settings icon
share icon
Tanong

Sino / ano ang mga Nefilim?

Sagot


Ang mga Nefilim ("ang mga nagkasala, mga higante") ay ang mga bunga ng pag-aasawahan sa pagitan ng mga "anak ng Diyos" at ng mga anak na babae ng tao sa Genesis 6:1-4. May maraming pagtatalo tungkol sa pagkakakilanlan ng mga tinatawag na "anak ng Diyos. Naniniwala kami na ang mga "anak ng Diyos" ay ang mga ‘anghel na nagkasala (mga demonyo).’ na nakipagtalik sa mga babaeng tao o ginaya ang katawan ng tao at nakipagtalik sa mga babaeng tao. Ang pag-aasawahang ito ay nagresulta sa paglabas ng mga Nefilim, na mga tinatawag na ‘bayani nang unang panahon’ at mga ‘lalaking bantog’ (Genesis 6:4).

Bakit gagawin ng mga demonyo ang ganitong bagay? Hindi sinasabi sa atin ng Bibliya ang kasagutan sa tanong na ito. Ang mga demonyo ay masasama at ginagawa ang anumang kanilang ibigin - kaya walang nakakagulat sa kung ano ang kanilang kayang gawin. Kung ano dahilan sa paggawa nila nito, ang pinakamalapit na espekulasyon ay maaaring nais nilang padumihin ang lahi ng tao upang hadlangan ang pagdating ng Tagapagligtas na si Hesu Kristo. Ipinangako ng Diyos na ang Mesiyas ay manggagaling mula sa lahi ni Eba (Genesis 3:15) na siyang dudurog sa ulo ng ahas, si Satanas. Kaya maaaring sinusubukan ng mga demonyong ito na hadlangan ang hulang ito sa pamamagitan ng pagpaparumi sa dugo ng tao, at gawing imposible ang pagsilang ng isang Banal na Tagapagligtas. Muli, hindi ito kasagutan mula sa Bibliya, ngunit kapani-paniwala ang pananaw na ito at hindi sumasalungat sa itinuturo ng Bibliya.

Ano ang mga Nefilim? Ayon sa mga alamat ng Hebreo at iba pang mga alamat (ang aklat ni Enoch at iba pang mga aklat na hindi kabilang sa Bibliya), sila ang lahi ng mga higante at mga napakalakas na tao na gumawa ng mga napakaraming kasamaan. Ang kanilang pagiging higante at kapangyarihan ay nagmula sa pinaghalong DNA ng demonyo at tao. Ang tanging sinasabi sa atin ng Bibliya ay mga "kilala silang tao at mga bayani noong unang panahon" (Genesis 6:4). Ang mga Nefilim ay hindi mga taga ibang planeta, kundi mga literal at pisikal na mga tao na bunga ng pag-aasawahan ng mga anak ng Diyos at mga anak na babae ng tao (Genesis 6:1-4).

Ano ang nangyari sa mga Nefilim? Ang mga Nefilim ang pangunahing dahilan kung bakit ginunaw ng Diyos ang mundo noong panahon ni Noe. Pagkatapos na mabanggit ang mga Nefilim gaya ng inilahad sa atin sa Salita ng Diyos sa Genesis 6:5-7, "At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati. At nagsisi ang Panginoon na kaniyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa kaniyang puso. At sinabi ng Panginoon, Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa; ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; sapagka't pinagsisisihan ko na aking nilalang sila." Nagdesisyon ang Diyos na gunawin na ang buong mundo sa pamamagitan ng baha at pinatay ang lahat ng tao at lahat ng may buhay (kasama ang mga Nefilim) maliban kay Noe, ang kanyang pamilya at ang mga hayop na nasa loob ng arko (Genesis 6:11-22).

Nasaan ang mga Nefilim pagkatapos ng baha? Sinasabi sa atin sa Genesis 6:4, "Ang mga higante ay nasa lupa ng mga araw na yaon. Mukhang inulit ng mga demonyo ang katulad na pagkakasala pagkatapos ng baha. Gayunman ang kanilang ginawa ay hindi kasinlawak ng kanilang unang pagkakasala bago ang baha. Nang magsugo ng mga espiya ang mga Israelita sa Canaan, ibinalita nila kay Moises: "At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin (Bilang 13:33). Hindi sinasabi ng talata na mga totoong Nefilim ang nasa Canaan, kundi inakala lamang ng mga espiya na ang mga nakita nila ay ang mga Nefilim. Maaaring nakakita ang mga espiya ng malalaking tao sa Canaan at inakala nilang ang mga iyon ay mga Nefilim. O Posible rin na pagkatapos ng pandaigdigang baha, ang mga demonyo ay nakipagtalik muli sa mga tao at nanganak muli ng mga Nefilim. Anuman ang nangyari, ang mga ‘higanteng’ ito ay pinuksa ng mga Israelita ng kanilang sakupin ang Canaan (Josue 11:21-22) at sa ibang bahagi ng kasaysayan (Deuteronomio 3:11; 1 Samuel 17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino / ano ang mga Nefilim?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries