Tanong
Kristiyanong Pag-aayuno - ano ang sinasabi ng Bibliya?
Sagot
Hindi ipinag-uutos sa Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat mag-ayuno. Hindi ito hinihingi ng Diyos sa mga Kristiyano. Gayunman, ipinahahayag sa Bibliya na ang pag-aayuno ay isang bagay na mabuti, kapaki-pakinabang, at nakakapagpala. Nakatala sa aklat ng Mga Gawa ang ilang mga pagkakataon na ang mga Kristiyano ay nag-ayuno bago sila gumawa ng mga mahahalagang desisyon (Gawa 13:2, 14:23). Ang pag-aayuno at pananalangin ay palaging magkasama (Lucas 2:37; 5:33). Madalas, ang pag-aayuno ay hindi pagkain o pagbabawas sa pagkain. Ang tunay na layunin ng pag-aayuno ay upang maituon natin ang ating atensyon palayo sa mga bagay na makamundo at ibuhos ang ating pansin sa pag-alam sa kalooban ng Diyos. Ang pag-aayuno ay isang hakbang upang patunayan sa Diyos, at sa ating sarili ang ating pagnanais na magkaroon ng malapit na kaugnayan sa kanya. Ang pag-aayuno ay makatutulong sa atin upang magkaroon tayo ng malinaw na pangunawa sa kalooban ng Diyos sa ating buhay at magbalik sigla ang ating pananalig sa Diyos.
Bagama't ang pag-aayuno sa Biblya ay palaging pag-aayuno sa pagkain, mayroon pang ibang paraan para mag-ayuno. Kahit ano pa mang bagay sa ating buhay na isusuko natin ng pansamantala upang ang ating atensyon ay maituon natin sa Diyos ay maituturing din na pag-aayuno (1 Corinto 7:1-5). Ang pag-aayuno ay dapat na limitado lamang sa itinakdang oras, lalo na ang pag-aayuno sa pagkain. Ang mahabang panahon na walang pagkain ay maaaring makapinsala sa ating katawan. Hindi layunin ng pag-aayuno na parusahan ang katawan, sa halip ito ay ginagawa upang ituon ang atensyon sa Diyos. Ang pag-aayuno ay hindi rin dapat ituring na ‘pagdidiyeta.’ Ang layunin ng pag-aayuno na ayon sa Biblia ay hindi rin upang magpapayat. Ito'y ginagawa upang ang isang tao ay magkaroon ng mas malalim na relasyon sa Diyos. Kahit sino ay puwedeng mag-ayuno, ngunit may iba na hindi puwedeng mag-ayuno sa pagkain dahil sa mga karamdaman (halimbawa, mga taong may diabetes). Lahat ay puwedeng pansamantalang isuko ang isang bagay upang mas mapalapit sa Diyos.
Sa pansamantalang pagalis ng ating atensyon sa mga bagay na makamundo, mas magtatagumpay tayo na ituon ang ating atensyon sa Diyos. Ang pag-aayuno ay hindi upang makuha natin ang ating kagustuhan sa Diyos o upang pasunurin Siya sa ating kagustuhan. Sa halip babaguhin tayo ng pag-aayuno, hindi ang Diyos. Ang pag-aayuno ay hindi rin upang ipakita sa ibang tao na tayo ay mas banal kaysa sa kanila. Ang pag-aayuno ay dapat gawin sa diwa ng kapakumbabaan at masayang saloobin. Sinabi ng Panginoong Hesus sa Mateo 6:16-18, "Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila'y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang makaaalam nito. Siya, na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim, ang gaganti sa iyo."
English
Kristiyanong Pag-aayuno - ano ang sinasabi ng Bibliya?