settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kaugnayan ng Diyos sa panahon?

Sagot


Tayo ay tumitira sa pisikal na mundo na mayroong apat na dimensyon ng haba, lapad, taas (lalim) at panahon. Ganun pa man, ang Diyos ay tumatahan sa kakaibang mundo---ang mundong espirituwal--na hindi saklaw ng ating pisikal na pandama. Hindi naman ibig sabihin nito ay hindi na totoo ang Diyos; kundi ito'y nangangahulugan lamang na ang Diyos ay hindi saklaw o hindi nalilimitahan ng mga pisikal na batas at mga dimensyong umiiral sa mundo (Isaias 57:15). Ano nga ba ang kaugnayan ng Diyos sa panahon gayong "Siya ay espiritu?" (Juan 4:24).

Makikita natin sa Mga Awit 90:4, na si Moises ay nagbigay ng simple ngunit malalim na paglalarawan sa Diyos. Sinabi niya na, "Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw, sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang; isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan." Ipinapahiwatig lamang nito ang pagkakaiba ng pagiging walang hanggan ng Diyos at ng pagiging pansamantala lamang ng tao. Maikli at marupok ang buhay ng tao, ngunit ang Diyos ay hindi nanghihina o nabibigo kahit sa paglipas ng panahon. Kung ganun, ay hindi nababagay na magtakda ng panahon ng Diyos dahil Siya mismo ay nakahihigit at nangingibabaw dito. Sa 2 Pedro 3:8 ay nagbabala si apostol Pedro sa kanyang mga mambabasa na pakatandaan ang mahalagang bagay na ito-- na ang pagtingin ng Diyos sa panahon ay iba sa pagtingin ng tao (tingnan din ang Mga Awit 102:12, 24-27). Ang Diyos ay hindi sakop ng panahon katulad natin. Siya ay nangingibabaw at nasa labas ng pag-ikot ng oras o panahon, at alam Niya ang walang hanggang nakaraan at ang walang hanggang hinaharap kaya't ang mga oras at panahong lumilipas sa mundo ay tulad sa isang kisapmata lamang sa paningin ng Diyos. Para sa kanya, ang segundo at eon (mahabang panahon) ay walang pagkakaiba, ang bilyong taon ay tila segundo lamang na lumilipas sa mata ng walang hanggang Diyos.

Ngunit kahit hindi natin maunawaan ang ideya ng walang hanggan o pagiging walang hanggan ng Diyos, nagsisikap pa rin tayong ilagay Siya sa mga panahon na ating itinakda kaya't yaong mga nagnanais na ang Diyos ay kumilos at gumawa ayon sa kanilang itinakdang panahon ay binabalewala ang katotohanang Siya ay nasa "Mataas na lugar at nabubuhay magpakailanman" (Isaias 57:15). Ang paglalarawang ito sa Diyos ay lubhang malayo kung ihahambing sa kalagayan ng tao na "Ang buhay ay umaabot lamang ng pitumpo o kaya'y walumpo kung malakas ang pangangatawan; ngunit ang buhay na ito ay puno ng dusa't hirap, pumapanaw pagkatapos dito sa sangmaliwanag" (Mga Awit 90:10).

Muli, dahil sa ating limitadong isipan, kaya't bahagi lamang ng pagiging walang hanggan ng Diyos ang ating nauunawaan, at kahit na ganun ay nagagawa nating ilarawan ang Diyos bilang Diyos na walang pasimula at walang wakas, Diyos na walang hanggan, walang katapusan, walang kamatayan, atbp. Kaugnay nito ay ipinapahayag sa Mga Awit 90:2 na ang Diyos ay, "Mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan" (tingnan din ang Mga Awit 93:2). Siya ay laging naroon na at laging mananatili.

Ano nga ba ang panahon? sa simpleng paliwanag, ito ay ang tagal o haba ng oras, araw, buwan at taon. Ang oras ay nagsisilbing palatandaan ng pagbabago, o sa mas lalong tumpak na kataga, ang ating mga orasan ang palatandaan ng pagbabagong nagpapakita sa paglipas ng panahon, masasabi rin natin na ang panahon o oras ay mahalagang batayan ng pagbabago at ang pagbabago ay isang kalagayang sapat na batayan na lumilipas nga ang panahon. Sa makatwid, masasabi nating kapag may pagbabago ay tiyak na lumilipas ang panahon. Makikita nating habang tayo ay tumatanda, hindi na natin mababawi at mababalikan pa ang mga minutong lumipas na.

Bilang karagdagan, sinasabi sa atin ng agham ng pisika na ang oras o panahon ay isang katangiang nagpapakita ng pag iral. Halimbawa, nagsisimula lamang magkaroon ng panahon kapag nagsimula ng umiral ang isang bagay. Ngunit ang Diyos ay hindi bagay sapagkat siya ang lumikha ng mga ito. Ibig sabihin, nagsimula ang panahon ng magsimulang likhain ng Diyos ang kalawakan. Ngunit bago ang lahat, ang Diyos ay naroon na. At yamang siya ay hindi kabilang sa anumang bagay, Siya ay hindi nagbabago kaya't ang panahon ay walang anumang kaugnayan sa kanya.

Ito ang nagbibigay sa atin ng kahulugan ng salitang "walang hanggan." Ang katagang walang hanggan ay katagang ginagamit upang ipahayag ang konsepto ng isang bagay na walang simula o walang katapusan. Ang Diyos ay walang pasimula at wakas kaya't siya ay nasa labas ng panahon. Ang totoo, hindi pa rin ganap na maipapaliwanag ng salitang walang hanggan ang pag iral ng Diyos dahil Siya ay higit pa sa walang hanggan.

Nahahayag sa Banal na Kasulatan na ang Diyos ay umiiral na hindi saklaw ng panahon. Ang ating patutunguhan ay itinakda "bago pa ang mga panahon" (2 Timoteo 1:9; Tito 1:2) at "bago pa likhain ang sanlibutan" (Efeso 1:4; 1 Pedro 1:20). Sinasabi din sa Hebreo 12:3 na, "Dahil sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na hindi nakikita ay ginawa mula sa mga hindi nakikita." Ito'y nangangahulugan na ang pisikal na kalawakang ating nakikita, naririnig, at nararamdaman ay hindi nilikha mula sa mga bagay na umiiral o nakikita kundi buhat sa pinagmulang hindi saklaw ng dimensyong pisikal.

"Ang Diyos ay espiritu" (Juan 4:24), at dahil diyan, ang Diyos ay walang katapusan, ngunit hindi sapat na sabihing Siya ay walang hanggan batay sa oras o panahon lamang sapagkat siya ay hindi saklaw nito. Ang panahon ay nilikha lamang ng Diyos bilang limitadong bahagi ng kanyang nilikha upang gawin ang kanyang layunin sa mundong nakatakda ring maglaho (tingnan ang 2 Pedro 3:10-12).

Ano ang sinabi ng Diyos sa sangnilikha, kasama ang panahon, matapos Niyang likhain ang mga iyon? "Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa at lubos siyang nasiyahan" (Genesis 1:31). Tunay ngang ang Diyos ay espiritu at Siya ay nananahan sa lugar na hindi saklaw ng panahon. Kaya't, tayong mga mananampalataya ay mayroong malalim na kaaliwan yamang alam natin na kahit ang Diyos ay walang hanggan at hindi naaapektuhan ng panahon, Siya ay kasama natin. Siya ay hindi malayo, kundi siya ay kasama natin maging sa mga oras na ito at kaya niyang tumugon sa ating panalangin--sapagkat Siya ay nasa ating tabi.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kaugnayan ng Diyos sa panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries