Tanong
Si Satanas / ang diyablo ba ay isang persona o isa lamang kapangyarihan / paglalarawan ng kasamaan?
Sagot
Bagamat nagtagumpay si Satanas na kumbinsihin ang maraming tao na hindi siya totoo, si Satanas ay totoong totoo at isang persona na nilalang ng Diyos at ang dahilan ng lahat ng hindi paniniwala sa Diyos at ng bawat uri ng imoralidad at espiritwal na kasamaan sa mundo. Tinatawag siya sa iba't ibang pangalan sa Bibliya, kasama sa mga tawag na ito ay ‘Satanas’ (na nangangahulugan na ‘kalaban,’ Job 1:6; Roma16:20), ‘ang diyablo’ (i.e., ‘manunukso,’ Mateo 4:1; 1 Pedro 5:8), ‘Lucifer’ (Isaias 14:12), ‘ang ahas’ (2 Corinto 11:3; Pahayag 12:9), at marami pang iba.
Ang pagiral ni Satanas bilang isang persona ay pinatunayan ng Panginoong Hesu Kristo na kumilala sa kanya bilang isang nilalang. Madalas na tinawag ni Hesus si Satanas sa kanyang pangalan (hal., sa Lukas 10:18 at Mateo 4:10) at tinawag din siya na ‘pinuno ng sanlibutang ito’ (Juan 12:31; 14:30; 16:11).
Tinawag ni Apostol Pablo si Satanas na ‘diyos ng sanlibutang ito’ (2 Corinto 4:4) at ‘prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail’ (Efeso 2:2). Sinabi ni Apostol Juan, "ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo" (1 Juan 5:19) at si Satanas ang ‘dumaya sa buong sanlibutan’ (Pahayag 12:9). Ang mga ito ay hindi maaaring maging paglalarawan ng isang hindi nabubuhay na kapangyarihan o simbolismo lamang ng kasamaan.
Itinuturo ng Kasulatan na bago likhain ng Diyos ang sangnilikha at ang tao, lumikha na Siya ng "di-mabilang na anghel" (Hebreo12:22), mga makalangit na nilalang na espiritu na may taglay na dakilang lakas at katalinuhan. Ang pinakamataas sa mga nilalang na ito ay ang mga kerubin, na siyang mga katulong ng Diyos sa Kanyang trono, at ang ‘itinalagang kerubin’ ay orihinal na si Satanas mismo (Ezekiel 28:14). Siya ay "puno ng karunungan at perpekto ang kagandahan."
Gayunman, hindi nilikha ng Diyos si Satanas na masama agad. Ang mga anghel, gaya ng tao ay nilalang na may kalayaan hindi tulad sa robot. May buong kakayahan sila na tanggihan ang kalooban ng Diyos at magrebelde laban sa Kanyang awtoridad kung kanilang nanaisin.
Ang pangunahing kasalanan, na parehong ginawa ng tao at ng mga anghel ay ang kambal na kasalanan ng pagmamataas at hindi panananampalataya. Sinabi ni Satanas sa kanyang puso, "Aakyat ako sa kalangitan sa ibabaw ng mga bituin ng Diyos Itatayo ko ang aking luklukan. akyat ako sa ibabaw ng mga ulap, papantayan ko ang Kataas-taasan" (Isaias 14:13,14). Muli, ang mga gawang ito ay hindi maaaring gawin ng isang walang buhay at walang isip na kapangyarihan.
Sinabi din sa atin ni Hesus ang ilang mga katangian ni Satanas. Sinabi Niya na si Satanas ay "mamamatay-tao na sa simula pa, at kalaban ng katotohanan, at di matatagpuan sa kanya ang katotohanan kahit kailan. Kung siya'y nagsisinungaling, likas na ito sa kanya, sapagkat siya'y sinungaling at ama ng kasinungalingan" (Juan 8:44).
Napakahalagang kilalanin ng mga Kristiyano ang katotohanan ni Satanas at maunawaan na ito ay "tulad sa isang leong umaatungal at aali-aligid na humahanap ng masisila" (1 Pedro 5:8). Imposibleng labanan ang kasalanan at mga tukso ng diyablo sa ating sariling kakayahan, ngunit sinasabi sa atin ng Bibliya kung paano tayo makatatagal at makapagtatagumpay laban sa kanya. Kailangan nating isuot ang baluti ng buong kagayakan ng Diyos upang makapagtagumpay sa kanyang mga panlilinlang at panunukso (Efeso 6:13).
English
Si Satanas / ang diyablo ba ay isang persona o isa lamang kapangyarihan / paglalarawan ng kasamaan?