Tanong
Paano ko mararanasan ang kagalakan sa aking buhay bilang Kristiyano?
Sagot
Maaaring maranasan maging ng mga pinakamatapat na Kristiyano ang mga panahon ng kalungkutan sa kanilang buhay. Hiniling ni Job na hindi na sana siya ipinanganak pa (Job 3:11). Nanalangin si David na dalhin siya ng Diyos sa isang lugar na hindi niya kailangang humarap sa katotohanan (Awit 55:6-8). Pagkatapos na talunin ni Elias ang 450 propeta ni Baal sa pamamagitan ng apoy na nagmula sa langit (1 Mga Hari 18:1-46), tumakas siya sa disyerto at hiniling sa Diyos na bawian na siya ng buhay (1 Mga Hari 19:3-5).
Paano natin mapagtatagumpayan ang mga panahon ng kalungkutan? Makikita natin kung paano humarap ang mga taong nabanggit sa panahon ng depresyon. Sinabi ni Job na kung mananalangin tayo at aalalahanin ang mga pagpapala ng Diyos, ibabalik sa atin ng Diyos ang katuwiran at kagalakan (Job 33:26). Isinulat ni David na ang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay maaaring magbigay sa atin ng kagalakan (Awit 19:8). Natanto din ni David na kailangan niyang purihin ang Diyos kahit sa gitna ng mga kabiguan (Awit 42:5). Sa kaso ni Elias, hinayaan siya ng Diyos na magpahinga ng ilang panahon pagkatapos ay nagpadala Siya ng isang tao sa katauhan ni Eliseo upang siya'y tulungan (1 Mga Hari 19:19-21). kailangan din natin ang mga kaibigan na maaari nating pagsabihan ng ating mga kabigatan (Mangangaral 4:9-12). Maaaring makatulong ang pagbabahagi natin ng ating mga nararamdaman sa ating kapwa Kristiyano. Magugulat tayo dahil maaaring malaman natin na dumadaan din sila sa parehong kalagayan na ating nararanasan.
Ang pinakamahalaga, tiyak na ang patuloy na pagbibigay ng pansin sa ating mga problema, mga sama ng loob at sa ating nakaraan ay hindi maaaring magdulot sa atin ng espiritwal na kagalakan. Hindi matatagpuan ang kagalakan sa materyalismo, o sa psychotherapy at lalong hindi ito matatagpuan sa sobrang pagpapahalaga sa ating mga sarili. Ito ay matatagpuan tanging kay Kristo lamang. Tayo na mga nabibilang sa Panginoon ay "hindi nanghahawak sa mga panlabas na tuntunin" at "na kay Hesu Kristo ang ating kagalakan" (Filipos 3:3). Ang pagkakilala kay Kristo ay ang tunay na pagkakilala sa ating sarili at pagkakaroon ng tunay na espiritwal na pananaw at dahil dito imposible para sa atin na ipagmalaki ang ating sarili, ang ating karunungan, lakas, kayamanan o kabutihan, kundi kay Kristo - sa Kanyang karunungan, kayamanan at kabutihan at sa Kanyang persona lamang. Kung mananatili tayo sa Kanya, magsasaliksik ng Kanyang mga Salita at nanaisin na makilala Siya sa isang malalim na kaparaanan, "magiging ganap ang ating kagalakan" (Juan 15:1-11).
Sa huli, tandaan natin na tanging sa pamamagitan lamang ng Banal na Espiritu tayo makakatagpo ng tunay na kagalakan (Awit 51:11-12; Galatia 5:22; 1 Tesalonica 1:6). Wala tayong magagawa ng hiwalay sa kapangyarihan ng Diyos (2 Corinto 12:10, 13:4). Tunay na kung kailan natin hinahanap ang kagalakan sa pamamagitan ng ating sariling kakayahan, lalo lamang nagiging miserable ang ating kalagayan. Magpahinga tayo sa mga "bisig" ng Panginoon (Mateo 11:28-30) at hanapin ang Kanyang "mukha" sa pamamagitan ng pananalangin at pagaaral ng Kanyang mga Salita. "Ang Diyos na nagbibigay sa atin ng pag-asa ang magkaloob nawa sa inyo ng kagalakan at kapayapaan sa pananalig upang sumagana kayo sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo" (Roma 15:13).
English
Paano ko mararanasan ang kagalakan sa aking buhay bilang Kristiyano?