Tanong
Paano ko gagawing Panginoon ng aking buhay si Hesus?
Sagot
Ang susi ay ang pangunawa na si Hesus ay Panginoon na ng iyong buhay. Si Hesus ay Panginoon. Ang ating dapat na gawin ay hindi ang gawin Siyang Panginoon ng ating buhay kundi ang magpailalim sa Kanyang pagka-Panginoon. Ang isa pang salita para sa ating tugon sa pagiging Panginoon ni Hesus ay "pagpapasakop." Ang pagpapasakop ay nangangahulugan ng pagpapailalim sa kalooban at kontrol ng isang tao, at, kung paguusapan ang pagiging Kristiyano, ito ay pagpapailalim sa kalooban at pagkontrol ni Hesu Kristo. Nangangahulugan ito na kung iniuutos ng Kasulatan na mag-ibigan sa isa't isa ang mga Kristiyano (Juan 5:17), dapat natin itong gawin. Nangangahulugan ito na kung sinasabi ng Kasulatan na hindi tayo dapat mangalunya o magnakaw (Exodo 20:14-15), hindi natin dapat gawin ang mga bagay na ito. Dapat na unawain na ang pagpapasakop o pagsunod sa mga utos ng Diyos ay may kaugnayan sa paglago at pagunlad sa ating pananampalataya at walang kaugnayan sa pagiging Kristiyano. Nagiging Kristiyano ang isang tao sa biyaya lamang ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo hindi dahil sa mabubuting gawa (Efeso 2:8-9).
Dapat nating maunawaan na hindi natin magagampanan ang kumpletong pagsunod sa pamamagitan lamang ng pagiging handa sa pagsunod o sa pamamagitan ng lakas ng ating panloob na pagkatao. Hindi ito mangyayari dahilan lamang sa simpleng "pagdedesisyon" na gawin ito. Ito ay dahil may pagkahilig pa rin sa makasalanang gawain ang mga mananampalataya at may isipan na sumasalungat sa gawain at kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Upang maging masunurin, dapat tayong magtiwala sa kapangyarihan na ipinagkakaloob sa atin ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin (Juan 14:16-17). Ito mismo ay aksyon ng pagsunod, dahil inutusan tayo sa Efeso 5:18 na mapuspos ng Banal na Espiritu. Hindi ito nangangahulugan na nagkakaroon ang isang Kristiyano na mas maraming Espiritu, sa halip, ipinagkakaloob natin sa Banal na Espiritu ang marami sa ating sarili — na siyang esensya ng pagpapasakop. Ang pagiging puspos sa Espiritu ay pagpapailalim sa pagkontrol ng Banal na Espiritu. Sa praktikal, nangyayari ito kung tumutugon ang Kristiyano ng positibo sa pangunguna ng Banal na Espiritu. Hindi ito nangangahulugan sa pakiramdam na tinatawag ang isang Kristiyano sa paglilingkod sa iglesya sa isang ministeryo at pagsunod sa pakiramdam na ito, bagama't maaaring totoo ito para sa iba. Sa halip, ang kapuspusan sa Espiritu ay tumutukoy sa pang-araw araw na pagpapasakop sa Espiritu sa bawat desisyon na ating ginagawa, gaya ng pagigiging mabait sa isang tao na nagmamaltrato sa atin (Roma 12:17); sa pagiging totoo sa ating pakikipagugnayan sa iba (Efeso 4:25); sa pagiging tapat sa ating mga negosyo (Efeso 4:28); o sa paggugol ng panahon sa pananalangin at pagaaral ng Salita ng Diyos gaya ng iniutos sa atin (2 Timoteo 2:15). Ilan lamang ang mga ito sa mga halimbawa ng mga desisyon na ating ginagawa sa araw-araw kung saan dapat na makita ang ating pagpapasakop kay Kristo.
Mahalaga ring tandaan na kahit na nabibigo tayong sumunod, nagbigay ang Diyos ng probisyon upang manatili tayo sa ating pakikipagrelasyon sa Kanya. Sinasabi sa 1 Juan 1:9, "IKung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan." Kahit na ang pagpapahayag ng ating mga kasalanan ay bahagi din ng ating pagpapasakop at pagsunod upang manatili tayo sa ating pakikisama sa Kanya. Mahalagang tandaan na kung dumadating ang mahihirap na desisyon sa ating buhay, ang unang dapat gawin ay manalangin at humingi ng gabay sa Diyos upang makagawa ng tamang desisyon o maging masunurin sa kung ano ang nalalaman nating tama at naaayon sa Kanyang Salita.
Sa pagbubuod, ang ideya ng pagka-Panginoon ni Kristo ay hindi ang mismong pagsunod, sa halip, ito ay ang kabuuan ng ating pagsunod at hindi natin ito magagampanan sa pamamagitan ng ating sariling lakas at kakayahan kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan na ipinagkakaloob ng Banal na Espiritu. Higit tayong malakas kung magtitiwala tayo sa Kanya (2 Corinto 12:10).
English
Paano ko gagawing Panginoon ng aking buhay si Hesus?