Tanong
Paano dapat tinitingnan ng isang Kristiyano ang mga alkoholiko? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga lasenggo?
Sagot
Ang alkoholismo ay isa lamang sa maraming pagkagumon na maaaring magkontrol sa buhay ng isang tao. Dahil halata ang mga epekto nito, ang paglalasing ay maaaring magmukhang isang mas masahol na kasalanan kaysa sa iba. Gayunpaman, ang Bibliya ay hindi gumagawa ng gayong mga pagkakaiba. Kadalasan ay tinutumbas nito ang kasalanan ng paglalasing sa mga kasalanang ituturing nating “hindi gaanong mahalaga,” tulad ng inggit at makasariling ambisyon (Galacia 5:19; 1 Corinto 6:10). Madaling hatulan ang isang taong lasing, habang lihim na pinapatawad ang mga kasalanan ng puso na itinuturing ng Diyos na kasuklam-suklam. Ang tamang tugon ay tingnan ang mga tao gaya ng pagtingin ng Diyos sa kanila at sumang-ayon sa Kanya na tayong lahat ay makasalanan na nangangailangan ng pagliligtas.
Malinaw sa Bibliya na ang paglalasing ay kasalanan (Isaias 5:11; Kawikaan 23:20–21; Habakkuk 2:15). Sinasabi ng Kawikaan 20:1, “Ang alak ay nagpapababa sa dangal ng isang tao, kaya isang kamangmangan ang magpakalulong dito”. Sinasabi sa Efeso 5:18, “Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu”. Kapansin-pansin na ang talatang ito ay inihambing ang kapangyarihan ng alkohol sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Sinasabi nito na kung gusto nating kontrolin tayo ng Espiritu ng Diyos hindi rin tayo sabay na makokontrol ng alkohol. Hindi magkasabay na humawak ang dalawa. Kapag pinili natin ang isa, inaalis natin ang impluwensya ng iba. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong laging “lumakad sa Espiritu” (Galacia 5:16, 25; Roma 8:1, 14). Kaya ang paglalasing para sa isang Kristiyano ay hindi kailanman isang opsyon sa anumang okasyon dahil walang pagkakataon na hindi tayo dapat lumakad sa Espiritu.
Ang alkoholismo ay isang anyo ng idolatriya, gaya ng anumang pagkagumon. Anumang bagay na ginagamit natin bukod sa Diyos para matugunan o magamot ang mga malalalim na pangangailangan ay isang idolo. Kapag umaasa tayo sa ating sarili, sa ibang tao, o sa ibang bagay upang matugunan ang ating mga pangangailangan para sa importansya, o kahalagahan, nagtayo tayo ng isang idolo na pumapalit sa lugar ng tunay na Diyos sa ating buhay. Ganito ang tingin ng Diyos at may matitinding babala para sa mga sumasamba sa diyus-diyosan (Exodo 20:3; 34:14; 1 Juan 5:21; 1 Corinto 12:2). Ang alkoholismo ay isang pagpili. Mananagot tayo sa Diyos sa ating mga pagpili (Roma 14:12; Ecclesiastes 11:9; Hebreo 4:13).
Ang mga tagasunod ni Cristo ay dapat magsikap na mahalin ang kanilang kapwa gaya ng kanilang sarili, anuman ang mga problema o pagkagumon na kaakibat nito (Mateo 22:29). Ngunit taliwas sa ating makabagong ideya na tinutumbasan ang pag-ibig ng pagpaparaya, ang tunay na pag-ibig ay hindi kumukunsinti o nagdadahilan sa mismong kasalanan na sumisira sa isang tao (Santiago 5:20). Kung hahayaan natin ang pagkagumon sa alak ng ating mahal sa buhay, tayo ay tahimik na nakikiayon sa kanyang kasalanan.
Mayroong ilang mga paraan upang tumugon ang mga Kristiyano gaya ng pag-ibig ni Cristo sa mga alkoholiko:
1. Maaari nating hikayatin ang mga alkoholiko sa ating buhay na humingi ng tulong. Ang isang taong nahuli sa bitag ng pagkagumon ay nangangailangan ng tulong at pananagutan. Maraming mga programa sa paggaling na nakasentro kay Cristo tulad ng Celebrate Recovery na tumutulong sa libu-libong tao na makawala sa mga tanikala ng pagkagumon.
2. Maaari tayong magtakda ng mga hangganan upang hindi sa anumang paraan ay pabayaan ang paglalasing. Ang pagpapaliit sa mga kahihinatnan na dulot ng pag-abuso sa alkohol ay hindi nakakatulong. Minsan ang tanging paraan upang humingi ng tulong ang mga adik ay kapag naabot na nila ang dulo at wala na silang ibang pupuntahan.
3. Maaari tayong mag-ingat na huwag maging sanhi ng pagkatisod ng iba sa pamamagitan ng paglilimita sa sarili nating pag-inom ng alak habang nasa harapan ng mga nahihirapan dito (1 Corinto 8:9–13). Ito ang dahilan kung bakit pinipili ng maraming Kristiyano na umiwas sa lahat ng pag-inom ng alak upang maiwasan ang anumang anyo ng kasamaan (1 Tesalonica 5:22) at hindi maglagay ng katitisuran sa daan ng isang kapatid. Dapat nating timbangin ang ating kalayaan laban sa posibilidad na maging sanhi ng pagkakasala ng iba o pagkalito sa mga hindi mananampalataya na iniuugnay ang alkohol sa kanilang sariling makasalanang pamumuhay.
Dapat tayong magpakita ng pagkahabag sa lahat, kasama na ang mga piniling humantong sa kanila sa matinding pagkagumon. Gayunpaman, hindi namin pinapaboran ang mga alkoholiko sa pamamagitan ng pagbibigay-katwiran sa kanilang pagkagumon. Sinabi ni Jesus na hindi tayo maaaring maglingkod sa dalawang panginoon (Lukas 16:13). Kahit na ang konteksto ng Kanyang pahayag ay pera, ang parehong prinsipyo ay naaangkop sa anumang bagay na kumokontrol sa atin maliban sa Diyos. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang matulungan ang mga tao na makalaya sa anumang kuta ng kasalanan na nagbibigkis sa kanila upang sila ay makapaglingkod at sumamba sa Diyos nang buong puso.
English
Paano dapat tinitingnan ng isang Kristiyano ang mga alkoholiko? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga lasenggo?