settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa legalismo?

Sagot


Ang salitang "legalismo" ay hindi makikita sa Bibliya. Ito ay isang terminolohiya na ginagamit ng mga Kristiyano upang ilarawan ang isang posisiyong doktrinal na binibigyang diin ang mga sistema ng mga batas at regulasyon upang makamtan ang kaligtasan at paglagong espiritwal. Ang mga nanghahawak sa paniniwalang ito ay nabigong makita ang tunay na layunin ng kautusan, lalo’t higit ang layunin ng Kautusan ni Moises sa Lumang Tipan na nagsilbing ‘guro’ o ‘tagapagsanay’ upang dalhin tayo kay Kristo (Galatia 3:24).

Kahit na ang mga totoong mananampalataya ay maaari ding maging legalista. Sa halip na maging legalista, tayo ay tinuruan na maging mapagbiyaya sa bawat isa. "Tanggapin ninyo ang mahina sa pananampalataya, at huwag pagpupunahin ang kanyang kuru-kuro" (Roma 14:1). Nakalulungkot na may mga tao na masyadong pinahahalagahan ang mga hindi gaanong mahahalagang doktrina at itinutulak nila ang iba palabas ng iglesya at hindi hinahayaan na magpahayag ang iba ng kanilang pinaniniwalaan. Ito ay isang uri din ng legalismo. Maraming legalistang mananampalataya ang nakakagawa ng pagkakamali sa pamamagitan ng sapilitang pagpapasunod sa iba sa kanilang sariling interpretasyon sa Bibliya at maging sa kanilang mga tradisyon. Halimbawa, may mga nagtuturo na ang pagiging espiritwal ay simpleng hindi paninigarilyo, hindi paginom ng alak, hindi pagsasayaw, hindi panonood ng sine at iba pa. Ang totoo, hindi lamang ang pagiwas sa mga ganitong bagay ang batayan ng espiritwalidad.

Nagbabala sa atin si Pablo laban sa legalismo sa Colosas 2:20-23: "Namatay na kayong kasama ni Cristo at wala na sa kapangyarihan ng mga espiritung naghahari sa sanlibutan. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng,"Huwag hahawak nito," "Huwag titikim niyan," "Huwag hihipo niyon"? Ang mga ito'y utos at aral lamang ng tao tungkol sa mga bagay na nauubos. Sa biglang tingin, tila nga nakabubuti ang ganitong pagsamba sa mga anghel, ang maling ginagawa nilang pagpapakumbaba at pananakit sa katawan. Ngunit ito'y hindi nakapipigil sa pagmamalabis ng laman." Maaaring magmukhang espiritwal at matuwid ang mga legalista, ngunit nabigo silang ganapin ang layunin ng Diyos dahil ito ay isa lamang panlabas na palabas sa halip na pagbabagong panloob.

Upang makaiwas sa bitag ng legalismo, maaari tayong magumpisa sa pamamagitan ng pananatiling matibay sa turo ni Apostol Juan, "Sapagkat ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises ngunit ang pag-ibig at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo" (Juan 1:17). Tandaan natin na dapat tayong maging malawak ang pang-unawa lalo’t higit sa ating mga bagong kapatid kay Kristo. "Sino ka upang humatol sa utusan ng iba? Ang Panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At aariin siyang karapat-dapat sapagkat ito'y kayang gawin ng kanyang Panginoon" (Roma 14:4). "Ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw, bakit mo naman hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos" (Roma 14:10).

Kinakailangan ang ibayong pag-iingat sa puntong ito. Habang kailangan nating lawakan ang ating pangunawa sa iba at maging bukas sa mga hindi pagkakaunawaan sa mga hindi gaanong importanteng katuruan, hindi natin maaaring tanggapin ang mga maling katuruan o hidwang pananampalataya. Tayo ay inutusan na "ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal" (Judas 1:3). Kung tatandaan natin ang mga alituntuning ito at ipapamuhay natin sa pag-ibig at awa, maiingatan tayo mula sa legalismo at hidwang pananampalataya. "Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan agad ang bawat nagsasabing sumasakanila ang Espiritu. Sa halip ay subukin muna ninyo upang malaman kung mula sa Diyos ang espiritung sumasakanila, sapagkat marami nang bulaang propeta ang lumitaw sa sanlibutan" (1 Juan 4:1).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa legalismo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries