Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalayaang Kristiyano?
Sagot
Makikita natin sa Bibliya ang ilang konsepto ng kalayaang Kristiyano. Halimbawa, ang kalayaan ng isang Kristiyano ay nangangahulugang siya ay pinalaya na mula sa parusa ng kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo (Juan 8:31-36; Roma 6:23). At ang kalayaang Kristiyano ay tumutukoy din sa pagiging malaya ng isang tao mula sa kapangyarihan ng kasalanan sa pamamagitan ng araw-araw na pagtitiwala ka Jesu-Cristo bilang Panginoon na nakapagbabago ng katangian at ugali ng isang tao (Roma 6:5-6, 14). Bilang karagdagan, ang Kalayaang Kristiyano ay nangangahulugan din na ang isang tao ay pinalaya na sa batas ng mga Judio at ni Moises na “naglalantad” lamang at hindi “nagpapatawad” ng kasalanan ng tao (Roma 3:20-22).
Sa huli, ang kalayaang Kristiyano ay maaari ding mangahulugan na ang isang mananampalataya ay malaya o maaaring gawin ang mga bagay na hindi naman tuwirang pinagbabawal sa Bibliya, ibig sabihin, maaaring makilahok sa isang gawain ang Kristiyano hangga't hindi siya nakakatisod sa ibang Kristiyano (Roma 14:12-16). Karamihan sa bagay na ito ay may kinalaman sa mga “dapat” at “hindi dapat,” Ilan sa halimbawa ay kung dapat ba o hindi dapat isuot ang isang uri ng kasuotan, pwede ba o hindi pwedeng mag ayos ng mukha, pwede bang magsuot ng alahas, magpatato, magpabutas sa balat o kaya, pwede ba o hindi pwedeng magsigarilyo, mag inom ng nakalalasing na inumin, magsugal, magsayaw, o manuod ng mga pelikula at mga bidyo. Sinasabi sa kabanatang 14 ng Roma na ang mga bagay na ito ay hindi mahigpit na ipinagbabawal sa Salita ng Diyos ngunit ang mga ito ay maaaring magkaroon ng masamang epekto sa paglagong espirituwal at sa patotoo ng isang Kristiyano at pwedeng maging katitisuran ng ibang mananampalataya.
Bukod diyan, ang mga Kristiyanong masugid na nagtataguyod ng mga kalayang iyan ay maaaring mahulog sa isang maluwag at walang disiplinang pamumuhay, at sa isang panig naman, ang mga Kristiyanong mahigpit at hindi bukas sa pagiging malaya ay maaaring mahulog sa pagiging legalista dahil sa mga hindi nila “nagugustuhan” Kaya nga dahil diyan ay kinakailangan nating sumangguni sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at sa Kanyang Salita upang malaman natin kung alin ba ang mga bagay o partikular na gawain ang hindi sang ayon sa itinuturo ng Bibliya at nang sa ganun ay maiwasan nating gawin, at kung ito naman ay hindi salungat sa Banal na Kasulatan, tingnan din natin kung paano nito nilalarawan ang ating reputasyon bilang Kristiyano, kung ito ba ay nakakahadlang sa pagbabahagi natin ng tungkol kay Jesus sa mga hindi mananampalataya sa ating paligid, o nakakatulong ba ito upang sila ay matuto o hindi.
Ang pinakalayunin ng ating pagiging Kristiyano ay luwalhatiin ang Diyos, turuan ang kapwa mananampalataya, at magkaroon ng mabuting patotoo sa mga hindi mananampalataya (Awit 19:14; Roma 15:1-2; 1 Pedro 2:11-12). “Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig” (Galacia 5:13).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalayaang Kristiyano?