settings icon
share icon
Tanong

Ano ang meditasyong Kristiyano (Christian meditation)?

Sagot


Ipinahayag ng Awit 19:14, "Maging kalugodlugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin." Ano ngayon ang meditasyong Kristiyano at papaano ito gagawin ng mga Kristiyano? Sa kasamaang palad, ang salitang "meditasyon" ay may kahulugang mistikal o misteryoso. Para sa iba, ang meditasyon ay ang pagiging blangko ng isip habang nakaupo sa isang kakatwang posisyon. Para sa iba, ang meditasyon ay pakikipagisa sa mga espiritu na nakapaligid sa tao sa mundo. Ang mga ganitong konsepto ay hindi naaayon sa pakahulugan ng meditasyong Kristiyano (Christian meditation).

Ang meditasyong Kristiyano (Christian meditation) ay walang kinalaman sa mga ginagawa ng mga misteryosong relihiyon sa Silangan gaya ng Budismo. Ilan sa mga misteryosong pagsasanay na ito ay ang tinatawag na lectio divina (pagbabasa ng Bibliya sa isang mistikal na pamamaraan), transcendental meditation o paglalakbay ng kaluluwa at marami pang uri ng tinatawag na contemplative prayer o pananalangin sa isipan. Ang mga gawaing ito ay nagtuturo ng isang mapanganib na kaisipan na kailangan nating "marinig ang tinig ng Diyos," hindi sa pamamagitan ng Bibliya kundi sa pamamagitan ng personal na rebelasyon sa pamamagitan ng meditasyon. May mga iglesya na puno ng mga tao na iniisip na naririnig nila ang "Salita mula sa Panginoon," habang laging sinasalungat ang bawat isa at ito ang nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa katawan ni Kristo. Hindi dapat na iwanan o balewalain ng mga Kristiyano ang Salita ng Diyos na siyang "kinasihan ng Dios at mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti" (2 Timoteo 3:16-17). Kung ang Bibliya ay sapat na upang ang tao ng Dios ay maging sakdal at maturuang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti, bakit natin iisipin na kailangan pa natin ang isang misteryosong karanasan bukod sa Bibliya?

Ang meditasyong Kristiyano ay nararapat na nakabatay lamang sa Salita ng Diyos at kung ano ang ipinahayag dito ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili. Naranasan ni David ang katotohanang ito at inilarawan niya na ang taong pinagpala ay "nagagalak laging magsaliksik ng banal na aral, ang utos ni Yahweh siyang binubulay sa gabi at araw" (Awit 1:2). Ang tunay na meditasyong Kristiyano ay isang aktibong pagbubulay bulay ng Salita ng Diyos, at pananalangin ng karunungan upang bigyan tayo ng pangunawa ng Espiritu Santo na ipinangako ni Hesus na Siyang "papatnubay sa atin sa buong katotohanan" (Juan 16:13). Pagkatapos ay isasapamuhay natin ang ating natutuhang katotohanan at itatalaga ang ating sarili sa Kasulatan na Siyang tanging pamantayan ng katotohanan at pamumuhay Kristiyano. Ito ang dahilan ng ating paglago sa espiritwal at sa ating pagunlad sa kaalaman tungkol sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang meditasyong Kristiyano (Christian meditation)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries