Tanong
Paano ko malalaman kung ano ang plano ng Diyos sa aking buhay?
Sagot
Mas nakararaming Kristiyano ang tunay na ninanais na maunawaan ang plano ng Diyos para sa kanilang mga buhay. Ngunit napakaraming tanong: Paano ka matutuklasan ang plano ng Diyos? Paano ako makatitiyak? Sa kagandahang loob ng Diyos, ibinibigay sa Bibliya ang mahahalagang prinsipyo patungkol sa kalooban ng Diyos. Hindi sa atin itinatago ng Diyos ang Kanyang kalooban para sa ating mga buhay; nais Niya para sa Kanyang mga anak na malaman nila ang Kanyang kalooban at sundin ito.
Una, ang Bibliya ay puno ng malilinaw na pahayag patungkol sa plano ng Diyos para sa lahat na mananampalataya. Halimbawa, itinuturo sa 1 Tesalonica 5:16-18, “Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.”
Mauunawaan natin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Ang salita ng Diyos ay perpekto, at maaari nating matuklasan ang plano ng Diyos sa ating buhay sa pamamagitan ng pagbabasa nito. Sinasabi sa 2 Timoteo 3:16-17, “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.”
Ikalawa, mas mauunawaan natin ang plano ng Diyos sa ating mga buhay sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa Kanyang mga utos. Ipinangako sa Roma 12:1-2, “Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba: o kaya'y paglilingkod. ninyo sa Diyos. Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban niya.” Kung itatalaga natin ang ating mga buhay sa Diyos at tatalikdan natin ang mga prinsipyo ng mundong ito, inihahanda natin ang ating mga puso sa pakikinig sa Diyos (tingnan din ang 1 Pedro 4:2).
Kinukumpirma sa 1 Tesalonica 4:3-7 ang pangangailangan ng pagiging isang “buhay na handog” at ibinibigay ang mas maraming detalye patungkol sa plano ng Diyos: “Kalooban ng Diyos na kayo'y magpakabanal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa, at hindi pagsunod lamang sa nasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil na hindi nakakakila sa Diyos. Sa bagay na ito, huwag ninyong pagsamantalahan ang inyong kapwa at huwag siyang dadayain sa anumang paraan, sapagkat mahigpit na paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng sinabi namin at pinatotohanan sa inyo noon pa man. Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan.”
Ikatlo, matutuklasan natin ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananalangin. Binanggit sa Colosas 4:12 ang isang mananampalataya na nagngangalang Epafras na laging dumadalangin nang buong taimtim na maging matatag, ganap, at lubos na masunurin sa kalooban ng Diyos ang mga taga Colosas. Kailangang malaman at gawin ng mga mananampalataya sa Colosas ang kalooban ng Diyos kaya’t nanalangin si Epafras para sa kanila. Maaari tayong lumago sa ating kaalaman sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Maaari din nating ipanalangin sa Diyos ang ibang mananampalataya upang malaman nila ang kalooban ng Diyos sa kanilang buhay.
Ikaapat, minsan inihahayag o kinukumpirma ng Diyos ang Kanyang plano sa atin sa pamamagitan ng ibang kasangkapan kasama dito ang mga personal na pangyayari, mga karelasyon at kapwa mananampalataya. Gayunman, dapat nating maingat na suriin ang mga kapahayagan mula sa mga kasangkapang ito sa pamamagitan ng malinaw na kalooban ng Diyos na nakasulat sa Bibliya.
Mapagkakatiwalaan natin ang pangakong ito ng Diyos: “Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo” (Santiago 4:8). Habang tayo’y nananalangin, nagaaral ng Kasulatan, at nagnanais na mabuhay ng banal sa harapan ng Panginoon, ipapakita Niya ang Kanyang mga plano sa atin sa Kanyang perpektong panahon at sa isang kaparaanan na ating mauunawaan.
English
Paano ko malalaman kung ano ang plano ng Diyos sa aking buhay?