaaring naisulat ang ibang bahaging iyon may mga 100 taon pagkatapos ng kanyang kamatayan. Gayunman pangkaraniwang pinaniniwalaan na si Solomon ang sumulat ng aklat.Panahon ng Pagkasulat: Nagtagal ang paghahari ni Solomon sa Israel mula sa humigit kumulang 970 B.C. hanggang humigit kumulang 930 B.C. Ang Aklat ng Mangangaral ay malamang na naisulat sa huling bahagi ng paghahari ni Solomon. noong humigit kumulang 935 B.C.
Layunin ng Sulat: Ang Aklat ng Mangangaral ay isang aklat ng pananaw. Ang mga salaysay ng "Mangagaral" o ng "Guro" ay nagpapakita ng kapighatian na walang pagsalang bunga ng paghahanap ng kaligayahan sa mga makamundong bagay. Binibigyan ng pagkakataon ang mga Kristiyano na tingan ang mundo sa pananaw ng isang tao na bagama't napakatalino, ay nagtangka na hanapin ang kahulugan ng buhay sa mga pananadaliang bagay. Karamihan ng mga makamundong kasiyahan ay sinaliksik ng Mangangaral, ngunit wala sa mga ito ang nagbigay sa kanya ng kasiyahan.
Sa huli, natanggap ng Mangangaral na ang pananampalataya sa Diyos ang tanging paraan upang matagpuan ang kasiyahan at kahulugan ng buhay. Nagdesisyon siya na tanggapin ang katotohanan na maiksi lamang ang buhay sa lupa at wala itong kabuluhan kung wala ang Diyos. Pinapayuhan ng Mangangaral ang kanyang mga mambabasa na ituon ang atensyon sa walang hanggang Diyos at sa mga bagay na espiritwal sa halip na sa mga panandaliang kasiyahan dito sa mundo.
Mga Susing Talata: Mangangaral 1:2, "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay."
Mangangaral 1:18, "Hanggang lumalawak ang kaalaman ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang sakit."
Mangangaral 2:11, "Inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang hirap na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan, nauuwi lamang sa wala."
Mangangaral 12:1, "Alalahanin mo ang lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay."
Mangangaral 12:13, "Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos pagkat ito ang buong katungkulan ng tao."
Maiksing pagbubuod: Dalawang salita ang laging inuulit ulit sa Aklat ng Mangangaral. Ang salitang isinalin sa Tagalog na "walang kabuluhan" at ang salitang "walang kahulugan" ay ginamit upang bigyang diin ang panandaliang kalikasan ng mga makamundong bagay. Sa huli, kahit na ang pnakamalaking tagumpay ng tao ay kanyang maiiwanan sa mundong ito. Ang pariralang "sa ilalim ng araw" ay binanggit ng 28 beses at tumutukoy panandaliang mundo. Sa tuwing binabanggit ng Mangangaral ang "lahat ng bagay sa ilalim ng araw," tinutukoy niya ang makalupa, panandalian at pantaong mga bagay.
Inilalarawan ng unang pitong kabanata ng Aklat ng Mangangaral ang "lahat ng bagay sa ilalim ng araw" kung saan sinubukan niyang makasumpong ng kasiyahan. Sinubukan niya na makasumpong ng kasiyahan sa siyensya 1:10-11), kaalaman at pilosopiya (1:13-18), mga kasayahan (2:1), alak (2:3), arkitektura (2:4), ari-arian (2:7-8), at kalayawan sa buhay (2:8). Ibinaling ng Mangangaral ang kanyang isip sa iba't ibang pilosopiya upang matagpuan ang kahulugan ng buhay, gaya ng materyalismo (2:19-20), at maging sa mga tuntuning pangmoralidad (chapters 8-9). Nalaman niya na walang kabuluhan ang lahat ng bagay, tulad sa isang panandaliang pampalipas oras na kung wala ang Diyos, ay walang layunin at direksyon.
Inilalarawan ng kabanata 8-12 ng aklat ang payo at mga komento ng Mangangaral kung paano dapat mamuhay sa mundo. Nagtapos siya sa konklusyon na kung walang Diyos ang isang tao, walang katotohanan at kahulugan ang kanyang buhay. Nasaksihan niya ang maraming kasamaan at natanto na kahit na ang pinakamalaking tagumpay ng tao ay wala ring kabuluhan sa bandang huli. Kaya pinayuhan nhiya ang kanyang mga mambabasa na alalahanin ang Diyos sa panahon ng kabataan (12:1) at sundin ang Kanyang kalooban (12:13-14).
Mga pagtukoy kay Kristo: Sa lahat ng kawalang kabuluhan na inilarawan sa Aklat ng Mangangaral, ang kasagutan ay si Kristo. Ayon sa Mangangaral 3:17, huhusgahan ng Diyos ang matuwid at ang masama at ang tanging ituturing na matuwid na tao ay yaon lamang na kay Kristo (2 Corinto 5:21). Inilagay ng Diyos sa puso ng tao ang walang hanggan (Mangangaral 3:11) at nagkaloob Siya ng daan patungo sa walang hanggang buhay sa pamamagitan ni Kristo (Juan 3:16). Pinaaalalahanan tayo na ang pagpupunyagi para sa mga kayamanan ng mundo ay walang kabuluhan dahil hindi ito nakapagbibigay ng tunay na kasiyahan sa tao (Mangangaral 5:10), at kahit na makamtan natin ito, mawawala din ang ating mga kaluluwa at kung wala sa atin si Kristo, ano ang ating mapapakinabang? (Mark 8:36). Sa huli, ang lahat ng kabiguan at kawalang kabuluhan na inilarawan sa aklat ng Mangangaral ay may lunas sa pamamagitan ni Kristo, ang karunungan ng Diyos na tanging nagbibigay kahulugan at kasiyahan sa mundong ito.
Praktikal na Aplikasyon: Iniaalok ng Mangangaral ang pagkakataon na maunawaan ang kahungkagan at kabiguan na dinaranas ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos. Ang mga taong walang pananampalatayang nakapagliligtas ay humaharap sa isang landasin na walang halaga at tiyak na magwawakas. Kung walang kaligtasan at walang Diyos, ano pa ang saysay ng buhay? Wala na itong direksyon at layunin. Ang buhay ng sangkatauhan sa "nasa ilalim ng araw" kung hiwalay sa Diyos ay malupit, hindi makatarungan, maiksi at "walang kahit anong kabuluhan". Ngunit kay dahil kay Kristo, ang mga pagsubok at paghihirap sa buhay na ito ay hindi maikukumpara sa kaluwalhatiang sasaatin sa kalangitan. "
English
Aklat ng Mangangaral