Tanong
Ano ang Pagmimisyong Kristiyano?
Sagot
Ang pagmimisyong Kristiyano ay pagsunod sa tawag ni Cristo: ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa makasalanang mundo sa pamamagitan ng karunungan at kapangyarihan ng Diyos.
Ang pagmimisyong Kristiyano ay pagsunod kay Cristo
Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Cristo, inutusan ng Panginoon ang mga alagad na ipangaral ang ebanghelyo, ang mensahe ng Kanyang pagtubos: “Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:19–20).
Ang Dakilang Utos na ito ay para din sa mga Kristiyano sa kasalukuyan. Sa halip na maging pabigat para sa atin, ang pagsunod sa tawag ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kagalakan at gantimpala sa kalangitan. Dapat nating ganapin ang ating misyon hindi dahil sa ito ay ating tungkulin kundi dahil sa pag-ibig natin kay Cristo: “Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila. Kaya ngayon, ang pagtingin namin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang aming pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya kaming mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinagkatiwalaan niya kami upang maglingkod nang sa gayon ang mga tao ay maging kaibigan rin niya. Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito. Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos” (2 Corinto 5:14–21).
Kaya ng Diyos na iligtas ang kahit sino gamit ang isang nakasisilaw na liwanag at tinig ni Cristo gaya ng Kanyang ginawa kay Pablo. Sa halip, binigyan Niya ang mga Kristiyano ng mensahe ng pakikipagkasundo (Gawa 1:8–9). Gumagawa Siya sa pamamagitan natin na tinatawag ang mga makasalanan para lumapit kay Cristo sa pagsisisi at pananampalataya.
Ang Pagmimisyong Kristiyano ay pagbabahagi kay Cristo
Ang ating misyon ay ang pagpoproklama kay Cristo bilang tanging Tagapagligtas mula sa kasalanan at ang tanging daan sa isang masagana at walang hanggang buhay. Kanino natin ito ibabahagi? Sinabihan ni Jesus ang mga Kristiyano na abutin ang “lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19). Isinusugo tayo ni Jesus sa lahat ng mga grupo ng tao, sa bawat tribo at kultura na hindi pa nakakarinig ng ebanghelyo.
Gayunman ang Pagmimisyong Kristiyano ay hindi limitado sa ministeryong internasyonal o sa labas ng bansa. Habang dapat na tapat na suportahan ng mga mananampalataya ang mga pumupunta sa ibang bansa at tribo, dapat na ang lahat na mga Kristiyano ay may misyon na ibahagi si Cristo sa mga kapamilya, mga kaibigan, mga katrabaho, at sa komunidad.
Ang Pagmimisyong Kristiyano ng pagbabahagi kay Cristo sa iba ay hindi tumitigil sa kaligtasan ng makasalanan. Ang utos ay gumawa ng mga alagad—hindi ng mga isip batang mananampalataya. Kaya nga, ang pagmimisyong Kristiyano ay kinapapalooban hindi lamang ng pagbabahagi ng ebanghelyo kundi ng paggawa ng mga alagad o pagdidisipulo.
Ang pagmimisyong Kristiyano ay pagtitiwala kay Cristo
Ang pagbabahagi ng Ebanghelyo ng may kapakumbabaan, katapangan, at kasigasigan ang ating misyon. Ngunit hindi natin ito magagawa ng mag-isa. Ang kapangyarihan at resulta ng pagmimisyong Kristiyano ay nagmumula sa Panginoon. Binibigyan Niya tayo ng karunungan, lakas, at pagnanais na magbahagi! Sa pamamagitan ng ating pagpapatotoo. Siya ang nagbibigay sa makasalanang puso ng pagsisisi at pananampalataya (2 Corinto 5:20–21).
Bagama’t ang misyon ay gawain ng Diyos, ang mga Kristiyano ay responsable para unawain at ibahagi ang ebanghelyo at magkaroon ng matatag na relasyon kay Cristo. Ang ganitong uri ng relasyon ang magiingat sa atin laban sa pagpapaimbabaw. “Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo. Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo” (1 Pedro 3:15–16). Tiniyak sa atin ni Jesus na ang mga pagdurusa ay magiging kaakibat ng pagmimisyon, ngunit maging ang ating mga pagdurusa ay ginagamit ng Diyos para sa ikabubuti (Roma 8:28).
Sa paglalagom, ang pagmimisyong Kristiyano ay pagsunod kay Cristo, pagbabahagi kay Cristo sa iba, at pagtitiwala kay Cristo. Sa partikular, isinusugo ng Diyos ang mga misyonero sa mga hindi pa naaabot ng ebanghelyo sa pamamagitan ng suporta ng iglesya. Gayunman, ang lahat ng mga Kristiyano ay may taglay na misyon ng pakikipagkasundo. Sa pamamagitan nila, gumagawa ang Panginoon para iligtas ang mga naliligaw. Anong mas dakila pang misyon ang magagampanan ng isang tao kaysa sa misyong ito?
English
Ano ang Pagmimisyong Kristiyano?