Tanong
Ano ang kasalanang paggawa ng masama?
Sagot
Mayroong dalawang pangunahing paraan kung paano tayo nagkakasala: alinman sa pamamagitan ng hindi paggawa ng mabuti o paggawa ng masama. Ang mga kasalanan ng hindi paggawa ng mabuti ay yaong alam nating mabuti na dapat nating gawin, ngunit tumatanggi tayong gawin (Santiago 4:17). Ang kasalanan ng paggawa ng masama ay isang kasalanan na ating ginagawa, sa isip, salita, o gawa. Ang kasalanan ng paggawa ng masama ay maaaring sinadya o hindi sinasadya. Ang kaalaman sa simula pa lamang ay hindi ang isyu. Kung bibisita ka sa ibang bansa kung saan dumadaloy ang trapiko sa kaliwang linya, at nagmaneho ka sa kanang linya, lumalabag ka pa rin sa batas alam mo man iyon o hindi. Ang mga kautusan sa Lumang Tipan ay nagtatakda ng mga espesyal na handog para sa mga kasalanan na hindi sinasadya ngunit gayunman ay mga kasalanan pa rin (Bilang 15:22–24; cf. Hebreo 9:7).
Ang unang kasalanan ng sangkatauhan ay isang kasalanan ng paggawa ng masama. Ipinagbawal ng Diyos ang pagkain ng isang bunga (Genesis 2:16–17). Alam nina Adan at Eva ang utos ng Diyos at sumuway pa rin sila (Genesis 3:6). Kumilos sila para gumawa ng makasalanang gawain. Nang si Haring David ay nagkasala ng pangangalunya at pagkatapos ay pinatay si Urias upang pagtakpan ito, pareho itong kasalanan ng paggawa ng masama (2 Samuel 11). Hindi itinago ng Bibliya ang madalas na karumaldumal na mga detalye ng buhay ng mga taong makasalanan na minahal at ginamit pa rin Niya. Ang mga pahina nito ay puno ng mga kasalanan ng paggawa ng masama ng mga dakilang pinuno tulad ni Abraham (Genesis 20:2), Moises (Exodo 2:11–12), David (2 Samuel 12:13), Solomon (Nehemias 13:26), Pedro (Mateo 26:74–75), at Pablo (Galacia 1:13).
Tayong lahat ay nagkasala ng mga kasalanan ng paggawa ng masama. Lahat tayo ay nakagawa ng sinasadyang kasalanan sa pamamagitan ng pagkilos sa mga paraan na ipinagbabawal ng Diyos. Nakagawa din tayo ng hindi sinasadyang kasalanan dahil sa ating kamangmangan sa mga pamantayan ng Diyos (Gawa 3:17; 1 Pedro 1:14; Levitico 4:13–14). Ang ating makasalanang kalikasan ay humahadlang sa atin mula sa pakikisama sa Diyos. Maaari nating limitahan ang bilang ng mga kasalanan na lantaran nating ginagawa, ngunit hindi natin kayang linisin ang ating mga puso. Sinabi ni Jesus na “ang lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso, at ito ang nagpaparumi sa isang tao. Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi ng kasinungalingan, paninirang-puri” (Mateo 15:18–19).
Kaya nga kailangan natin si Hesus. Hindi natin mapipigilan ang ating sarili na magkasala, at sa pamamagitan ng pagkakasala ay inaalis natin ang anumang pag-asa na makaugnay sa isang banal na Diyos. Tanging kung sasampalatayanan natin ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo na maging kapalit natin maaalis ang ating mga kasalanan (Colosas 2:14; Roma 6:6). Sinasabi ng Ikalawang Corinto 5:21, “Ginawa niyang kasalanan ang hindi nakakaalam ng kasalanan para sa atin, upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa Kanya.” Inako ni Jesus ang lahat ng ating mga kasalanan ng paggawa ng masama at hindi paggawa ng mabuti at binayaran ang utang natin sa Diyos.
Ang Awit 51 ay ang panalanging isinulat ni David pagkatapos niyang harapin ang sarili niyang kasalanan ng paggawa ng masama. Siya ay nagkasala nang malaki, at ito ay may mga konsekwensya (2 Samuel 12:14–15). Ngunit alam niya kung paano magsisi. At mayroon siyang sapat na pagtitiwala sa awa ng Diyos upang manikluhod, “Isang pusong tapat sa aki'y likhain, bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin. Sa iyong harapa'y huwag akong alisin; iyong banal na Espiritu'y paghariin. Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas ibalik at ako po'y gawin mong tapat” (Awit 51:10–12). Si David ay naging modelo para sa atin ng tamang paraan ng pakikitungo sa ating mga kasalanan ng paggawa ng masama. Kapag nakilala natin ang ating kasalanan sa Diyos, maaari tayong bumaling sa Kanya, kilalanin ang kasalanang iyon, at hingin ang Kanyang paglilinis. Makakaasa tayo sa kapangyarihan ng ibinuhos na dugo ni Jesus upang pawiin ang ating kasalanan. Nangangako ang Diyos na ibabalik tayo sa pakikisama sa Kanya at palalakasin tayo upang mamuhay sa paraang nakalulugod sa Kanya (Filipos 4:13).
English
Ano ang kasalanang paggawa ng masama?