settings icon
share icon
Tanong

Kailan ba dapat subukang ituwid ng isang Kristiyano ang kapwa niya Kristiyano?

Sagot


Maselang usapin ang bagay na ito. Kaya't ang maglaan muna ng panahon upang manalangin ay isang matalinong hakbang, upang makita natin ang ating tunay na motibo at humingi rin tayo ng gabay. May mga pagkakataon na ang mga Kristiyano ay hinihiling na “makipag usap” o kaya ay sikaping ituwid ang kapwa Kristiyano. Ipagpalagay natin halimbawa na pinag uusapan natin ang tungkol sa kasalanan ng isang mananampalataya, ang dapat na maging layunin o motibo natin ay upang tulungang magsisi at panumbalikin ang nagkasalang kapatid kay Cristo.

Ang unang mahalagang bagay ay ang atin ugali. “..maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo” (Efeso 4:32). Doon lamang natin magagawang “sabihin ang katotohanan sa diwa ng pag-ibig” (Efeso 4:15). Sa kanyang sulat sa mga taga Galacia, si Pablo ay nagbigay ng kaparehong babala tungkol sa pag uugali. Sabi niya: “Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin” (Galacia 6:1). Makikita natin dito na yung mga “espirituwal” ibig sabihin ay namumuhay ayon sa Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod, ang siyang dapat na mahinahong magtuwid sa sinumang nagkakasala, sapagkat alam nila kung gaano tayo kadaling matukso ni Satanas na laging naka abang upang ang bawat isa ay mahulog sa kanyang patibong.

Sa pamamagitan ng malawak na saklaw ng Banal na Kasulatan tungkol sa disiplina sa iglesya, ang Bibliya ay nagbibigay ng mga paraan kung paano kakausapin ang nagkakasalang kapatid: “Kung magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid. Ngunit kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat salita. Kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesya; at kung ayaw niyang pakinggan maging ang iglesya, ay ituring mo siya bilang isang Hentil at maniningil ng buwis” (Mateo 18: 15-17). Muli, ito ay hindi para sa taong palagay mo ay mayroong dapat baguhin sa pag uugali o kaya ay sa isang taong kinaiinisan mo.

Sa ibang pagkiling naman, ang isa sa malimit gamiting talata sa Bibliya ay ang, “Huwag humatol upang hindi kayo hatulan” (Mateo 7:1). Dahil sa maling pagkaunawa, ang talatang ito ay ginagamit bilang katuwiran upang huwag nang manindigan sa anumang bagay na nangangailangan ng paghatol. Samantalang ang talatang ito ay tumutukoy sa mapagkunwari, mapagmatuwid sa sarili, hindi patas na paghatol, lalo kung ang humahatol ay gumagawa rin ng kasalanang katulad ng sa hinahatulan niya.

Gayunman, kailan ba dapat subukang ituwid ng isang Kristiyano ang kapwa niya Kristiyano? Ang sagot ay, kapag nakipag-usap at sumangguni muna tayo sa Panginoon, kung ang ating puso ay handang magpasakop at may malasakit tayo sa ibang tao, at nakahanda tayong sumunod sa mga pamamaraan na nakasaad sa Kanyang Salita tungkol sa ganoong sitwasyon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kailan ba dapat subukang ituwid ng isang Kristiyano ang kapwa niya Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries