settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Kristiyanong espiritwalidad?

Sagot


Nang tayo'y isilang na muli, tinanggap natin ang Banal na Espiritu na Siyang tatak natin hanggang sa araw ng ating katubusan (Efeso 1:13; 4:30). Ipinangako ni Hesus na papatnubayan tayo ng Espiritu sa buong katotohanan (Juan 16:13). Bahagi ng katotohanang ito ay ang pag-angkin ng mga ipinangako sa atin ng Diyos at pagsasapamuhay ng mga iyon. Kung magawa ang ganitong paglalapat sa ating buhay, malaya tayong makapamili na pangunahan at kontrolin ng Banal na Espiritu. Ang tunay na espiritwalidad ay nakasalalay sa pagpapasakop ng Kristiyano sa pagtuturo at pangunguna ng Banal na Espiritu kanyang buhay.

Sinabi sa atin ni Apostol Pablo na kailangan tayong mapuspos ng Banal na Espiritu. "Huwag kayong maglalasing, sapagkat nakasisira iyan ng maayos na pamumuhay. Sa halip ay sikapin ninyong mapuspos kayo ng Espiritu Santo" (Efeso 5:18). Ang panahunang (tense) na ginamit sa talatang ito ay nagpapatuloy at nangangahulugan na "patuloy na mapuspos ng Espiritu." Ang kapuspusan sa Espiritu ay ang pagpapaubaya sa Banal na Espiritu na kontrolin tayo sa halip na sumunod tayo sa mga nasa ng ating makalamang kalikasan. Isinasaad dito ni Apostol Pablo ang isang paghahambing. Kung ang isang tao ay kontrolado ng alak, nagpapakita siya ng mga katangian ng isang lasing gaya ng pautal utal na pananalita, pasuray suray na lakad at hindi tamang pagdedesisyon. Kung paanong masasabi mo na lasing ang isang tao dahil sa mga katangiang ito, gayundin naman ang isang mananampalataya na isinilang na muli ay nagpapakita din ng mga katangian. Makikita natin ang mga katangiang ito sa Galatia 5:22-23 kung saan tinawag ang mga katangiang ito na mga "bunga ng Espiritu". "Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili." Ito ang mga ebidensya ng pagiging espiritwal ng isang Kristiyano, at ang mga katangiang ito ay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na gumagawa sa loob at sa pamamagitan ng mga mananampalataya. Ang mga katangiang ito ay hindi resulta ng sariling pagsisikap. Ang isang mananampalataya na puspos o kontrol ng Espiritu Santo ay may makadiyos na pananalita, nagpapatuloy sa paglakad sa katwiran at nagpapasya ng naaayon sa Salita ng Diyos.

Samakatwid, upang maging espiritwal ang isang Kristiyano kailangan niya ang "kaalaman at paglago" sa kanyang pang araw araw na relasyon sa Panginoong Hesu Kristo sa pamamagitan ng pagpapasakop sa ministeryo ng Banal na Espiritu sa kanyang buhay. Nangangahulugan ito na bilang mga mananampalataya, gumagawa tayo ng desisyon na panatilihing maayos ng ating maayos na pakikipagugnayan sa Espiritu sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ating mga kasalanan (1 Juan 1:9). Kung pinipighati natin ang Espiritu sa pamamagitan ng pagkakasala (Efeso 4:30; 1 Juan 1:5-8), nagtatayo tayo ng pader sa pagitan ng ating sarili at ng Diyos. Kung nagpapasakop tayo sa ministeryo ng Espiritu, walang magiging hadlang sa ating relasyon sa Diyos (1 Tesalonica 5:19). Ang pagiging espiritwal ng isang Kristiyano ay ang kanyang kamalayan sa patuloy na pakikisama sa Banal na Espiritu, na hindi nahahadlangan ng pagiging makalaman at pagkakasala. Nalilinang ang pagiging espiritwal ng isang Kristiyano kung siya ay patuloy na gumagawa ng desisyon na piliin ang pagsunod at pagpapasakop sa ministeryo ng Banal na Espiritu.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Kristiyanong espiritwalidad?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries