settings icon
share icon
Tanong

Paanong si Hesus ang ating Sabbath ng kapahingahan?

Sagot


Ang susi sa pangunawa kung paanong si Hesus ang ating Sabbath ng kapahingahan ay ang salitang Hebreo na "sabat," na nangangahulugan na "magpahinga o tumigil sa paggawa." Ang konsepto ng Sabbath ay nagsimula sa paglikha, pagkatapos na likhain ng Diyos ang mga langit at lupa sa loob ng anim (6) na araw, "nagpahinga Siya ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa" (Genesis 2:2). Hindi ito nangangahulugan na napagod ang Diyos at kinailangan Niyang mamahinga. Alam natin na ang Diyos ay omnipotente na ang ibig sabihin ay "walang hanggan ang kapangyarihan." Hindi Siya napapagod at kahit na ang pinakamahirap na gawain ay hindi kayang bawasan ang kanyang lakas o kapangyarihan man. Kaya, ano ang ibig sabihin na nagpahinga ang Diyos sa ika-pitong araw? Ang simpleng paliwanag ay tumigil Siya sa kanyang ginagawa. Huminto Siya sa Kanyang gawain ng paglikha. Mahalaga ito sa pagunawa sa pagtatatag ng Sabbath o araw ng pamamahinga at ang papel ni Hesu Kristo bilang Sabbath ng ating kapahingahan.

Ginamit ng Diyos ang halimbawa ng kanyang pamamahinga sa ikapitong araw ng paglikha upang itatag ang prinsipyo ng Sabbath ng pamamahinga para sa Kanyang bayan. Sa Exodo 20:8-11 at Deuteronomio 5:12-15, ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ang ikaapat sa Sampung (10) Utos. Ang Utos na ito ay ang alalahanin ang Araw ng Sabbath at "igalang ito." Isang araw sa loob ng pitong araw, kailangang magpahinga ang mga Israelita sa kanilang mga gawain gayundin ang kanilang mga hayop at mga alipin. Ang pamamahingang ito ay kumpletong pagtigil sa lahat ng trabaho. Anumang trabaho ang kanilang ginagawa, kailangan nila iyong itigil ng buong isang araw sa loob ng isang linggo. Ang Araw ng Sabbath ay itinatag upang makapagpahinga ang mga tao sa kanilang mga gawain at upang makapagsimula muli sa kanilang mga gawain pagkatapos ng isang araw na pamamahinga.

Ang iba't ibang elemento ng Sabbath ay sumisimbolo sa pagdating ng Tagapagligtas, na magkakaloob ng permanenteng kapahingahan para sa Kanyang bayan. Sa ilalim ng Kautusan ng Lumang tipan, patuloy na gumagawa ang mga Israelita upang maging katanggap-tanggap sa Diyos. Sinusubukan nilang sundin ang napakaraming "pwede" at "hindi pwede" sa mga kautusang pangseremonya, kautusan sa templo, kautusang sibil at iba pa. Ngunit ang katotohanan, hindi nila kayang ganapin ang lahat ng mga kautusang iyon kaya nagbigay ang Diyos ng iba't ibang uri ng handog at sakripisyo upang makalapit sa Kanya ang mga Israelita, mapatawad at magkaroon ng relasyon sa kanya ngunit ang mga iyon ay panandalian lamang. Gaya ng kailangan nilang magpatuloy sa kanilang mga gawain pagkatapos ng isang araw ng pamamahinga, gayundin naman kailangan din nilang magpatuloy sa paulit ulit na paghahandog ng mga hayop para sa kanilang kapatawaran. Sinasabi sa atin ng Hebreo 10:1, "Ang Kautusan ay malabong anino lamang at hindi ganap na larawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga haing inihahandog taun-taon." Gayunman, ang mga handog na ito ay anino lamang ng darating. Inihandog ang mga hayop bilang paghahanda sa pinakahuling handog para sa kasalanan, ang paghahandog ng buhay ng Panginoong Hesu Kristo sa krus, na "minsan lamang naghandog dahil sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos, lumuklok siya sa kanan ng Diyos" (Hebreo 10:12). Pagkatapos na ganapin ang huling paghahandog, umupo si Hesus sa kanyang luklukan sa langit at "namahinga" na ang ibig sabihin ay tumigil Siya sa kanyang gawain ng pagtubos dahil wala ng kailangan pang gawin, magpakailanman. Ang gawain ng pagtubos ay naganap na (Juan 19:30). Dahil sa ginawa ni Hesus, hindi na natin kailangan pang gumawa ayon sa kautusan upang mapawalang sala tayo sa harapan ng Diyos. Nagtungo si Hesus sa lupa upang magkaroon tayo ng kapahingahan sa harapan ng Diyos at ng kaligtasan na Kanyang ipinagkakaloob sa sinumang sa Kanya'y sumasampalataya.

Ang isa pang elemento ng Sabbath ng kapahingahan ay pinagpala ito ng Diyos, ibinukod at pinabanal. Muli, makikita natin dito ang simbolo ni Kristo bilang ating Sabbath ng kapahingahan. Siya ang banal at perpektong Anak ng Diyos na nagpapabanal sa lahat ng nananampalataya sa Kanya. Kung paanong ibinukod ng Diyos ang araw ng Sabbath, ibinukod din Niya si Hesus at ipinadala sa mundo (Juan 10:36). Sa Kanya natin matatagpuan ang kumpletong kapahingahan mula sa gawain ng pagbibigay lugod sa Diyos sa pamamagitan ng sariling gawa dahil Siya lamang ang banal at makatwiran. "Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya" (2 Corinto 5:21). Mayroon na tayo ngayong espiritwal na kapahingahan dahil kay Hesus, hindi lamang isang araw sa loob ng isang linggo, kundi magpasawalang hanggan.

Si Hesus ang Sabbath ng ating kapahingahan dahil Siya ang "Panginoon ng Sabbath" (Mateo 12:8). Bilang Diyos na nagkatawang tao, ibinigay Niya kung ano ang tunay na kahulugan ng Sabbath dahil Siya ang lumikha nito at Siya ang ating Sabbath ng kapahingahan sa laman. Nang tuligsain ng mga Pariseo si Hesus dahil sa pagpapagaling sa araw ng Sabbath, ipinaalala Niya sa kanila na hindi sila magdadalawang isip na hanguin ang isa sa kanilang tupa mula sa hukay sa araw ng Sabbath. Higit na mahalaga ang tao kaysa Sabbath at ang kaligtasan na ipinagkakaloob ni Hesus ay higit sa mga batas at kautusan. Nang sabihin ni Hesus, "Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga" (Markos 2:27), inulit Niya ang prinsipyo na ang Sabbath ng kapahingahan ay itinatag upang makapagpahinga ang tao. Pinilipit ng mga Pariseo ang kahulugan ng Sabbath at ginawa itong isang mahirap na regulasyon. Nagtungo si Hesus sa lupa upang palayain tayo mula sa Kautusan sa pamamagitan ng Kanyang biyaya (Juan 1:17; Roma 6:14). Siya ang Panginoon ng Sabbath, at pinagpahinga Niya tayo sa kahirapan ng pagtatangka na magkaroon ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating sariling lakas. Sa Kanya, mayroon tayong kapahingahan dahil nagtitiwala tayo sa Kanyang mga ginawa para sa atin.

Ipinaliwanag na malinaw sa Hebreo 4 kung paanong Si Hesus ang ating kapahingahan. Sinabi ng manunulat na "pumasok" tayo sa kapahingahan na ipinagkaloob ni Kristo. Kung patitigasin natin ang ating mga puso, magiging gaya tayo ng mga Israelita habang naglalakbay sa ilang. Dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya, hindi pinapasok ng Diyos sa Lupang Pangako ang unang henerasyon ng mga Israelita na umalis mula sa Ehipto na sinasabi, "hindi sila makapapasok sa aking kapahingahan" (Hebreo 3:11). Hinihimok tayo ng manunulat ng aklat ng Hebreo na huwag gayahin ang kanilang pagkakamali sa pagtanggi sa kapahingahan na ipinagkakaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo. "Samakatwid, may kapahingahan pang nakalaan sa mga nananalig sa Diyos. Sapagkat ang sinumang makapasok at makapahinga sa piling ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang mga gawa, tulad ng Diyos na nagpahinga na sa kanyang paglikha. Kaya't magsikap tayong makapasok at makapahinga sa piling ng Diyos. Huwag sumuway ang sinuman sa atin para hindi mabigong tulad nila" (Hebreo 4:9-11).

Wala ng ibang Sabbath ng kapahingahan maliban kay Hesus. Siya lamang nag nakatupad sa mga hinihingi ng Kautusan at Siya lamang ang naghandog para sa ikapapawi ng poot ng Diyos sa ating mga kasalanan. Siya ang probisyon ng Diyos para sa atin, at maaari na tayong tumigil sa ating mga paggawa para sa ating kaligtasan. Nawa'y huwag nating tanggihan ang tangi at nagiisang daan sa kaligtasan (Juan 14:6). Ang tugon ng Diyos sa mga piniling tanggihan ang Kanyang plano ay makikita sa aklat ng mga Bilang kabanata 15. Sa kabanatang ito, isang lalaki ang natagpuan na nangunguha ng panggatong sa Araw ng Sabbath sa kabila ng malinaw na utos ng Diyos na tumigil sila sa paggawa sa araw na iyon. Ang pagsalangsang na ito ay tahasan, ginawa sa maliwanag na sikat ng araw at isang tahasang paglaban sa awtoridad ng Diyos. "At sinabi nga ni Yahweh kay Moises, "Dalhin siya sa labas ng bayan at batuhin ng lahat hanggang mamatay" (v. 35). Ganito rin ang mangyayari sa mga tatanggi sa kaloob ng Diyos na Sabbath ng kapahingahan na matatagpuan kay Hesu Kristo. "Gayon din naman, hindi tayo makaiiwas sa parusa kapag hindi natin pinahalagahan ang kaligtasang ito na napakadakila" (Hebreo 2:3).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paanong si Hesus ang ating Sabbath ng kapahingahan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries