Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kumpil o katiyakan ng pagiging Kristiyano?
Sagot
Ang kumpil ay isang sakramento na ginagawa ng ilang mga denominasyon bilang kasangkapan sa pagbibigay katiyakan sa espiritwal na kahandaan ng isang tao. Sa ibang tradisyon, pangkaraniwan sa mga Romano Katoliko at mga Anglican ang sakramento ng kumpil at itinuturing itong isang ritwal kung saan ang isang kabataan ay ginagawang opisyal na miyembro ng simbahan. Minsan, ito ay kinapapalooban ng pagbibigay ng isang pangalan, na karaniwang pangalan ng isang santo, na karaniwang ginagamit na pangalawang panggitnang pangalan. Ang mga nagsasanay ng ganitong gawain ay naniniwala na ito ang tanda ng pagiging miyembro ng simbahan at ng isang personal na pagtanggap sa pinaniniwalaan ng simbahan. Itinuturing ng mga Romano Katoliko at Anglican ang kumpil bilang isa sa pitong sakramento.
Gayunman, tahimik ang Bibliya sa usapin ng ritwal na ito. Sa katunayan, ang ideya na maaaring tiyakin ng isang tao ang pananampalataya ng isang tao ay hindi makikita sa Kasulatan, Ang bawat indibidwal ay nararapat na tiyakin sa kanyang sarili ang katayuan ng kanyang sariling kaluluwa ayon sa mga sumusunod na pamantayan. Una, ang kaligtasan ay titiniyak sa atin ng Banal na Espiritu na nananahan sa ating mga puso. "Ang Espiritu nga ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos" (Roma 8:16). Nang ilagak natin ang ating pagtitiwala kay Hesus bilang ating Panginoon at Tagapagligtas, nanahan sa ating puso ang Banal na Espiritu at binigyan tayo ng katiyakan na Siya ay nasa atin at tayo ay sa Kanya at itinuturo din Niya sa atin at ipinapaliwanag ang mga espiritwal na bagay (1 Corinto 2:13-14), at sa gayon ay binibigyan tayo ng katiyakan na tayo ay mga bagong nilalang kay Kristo (2 Corinto 5:17).
Matitiyak din na mayroon tayong pananampalataya sa pamamagitan ng ebidensya ng kaligtasan. Sinasabi sa 1 Juan 1:5-10 na ang mga ebidensya ng ating kaligtasan ay makikita sa ating buhay: lumalakad tayo sa liwanag, hindi tayo namumuhay sa pagsisinungaling at ipinapahayag natin sa tuwina at inihihingi ng kapatawaran ang ating mga kasalanan sa Diyos. Nilinaw sa Santiago 2 na ang ebidensya ng kaligtasan ay makikita sa ating mga gawa. Hindi tayo naligtas dahil sa mabubuting gawa, ngunit ang ating mga gawa ang ebidensya na pinagkalooban tayo ng pananampalatayang nagliligtas. Sinabi ni Hesus, "Kaya nga, makikilala ninyo sa kanilang mga gawa ang mga bulaang propeta" (Mateo 7:20). Ang mga bunga ng Espiritu sa ating buhay ay nakikita rin naman sa uri ng ating pamumuhay (Galacia 5:22) at ito ang isa sa mga katibayan na nananahan sa atin ang Banal na Espiritu.
Sinabihan tayo ni Pablo na, "Tiyakin ninyong mabuti kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nadaramang sumasainyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga itinakwil?" (2 Corinto13:5). Bilang karagdagan, sinsabi sa atin ni Pedro na "pagsikapan ninyo na mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo sa gayon ay ipinamamahaging sagana sa inyo ang pagpasok sa kahariang walang hanggan ng Panginoon natin at Tagapagligtas na si Jesucristo" (2 Peter 1:10-11).
Ang huling katiyakan ng ating kaligtasan ay ang mangyayari sa hinaharap. Ang mga tunay na Kristiyano ay magpapatuloy hanggang wakas, "na matiyagang naghihintay sa pagdating ng Panginoong Hesu Kristo na Siyang nagbibigay sa inyo ng katiyakan hanggang wakas" (1 Corinto 1:7-8). Tinatakan na tayo sa pamamagitan ng ipinangakong Banal na Espiritu, "Kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santong ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan ng mga pangako ng Diyos sa ating mga hinirang hanggang kamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kadakilaan" (Efeso 1:13-14). Ito ngayon ang tunay na kahulugan ng "kumpil" o katiyakan ng pagiging Kristiyano - ang kaligtasan ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, na Siyang ating sinasampalatayan at ang pananampalatayang ito ay nakikita sa ating paglakad sa Kanya at kinumpirma ito sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kumpil o katiyakan ng pagiging Kristiyano?