settings icon
share icon
Tanong

Ang pagsisisi ba ay pagbabago ng isip o pagtalikod sa kasalanan?

Sagot


Sa teknikal, ang pagsisisi ay isang pagbabago ng isip, hindi isang pagtalikod sa kasalanan. Ang salitang Griego na isinaling “pagsisisi” ay metanoia, at ang kahulugan ay “pagbabago ng isip.” Gayunman, sa karaniwang paggamit, madalas nating binabanggit ang pagsisisi bilang “pagtalikod sa kasalanan.” May magandang dahilan para dito.

Sa Bibliya, ang pagsisisi ay madalas na iniuugnay sa kaligtasan. Ano ang nangyayari kapag sinimulan ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain upang dalhin ang isang tao sa kaligtasan? Ang Espiritu ay nagbibigay sa makasalanan ng personal na pang-unawa at isang hindi nagkakamaling paniniwala na ang mga katotohanan tungkol sa kanyang espiritwal na kalagayan ay totoo. Ang mga katotohanang iyon ay ang kanyang personal na kasalanan, ang walang hanggang kaparusahan na nararapat sa kanya para sa kanyang kasalanan, ang kapalit ng pagdurusa ni Jesus para sa kanyang kasalanan, at ang pangangailangan ng pananampalataya kay Jesus upang maligtas siya mula sa kanyang kasalanan. Mula sa nakakumbinsing gawain ng Banal na Espiritu (Juan 16:8), ang makasalanan ay nagsisisi—nagbabago ng isip—tungkol sa kasalanan, tungkol sa Tagapagligtas, at sa kaligtasan.

Kapag ang isang taong nagsisisi ay nagbago ng kanyang isip tungkol sa kasalanan, ang pagbabagong iyon ng isip ay natural na humahantong sa pagtalikod sa kasalanan. Ang kasalanan ay hindi na kanais-nais o masaya, dahil ang kasalanan ay nagdudulot ng paghatol. Ang nagsisising makasalanan ay nagsisimulang kasuklaman ang kanyang mga nakaraang maling gawain. At nagsisimula siyang maghanap ng mga paraan upang baguhin ang kanyang pag-uugali (tingnan ang Lucas 19:8). Kaya, sa huli, ang resulta ng pagbabago ng isip tungkol sa kasalanan ay mabubuting gawa. Ang makasalanan ay tumalikod sa kasalanan tungo sa pananampalataya sa Tagapagligtas, at ang pananampalatayang iyon ay ipinapakita sa pagkilos (tingnan sa Santiago 2:17).

Ang pagbabago ng isip (pagsisisi) ay hindi eksaktong katulad ng aktibong pagtalikod sa kasalanan at nakikitang paggawa ng mabubuting gawa, ngunit ang isa ay humahantong sa isa pa. Sa ganitong paraan, ang pagsisisi ay nauugnay sa pagtalikod sa kasalanan. Kapag binanggit ng mga tao ang pagsisisi bilang pagtalikod sa kasalanan (sa halip na pagbabago ng isip), gumagamit sila ng pananalita na tinatawag na pigura ng mga salita. Sa pigura ng mga salita, ang pangalan ng isang konsepto ay pinapalitan ng salitang iminungkahi ng orihinal na salita.

Ang pigura ng mga salita ay karaniwan sa pang-araw-araw na wika. Halimbawa, ang mga ulat ng balita na nagsisimula sa, “Nagbigay ng pahayag ang Brazil ngayon,” ay gumagamit ng pigura ng mga salita, dahil ang pangalan para sa bansa ay ipinapalit sa pangalan ng namumunong lupon o pinuno na aktwal na gumawa ng pahayag.

Sa Bibliya makikita natin ang iba pang mga halimbawa ng pigura ng mga salita. Sa Marcos 9:17 sinabi ng isang ama na ang kanyang anak ay may “isang piping espiritu”. Ang masamang espiritu mismo ay hindi pipi. Dahil sa masamang espiritu ang bata ay naging pipi. Ang espiritu ay pinangalanan ayon sa epektong ibinubunga nito: isang piping bata. Pinapalitan ng pigura ng mga salita dito ang sanhi ng pangyayari. Sa katulad na paraan, ang paggamit ng salitang pagsisisi na ang ibig sabihin ay “pagtalikod sa kasalanan” ay pinapalitan ang sanhi ng epekto. Ang dahilan ay pagsisisi, pagbabago ng isip; ang epekto ay pagtalikod sa kasalanan. Ang isang salita ay pinapalitan ng isang kaugnay na konsepto. Iyan ay pigura ng mga salita.

Sa buod, ang pagsisisi ay pagbabago ng isip. Ngunit ang buong biblikal na pagkaunawa sa pagsisisi ay higit pa doon. Sa kaugnayan sa kaligtasan, ang pagsisisi ay pagbabago ng isip mula sa pagyakap sa kasalanan tungo sa pagtanggi sa kasalanan at mula sa pagtanggi kay Kristo tungo sa pananampalataya kay Kristo. Ang gayong pagsisisi ay isang bagay na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay-daan (Juan 6:44; Mga Gawa 11:18; 2 Timoteo 2:25). Samakatuwid, ang tunay na pagsisisi sa Bibliya ay palaging magreresulta sa pagbabago ng pag-uugali. Maaaring hindi kaagad, ngunit hindi ito maiiwasan at tiyak na magpapatuloy.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang pagsisisi ba ay pagbabago ng isip o pagtalikod sa kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries