Tanong
Ano ang ‘Diyos laban kay Satanas?
Sagot
Ang isa sa mga misteryo sa buhay Kristiyano ay kung bakit hindi na lang nilipol agad ng Diyos si Satanas pagkatapos niyang magkasala. Alam natin na ganap na matatalo ng Diyos si Satanas isang araw at itatapon Niya ito sa lawang apoy upang pahirapan doon araw gabi, magpakailanman (Pahayag 20:10). Ngunit nagtataka tayo kung bakit hindi na lang Niya agad nilipol si Satanas. Hindi natin maaaring malaman ang eksaktong dahilan ng Dios, ngunit alam natin ang mga tiyak na bagay tungkol sa Kanyang kalikasan.
Una, alam natin na may ganap na kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng sangnilikha at kasama rito si satanas. Totoong nanggugulo si Satanas at ang kanyang mga demonyo sa mundo ngunit binigyan lamang sila ng Diyos ng limitadong kakayahan. Alam din natin na may plano na ang Diyos sa lahat ng bagay mula sa pasimula hanggang wakas. Walang makapipigil sa Kanyang mga plano, at ang lahat ng mga pangyayari ay magaganap sa eksaktong panahon na kanyang itinakda. "Sinabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: "Tandaan ninyo: Mangyayari ang aking balak, matutupad ang aking pasiya" (Isaias 14:24).
Ikalawa, "Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti" (Roma 8:28). Anuman ang plano ng Diyos para kay satanas, ang planong iyon ang pinakamaganda. Ang perpektong galit at katarungan ng Diyos ay masisiyahan, at ang Kanyang perpektong katwiran ay mabibigyan ng katarungan. Ang mga umiibig sa Kanya at naghihintay sa katuparan ng Kanyang mga plano ay masisiyahan sa kanilang pagiging bahagi ng mga planong iyon at pupurihin at luluwalhatiin nila ang Diyos habang nakikita nila ang katuparan ng mga iyon.
Ikatlo, alam natin na ang pagkwestyon sa Kanyang mga plano ay pagdududa sa Diyos mismo, sa kanyang paghatol, karakter, at sa Kanya mismong kalikasan. Hindi matalino na kwestyonin ang Kanyang karapatang gawin anuman ang Kanyang maibigan. Sinasabi sa atin ng Mangaawit, "Ang Diyos na ito ay ganap ang gawa, at maaasahan ang kanyang salita" (Awit 18:30). Anuman ang plano na nanggaling sa isipan ng makapangyarihang Diyos, iyon ang pinakamagandang plano sa lahat. Totoo na hindi natin perpektong maiintindihan ang Kanyang isipan, gaya ng ipinapaalala Niya sa atin, "Sapagka't ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon. Sapagka't kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip" (Isaias 55:8-9). Gayon pa man, ang tungkulin natin ay sumunod sa Diyos, magtiwala sa Kanya at magpasakop sa Kanyang kalooban naiintindihan man natin o hindi ang kanyang mga layunin. Tungkol sa panahon ng paglipol kay Satanas, iyon ang pinakamagandang panahon sapagkat iyon ang panahong itinakda ng Diyos.
English
Ano ang mga Diyos laban kay Satanas?