settings icon
share icon
Tanong

Paano natin makikilala ang tinig ng Diyos?

Sagot


Ang katanungang ito ay itinanong na ng hindi na mabilang na tao sa lahat ng panahon. Narinig ni Samuel ang tinig ng Diyos, subali"t hindi niya ito nakilala hanggang sa siya ay ginabayan ni Eli (1 Samuel 3:1-10). Nahayag kay Gideon ang salita ng Diyos, ngunit pinag-alinlanganan pa rin niya ang kanyang narinig hanggang sa siya ay humingi ng palatandaan, hindi lamang isa kundi tatlong beses (Hukom 6:17-22, 36-40). Kapag ating pinakikinggan ang tinig ng Diyos, paano natin malalaman kung tunay ngang Siya ang nagsasalita?

Una sa lahat, mayroon tayo sa ating panahon ngayon na wala sina Gideon at Samuel. Nasa atin na ang Bibliya, ang Salita ng Diyos. Ito'y Kanyang kinasihan at ipinasulat sa Kanyang piling mga lingkod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu upang ating basahin, pag-aralan at pagbulay-bulayan. "Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain" (2 Timoteo 3:16-17). Kapag tayo ay may katanungan tungkol sa isang bagay o may pagpapasyang gagawin sa ating buhay, dapat nating alamin kung ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol dito. Kailan man ay hindi sasalungatin ng Diyos ang Kanyang Salita na nakasulat sa Bibliya o di kaya ay aakayin tayo na salungat sa Kaniyang itinuro o ipinangako sa Kaniyang Salita (Tito 1:2). Ang panahon ng pagsasalita ng Diyos Ama ay sa Lumang tipan. Ang panahon ng pagsasalita ng Diyos Anak ay sa Bagong Tipan. Ngayon ay nangungusap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Bibliya sa pagpapaliwanag ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob Niya sa atin. (Roma 8:16; 1 Corinto 6:19)

Pangalawa, upang makilala natin ang tinig ng Diyos, kailangan natin munang makilala ang Panginoong Hesu Kristo at bigyan tayo ng Diyos ng banal na Espiritu. Sinabi ni Jesus, "Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin" (Juan 10:27). Ang mga taong nakakakilala ng tinig ng Diyos, ay yaong mga pag-aari ng Diyos, sila yaong mga nailigtas sa Biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Hesus. Sila ang mga tupa na nakakakilala ng Kanyang tinig, dahil Siya ang kanilang Pastol. Kung gusto nating makilala ang tinig ng Diyos, dapat na tayo ay maging Kanyang pag-aari. Iyan lamang ang tanging paraan upang ating makilala ang tinig ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano natin makikilala ang tinig ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries