Tanong
Kasalanan ba ang maadik sa kape/caffeine?
Sagot
Idineklara sa 1 Corinto 6:12, "'May magsasabi, "Malaya akong makagagawa ng kahit ano," ngunit ang sagot ko naman ay, "Hindi lahat ng bagay ay makabubuti." Maaari ko ring sabihin, "Malaya akong gumawa ng kahit ano," ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay." Hindi binanggit saanman sa Bibliya ang tungkol sa kape o caffeine, kaya ang paksa tungkol sa pagkaadik sa kape ay hindi direktang tinalakay sa Bibliya. Ang maaari lamang gawin ay tingnan ang mga prinsipyo ng Bibliya na maaaring ilapat sa pagkaadik o pagkahumaling sa anumang bagay, at pagkatapos ay ilapat ang mga katotohanang makikita sa pagkaadik sa kape o caffeine. Maaaring ang 1 Corinto 6:12 ang isang talata na makukunan ng prinsipyo patungkol sa isyung ito. Habang ang konteksto ng talata ay patungkol sa sekswal na imoralidad, ang mga pananalita ni Pablo ay tumutukoy higit pa sa mga kasalanang sekswal ng kanyang sabihin, "hindi ako paaalipin sa anumang bagay."
Katulad ng katakawan, ang pagkaadik sa kape ay isang gawain na kalimitang nagiging ipokrito ang mga Kristiyano. Madaling kondehanin ng mga Kristiyano ang pagiging adik sa alak at sigarilyo, ngunit ipinagwawalang bahala ang iba pang adiksyon na katanggap-tanggap sa lipunan gaya ng sobrang pagkain at pagkahumaling sa kape. Malinaw na may mapanganib na epekto sa kalusugan at sa paguugali ang alak kung aabusuhin ito. Nakakasira sa katawan ang tabako kahit kaunti lamang ang ipasok sa katawan. Iniisip ng iba na tila hindi naman kasinsama ang epekto sa kalusugan ng caffeine kung ikukumpara sa alak at tabako, ngunit hindi ito ang dapat na maging saloobin ng mga Kristiyano. Sa halip, dapat na maging pamantayan ng mga Kristiyano kung tama ba ang isang gawain o nakalulugod ba iyon sa Diyos.
Kung iinom ng katamtamang dami, hindi makakasama sa kalusugan o nakakaadik man ang caffeine. Ngunit kung sobra, ito ay nakakasama na sa kalusugan at nakakaadik na. Masama ba na uminom ng isang tasang kape tuwing umaga pagkagising? Siyempre, hindi. Masama ba na magdepende sa kape na hindi ka na makakilos sa umaga malibang uminom ka ng isa o ilang tasa ng kape? Ayon sa 1 Corinto 6:12, ang sagot ay oo. Hindi tayo dapat na magpaalipin sa anumang bagay. Hindi natin dapat hayaan ang ating sarili na maalipin, makontrol o mapasunod ng anumang bagay. Tiyak na kasama sa mga bagay na ito ang caffeine. Kung iinom ng katamtaman lamang, hindi kasalanan ang pag-inom ng caffeine. Ngunit kung adik na o nakadepende na ang isang tao sa kape, nagiging espiritwal na isyu ito at isang kasalanan na dapat na pagsisihan at pagtagumpayan.
English
Kasalanan ba ang maadik sa kape/caffeine?