Tanong
Paano ko malalaman ang tamang panahon ng Diyos para sa akin?
Sagot
Ang unang bagay na dapat nating maunawaan patungkol sa tamang panahon ng Diyos para sa atin ay - ito ay perpekto, gaya ng ang lahat ng paraan ng Diyos ay perpekto (Awit 18:30; Galacia 4:4). Ang panahon ng Diyos para atin ay hindi kailanman una o huli. Sa katotohanan, mula pa noong bago tayo isilang, hanggang sa ating huling hininga, ginaganap ng Diyos ang Kanyang layunin sa ating mga buhay ng eksakto ayon sa Kanyang plano. Ganap ang Kanyang kapamahalaan at kontrol sa lahat ng bagay at sa lahat ng tao mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan. Walang kahit isang pangyayari sa kasaysayan ang makakadungis sa panahon ng Diyos ayon sa Kanyang walang hanggang plano, na Kanya ng idinisenyo bago pa Niya itatag ang sanlibutan.
Maaaring isipin ngayon, na dahil sa pangunawa sa kapamahalaan ng ating Manlilikha, mas madali na ang pagtitiis at paghihintay sa Kanyang panahon. Ngunit hindi laging ganito ang nangyayari. Mahirap sa ating kalikasan bilang tao ang maghintay sa perpektong panahon ng Diyos sa ating mga buhay. Sa katotohanan, sa sobra nating kaabalahan, laging mahirap para sa atin ang maghintay sa anumang bagay o sa kaninuman. Nais natin na mangyari ngayon din ang gusto natin. At sa pagkakaroon natin ng mga makabagong teknolohiya, malimit na nakukuha natin ang ating kagustuhan anumang oras natin gustuhin. Dahil dito, hindi lamang tayo nawawalan ng tiyaga sa paghihintay, nagiging mahirap din para sa atin na malaman ang panahon ng Diyos para sa atin.
Ang katiyagaan ay isa sa mga bunga ng Espiritu (Galacia 5:22), at malinaw na sinasabi sa Kasulatan na nalulugod sa atin ang Diyos kung nakikita sa atin ang katangiang ito: “Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya; huwag mong kainggitan ang gumiginhawa, sa likong paraan, umunlad man sila” (Awit 37:7), dahil ang Diyos ay mabuti sa mga naghihintay sa Kanya (Panaghoy 3:25). Lagi ring ipinapakita ng ating katiyagaan ang antas ng ating pagtitiwala sa panahon ng Diyos. Dapat nating tandaan na kumikilos ang Diyos ayon sa Kanyang perpekto at nakatakdang panahon na Kanya ng itinakda bago pa ang paglikha. Hindi Siya kumikilos ayon sa ating itinakdang panahon. Dapat tayong pumanatag sa kaalaman na kung maghihintay tayo sa Panginoon, tatanggapin natin ang lakas at sigla na nanggagaling sa Kanya: “Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina” (Isaias 40:31). Inulit ng Mangaawit: “Kay Yahweh tayo'y magtiwala! Manalig sa kanya at huwag manghinawa. Kay Yahweh tayo magtiwala!!” (Awit 27:14).
Ang isa pang susi sa pangunawa sa panahon ng Diyos sa atin ay pagtitiwala. Ang totoo, ang ating kakayahang maghintay sa Panginoon ay malaki ang kinalaman sa antas ng ating pagtitiwala sa Kanya. Kung nagtitiwala tayo sa Diyos ng ating buong puso, itatakwil natin ang ating pagtitiwala sa ating sarili at sa ating maling pangunawa sa mga pangyayari sa tuwina, at tunay na bibigyan Niya tayo ng direksyon (Kawikaan 3:5-6). “… Labis na magdurusa ang taong masama, ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya” (Awit 32:10). Gayunman, upang maging buong-buo ang pagtitiwala sa Diyos, kailangan nating makilala ang Diyos. At ang pinakamagandang paraan upang makilala Siya ay sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Ang Kanyang kapangyarihan ay sasaating buhay sa pamamagitan ng Kanyang kinasihang Salita (1 Tesalonica 2:13). Kasama sa gawain ng Salita ng Diyos ang gawain ng pagliligtas (Roma 10:17; 1 Pedro 1:23), pagtuturo at pagsasanay (2 Timoteo 3:16-17), paggabay (Awit 119:105), pagiingat (Awit 119:114, 117), pagpapalakas (Awit 119:28), at pagpaparunong sa atin (Awit 119:97-100). Kung pagaaralan at pagbubulay-bulayan natin ang Kanyang salita araw-araw, magiging malinaw sa atin ang panahon ng Diyos para sa ating mga buhay.
Kung kinukwestyon natin ang panahon ng Diyos, ito ay dahil sa tuwina, naghahanap tayo ng gabay at pagliligtas ng Diyos mula sa mahihirap na sitwasyon. Gayunman, makakapagtiwala tayo na eksaktong nalalaman ng ating mapagmahal na Diyos sa langit ang sitwasyon na ating nararanasan sa bawat sandali ng ating mga buhay. Kung hindi man Niya tayo inilagay doon ay pinahintulutan Niya na maranasan natin ang mga mahihirap na bagay na iyon para sa Kanyang perpektong layunin. Sa katotohanan, laging ginagamit ng Diyos ang mga pagsubok upang palaguin ang ating pagtitiis, at dahil dito lumalago ang ating pananampalataya at nagiging ganap ito (Santiago 1:3-4). At nalalaman natin na lahat ng bagay – maging ang mga mahihirap na pagsubok – ay gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Diyos (Roma 8:28). Tunay na dinidinig ng Diyos ang daing ng Kanyang mga anak at sinasagot Niya ang kanilang mga dalangin ayon sa kanyang perpektong kalooban at panahon. “Ang taong matuwid, may suliranin man, sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan” (Awit 34:19). Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa (Jeremias 29:11).
English
Paano ko malalaman ang tamang panahon ng Diyos para sa akin?