settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagluwalhati sa Diyos?

Sagot


Ang pagluwalhati sa Diyos ay ang paghahayag sa Kanyang kaluwalhatian. Ang salitang "luwalhati" kung ginagamit sa Lumang Tipan patungkol sa Diyos ay nagpapahayag ng ideya ng kadakilaan at kagandahan. Sa Bagong Tipan, ang salitang Griyego na isinalin sa salitang "luwalhati" ay nangangahulugan ng "dignidad, karangalan, papuri at pagsamba." Kung pagsasamahin ang dalawang kahulugan, makikita natin na ang pagluwalhati sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkilala sa Kanyang kadakilaan at pagpaparangal sa Kanya sa pamamagitan ng pagpupuri at pagsamba, sa pangunahing dahilan na Siya at Siya lamang ang karapat-dapat na purihin at sambahin. Ang kaluwalhatian ng Diyos ang esensya ng Kanyang kalikasan at maluluwalhati natin siya kung kikilalanin natin ang ganitong esensya.

Ang katanungang pumapasok sa isip ay: kung ang Diyos ang may taglay ng lahat na kaluwalhatian, paano natin Siya ngayon mabibigyan ng kaluwalhatian? Paano natin maibibigay sa Diyos ang isang bagay na sa esensya ay sa Kanya lamang? Ang susi ay matatagpuan sa 1 Cronica 16:28-29, "Mangagbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, Mangagbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at ng kalakasan. Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa Kaniyang pangalan: Mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap Niya: Inyong sambahin ang Panginoon sa ganda ng kabanalan." Sa talatang ito, makikita natin ang dalawang aksyon sa ating bahagi na bumubuo sa gawain ng pagluwalhati sa Diyos. Una, ibinibigay natin ang kaluwalhatian sa Kanya dahil ito ay para lamang sa Kanya. Walang iba ang karapatdapat sa papuri at pagsamba na ibinibigay natin sa Kanya. Kinumpirma ito sa Isaias 42:8: "Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan." Ikalawa, nararapat tayong "magdala ng handog" sa Diyos bilang bahagi ng pagsamba na nakakaluwalhati sa Kanya. Ano ang handog na dapat nating dalhin sa Diyos sa ating pagluwalhati sa Kanya?

Ang handog na dapat nating dalhin sa Diyos sa ating paglapit sa Kanya sa kagandahan ng Kanyang kabanalan ay kinapapalooban ng pagsang-ayon, pagsunod, pagpapasakop at pagpapahayag sa Kanyang mga katangian o pagluwalhati sa Kanya. Nagsisimula ang pagluwalhati sa Diyos sa pagsang-ayon sa lahat ng Kanyang sinasabi, lalo't higit sa Kanyang sinasabi tungkol sa Kanyang sarili. Sa Isaias 42:6, idineklara ng Diyos, "Ako, ang Panginoon, ay tumawag sa iyo sa katuwiran, at hahawak ng iyong kamay, at magiingat sa iyo, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, na pinakaliwanag sa mga bansa." Dahil sa kung Sino Siya, na "Siya ay banal at perpekto at totoo" (Awit 19:7), at niluluwalhati natin Siya sa pamamagitan ng pakikinig sa Kanya at pagsang-ayon sa lahat ng ating naririnig tungkol sa Kanya na nakasulat sa Bibliya. Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang Salita Niya para sa atin, at ang ating tanging kinakailangan para sa isang buhay sa Kanya. Ang makakaluwalhati sa Diyos ay ang pakikinig at pagsang-ayon sa Kanya. Hindi tayo makakapagbigay ng luwalhati sa Diyos malibang magpasakop tayo at sumunod sa Kanyang mga utos na ating mababasa sa Kanyang Salita. "Nguni't ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak; Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan, at sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin" (Awit 103:17-18). Inulit sa Juan 14:15 ang ideya na magkapareho ang pagluwalhati at pag-big sa Diyos: "Kung ako'y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos."

Niluluwalhati din natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsambit sa Kanyang mga katangian at sa Kanyang mga gawa. Sa kanyang huling sermon bago siya patayin dahil sa kanyang pananampalataya, ipinaalala ni Esteban sa Mga Hudyo ang pakikitungo ng Diyos sa Israel mula sa noong lisanin ni Abraham ang kanyang bansa dahil sa kanyang pagsunod sa utos ng Diyos, hanggang sa kanyang paglapit kay Hesu Kristo, ang "Banal ng Diyos," na itinakwil at pinatay ng mga tao. Kung sinasabi natin sa iba ang mga ginawa ng Diyos sa ating mga buhay, kung paano Niya tayo iniligtas sa ating mga kasalanan, at ang mga kahanga hangang gawa na Kanyang ginagawa sa ating puso at isip sa araw-araw, niluluwalhati natin Siya sa harap ng ibang tao. Bagama't hindi laging gusto ng iba na marinig ang ating pagluwalhati sa Diyos, nalulugod ang Diyos sa pamamagitan nito. Ikinagalit ng mga nakikinig kay Estebam ang kanyang mga sinabi at tinakpan ang kanilang mga tainga at dinaluhong at binato siya. "Datapuwa't siya, palibhasa'y puspos ng Espiritu Santo ay tumitig na maigi sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Dios, at si Jesus na nakatindig sa kanan ng Dios" (Gawa 7:55).

Ang pagluwalhati sa Diyos ay pagtatanghal sa Kanyang mga Katangian — sa Kanyang kabanalan, katapatan, awa, biyaya, pag-big, at kaluwalhatian. Ilan lamang sa mga ito ay ang kanyang walang hanggang kapamahalaan, kapangyarihan at walang hanggang karunungan — ang pagsambit sa mga katangiang ito ng paulit-ulit sa ating mga isip at pagpapahayag sa mga tao ng tungkol sa nagiisang kalikasan ng kaligtasan na kanyang iniaalok ng Diyos sa kanila ay pagluwalhati sa Diyos.



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagluwalhati sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries