settings icon
share icon
Tanong

Si Satanas ba ang pinuno ng impiyerno? Pinahihirapan ba ni Satanas at ng mga demonyo ang mga tao sa impiyerno?

Sagot


May isang pangkaraniwang maling pangunawa na si Satanas ang namamahala sa impiyerno at nakatira doon ang mga demonyo at ginagamit ang kanilang mga salapang para pahirapan ang mga kaluluwa ng walang hanggan. Walang kahit anong basehan ang konseptong ito sa Kasulatan. Sa katotohanan, si Satanas ang parurusahan sa lawang apoy, hindi siya ang magpaparusa (Pahayag 20:10).

Saan nanggaling ang ideya na si Satanas ang tagapamahala o pinuno sa impiyerno kung hindi ito nanggaling sa Bibliya? Ang karamihan sa mga maling pangunawa ay nanggaling sa epikong tula ni Dante Alighiere na may pamagat na The Divine Comedy. Maraming iba pang likhang sining at mga piyesa sa literatura gaya ng nobela ni Dan Brown na may pamagat na Inferno ang gumaya kay Dante at inilarawan si Satanas bilang tagapamahala o pinuno sa impiyerno.

Inilalarawan sa tula ni Dante ang isang brutal na pagbaba ng mga makasalanan sa ilalim ng lupa. Naglakbay si Dante sa iba’t ibang palapag ng impiyerno at purgatoryo at sa huli ay nakarating sa paraiso. Ang mismong tula ay pinaghalo-halong mga alamat, ideya ng mga Romano Katoliko (gaya ng purgatoryo, at tradisyong Islam tungkol sa “night of ascension” (lailat al-miraj) ni Muhamad. Ang pananaw ni Dante tungkol sa impiyerno ay mas naimpluwensyahan ng Koran kaysa ng Bibliya.

Ang pangitain ni Dante ng impiyerno sa kanyang panulat ay inilarawan ni Botticelli sa kanyang likhang sining na Map of Hell bilang isang mainit na lugar ng pagdurusa sa ilalim ng lupa—isang isinumpang lugar sa ilalim ng lupa na puno ng apoy, asupre, maruming imburnal, at mga halimaw, at si Satanas ang nasa gitna nito. Ang kanyang dibuho ay sobrang nakakatakot at epektibo bilang isang likhang sining pero ito ay ayon sa imahinasyon ng mga tao, hindi ayon sa Salita ng Diyos.

Hindi si Satanas ang pinuno o tagapamahala sa impiyerno. Ang Diyos ang tagapamahala. Sinabi ni Jesus, “mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin higit pa rito. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno!” (Lukas 12:4–5). Ang Diyos ang tinutukoy ni Jesus sa mga talatang ito. Siya lamang ang may kapangyarihan na magbulid sa tao sa impiyerno. Sino ang may hawak ng susi ng kamatayan at ng hades? Si Jesus ang may ganap na kontrol sa lugar na iyon (Pahayag 1:18). Tinitiyak ni Jesus sa lahat na mananampalataya na kahit ang pintuan ng hades ay hindi makakapanaig sa Kanyang iglesya (Mateo 16:18).

Ang lawang apoy na binanggit lamang sa Pahayag 19:20 at 20:10, 14–15 ay ang huling hantungan ng lahat ng mga hindi nagsising rebeldeng anghel o tao man (Mateo 25:41). Ang pangkalahatang parusa para sa lahat ng mga tumatanggi kay Jesu Cristo bilang tagapagligtas ay “sa lawang apoy” (Pahayag 20:15). Inilalarawan ng Bibliya ang impiyerno bilang isang lugar ng “kadiliman” kung saan “magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin” (Mateo 8:12; 22:13). Walang dapat ikatakot ang mga taong nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay ng Kordero sa kahindik-hindik na kalagayang ito. Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at sa Kanyang nabuhos na dugo, nakatakda tayong mabuhay ng walang hanggan sa presensya ng Diyos.

Hindi si Satanas ang namamahala sa kanyang mga demonyo sa pagpaparusa sa mga taong pumupunta sa impiyerno. Sa katotohanan, hindi itinuturo ng Bibliya na naroroon na si Satanas ngayon. Sa halip, naghihintay pa kay Satanas ang “walang hanggang apoy”; ang lugar na orihinal na nilikha ng Dios para gawing lugar ng pagpaparusa kay Satanas at sa mga demonyo (Mateo 25:41). Hindi ito isang lugar para kanyang pagharian o pamahalaan.

Hangga’t hindi pa sinusumpa si Satanas at itinatapon sa walang hanggang pagdurusa magpakailanman, ginugugol niya ang kanyang panahon sa pagitan ng langit (Job 1:6–12) at lupa (1 Pedro 5:8). Hindi siya laging malayang kumilos, at alam niya ito. “Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya” (Pahayag 12:12).


English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Satanas ba ang pinuno ng impiyerno? Pinahihirapan ba ni Satanas at ng mga demonyo ang mga tao sa impiyerno?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries