Tanong
Dapat bang magsuot ng hikaw ang mga Kristiyanong lalaki at babae?
Sagot
May mga lalaki at babae sa Bibliya na nagsusuot ng hikaw (Exodo 32:2-3; Bilang 31:50; Hukom 8:24; Awit ni Solomon 1:10-11). Hindi kinokondena saanman sa Bibliya ang pagsusuot ng mga babae o lalaki ng hikaw o mga hikaw. May ilan na nagtataka kung bakit mas tinatanggap ang pagsusuot ng hikaw pero itinuturing na kwestyonable ang pagsusuot ng alahas sa ibang bahagi ng katawan. Ito ay isang magandang argumento. Ang isyu ng pagbubutas sa mga bahagi ng katawan ay hindi isang argumento ‘kung ipinagbabawal ba ito ng Diyos?' Sa halip, “dapat ba itong gawin ng isang Kristiyano?”
Habang walang partikular na payo sa Bibliya tungkol sa pagsusuot ng hikaw, may pangkalahatang payo si Pablo tungkol sa alahas ng tagubilinan niya si Timoteo tungkol sa pagsamba sa loob ng lokal na iglesya: “Ang mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos” (1 Timoteo 2:9-10). Mailalapat ang prinsipyong ito sa loob at labas ng iglesya: ang kahinhinan, kaayusan, pagiging kagalang-galang at paggawa ng mabuti ang mga tanda ng pagiging isang tunay na Kristiyanong lalaki at babae.
Ang pagsusuot o hindi pagsusuot ng hikaw o anumang uri ng alahas ay isang bagay ng konsensya. Sa anumang kaso, malinaw na responsibilidad nating mga Kristiyano na parangalan at luwalhatiin ang Diyos na ating iniibig, at hindi tayo gagawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang (Filipos 2:3) at pag-alaala na “Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh” (1 Samuel 16:7).
English
Dapat bang magsuot ng hikaw ang mga Kristiyanong lalaki at babae?