settings icon
share icon
Tanong

Ibinabalik ba ng Dios ang ang pagtawag ng mga apostol at propeta sa Iglesya ngayon?

Sagot


Ang batayan ng mga kilusan na nagsusulong na ibalik ang mga apostol at propeta sa Iglesya ngayon ay ang Efeso 4:11-12 "At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; at ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro; Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo."

Sa panahon ng unang siglo ng Iglesya, may tungkuling ginagampanan ang mga apostol, at mayroon ding espiritwal na kaloob para sa apostol. Ang tungkulin ng apostol ay ginampanan ng labindalawang apostol ni Kristo (Markos 3:16-19). Ang pagpili ng kapalit ni Hudas ay makikita sa Mga Gawa 1:20-26. Pansinin natin sa mga talata na si Hudas ay tinaguriang may "katungkulan sa ministeriong ito at pagkaapostol" (Ang Biblia). Pansinin din natin na si Pablo ay hinirang din ni Kristo (1 Corinto 15:8-9; Galacia 1:1; 2:6-9). Ang mga hinirang na ito ay inatasan na itayo ang pundasyon ng pangdaigdigang Iglesya (Efeso 2:20). Ang pundasyon ng Iglesya ay pinagtibay noong unang siglo. Ito ang dahilan kung bakit wala ng mga apostol sa ngayon. Kapag naitayo na ang pundasyon, hindi na natin kailangan pa ng mga magtatayo nito.

Mayroon ding espiritwal na kaloob na ibinigay sa mga apostol (kailangan din nating maunawaan na iba ito sa katayuan ng tunay na mga apostol - magkahiwalay sila). Ilan sa mga binigyan ng espiritwal na kaloob ay sina Santiago (1 Corinto 15:7; Galatians 1:19), Bernabe (Gawa 14:4; 1 Corinto 9:6), Andronico at Junia (Roma 16:7), Silas at Timoteo (1 Tesalonia 1:1; 2:7), at Apolos (1 Corinto 4:6-9). Ang mga taong ito ay binigyan ng Dios ng espiritwal na kaloob ng pagiging apostol, at kapagdaka'y nagdala ng ebanghelyo na may kapangyarihang galing sa Dios. Bagamat may mga taong sinugo ang Diyos sa panahon ngayon na nagpapahayag ng ebanghelyo sa mga lugar na wala pang mananampalataya, hindi sila dapat tawaging mga apostol dahil hindi sila nagtatayo ng pundasyon ng iglesya kundi itinatayo nila ang Iglesya sa pundasyon na dati ng itinayo ng mga apostol at mga propeta.

Ang kaloob na panghuhula ay isa ring pansamantalang kaloob ni Kristo para sa pagtatatag ng pundasyon ng pandaigdigang Iglesya (Efeso 2:20). Ang propeta ay nangangaral ng mensaheng galing sa Panginoon para sa mga mananampalataya nung unang siglo. May kahigitan tayo ngayon sa mga mananampalataya noon dahil wala pa silang kumpletong Bibliya. Ang huling aklat ng Bagong Tipan (Pahayag) ay hindi pa nakumpleto hanggang sa katapusan ng unang siglo. Dahil dito nagbigay ang Panginoon ng mga propeta na nagpahayag ng mensahe ng Diyos hanggang sa makumpleto na ang Banal na Kasulatan.

Marapat lamang na ating banggitin na ang katuruan ngayon ng pagpapanumbalik ng mga propeta at apostol ay malayo sa itinuturo ng Salita ng Diyos patungkol sa mga tao na nagtataglay ng kaloob ng panghuhula at sa gawain ng mga apostol. Ang mga nagtuturo ng pagpapanumbalik na ito ay nagtuturo din na huwag umanong sawayin at kwestiyonin ang mga hinirang na propeta at apostol ngayon dahil para na rin daw kinu-kwestyon at nilalabanan ang Diyos ng mga taong nagdududa sa kanila. Subalit, pinuri ni Apostol Pablo ang mga taga Berea sa kanilang mapanuring paraan ng pagsasaliksik sa Salita ng Diyos na masusing tinitingnan kung totoo ang lahat ng kanyang sinasabi at kung naaayon ang mga iyon sa Kasulatan. Ginawa nila ito upang tiyakin kung ang kanyang sinasabi ay mga katotohanang ayon sa Salita ng Diyos (Gawa 17:10-11). Binanggit din ni Pablo sa mga taga-Galacia na kung maging siya o sinuman ang magturo ng ibang ebanghelyo, sila ay karapatdapat na pakasumpain ng Diyos (Galacia 1:8-9). Lubos na inakay ni Pablo ang lahat ng tao patungo sa Diyos at sa kanyang Salita at hindi sa kanyang sarili. Ang mga taong nag-aangkin ngayon na sila raw ay mga apostol at propeta ay ginagawang awtoridad ang kanilang sarili, hindi ang Salita ng Diyos, isang bagay na hindi ginawa ni Pablo at ng labindalawang apostol.

Nararapat din nating pansinin na ginagamit sa Bibliya ang pangnagdaang panahunan kung binabanggit ang mga apostol at mga propeta. Binabanggit sa 1 Pedro 3:2 at Judas 3-4 na ang mga tao ay hindi dapat lumihis sa mga "ibinigay" (pangnagdaan) na katuruan ng mga propeta. Gayundin, sinasabi sa Hebreo 2:3-4 na "pinatunayan" (pangnagdaan) ang ebanghelyo sa mga naunang nakarinig sa pamamagitan ng "tanda at mga kababalaghan, at ng saganang kapangyarihan, at ng mga kaloob ng Espiritu Santo na taglay ng mga tunay na apostol at mga propeta.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ibinabalik ba ng Dios ang ang pagtawag ng mga apostol at propeta sa Iglesya ngayon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries