Tanong
Bakit kinasusuklaman ng Diyos ang kasalanan?
Sagot
Kinasusuklaman ng Diyos ang kasalanan dahil ito ay mismong kasalungat ng Kanyang kalikasan. Inilarawan ng Mangaawit ang pagkasuklam ng Diyos sa kasalanan sa ganitong paraan: "Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan: ang masama ay hindi tatahang kasama mo" (Awit 5:4). Kinasusuklaman ng Diyos ang kasalanan dahil Siya ay banal; ang kabanalan ang pinakamataas sa lahat ng Kanyang katangian (Isaias 6:3; Pahayag 4:8). AngKanyang kabalanan ang kabuuan ng Kanyang persona. Ang Kanyang kabalanan ang dahilan ng Kanyang pagiging perpekto sa moral at ang dahilan ng Kanyang ganap na kalayaan mula sa lahat ng uri ng karumihan (Awit 89:35; 92:15; Roma 9:14).
Ipinapahayag sa Bibliya ang saloobin ng Diyos sa kasalanan ng may lubos na pagkagalit, pagkadismaya, at pagtanggi. Halimbawa, inilarawan sa Bibliya ang kasalanan na tulad sa isang nagnanaknak na sugat (Isaias 1:6), isang mabigat na pasanin (Awit 38:4), nakakahawang dumi (Tito 1:15; 2 Corinto 7:1), isang nakakabulag na utang (Mateo 6:12-15), kadiliman (1 Juan 1:6) at isang mapulang mantsa (Isaias 1:18).
Kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan dahil sa simpleng dahilan na ang kasalanan ang naghihiwalay sa atin sa Kanya: "Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig" (Isaias 59:2; tingnan din ang Isaias 13:11; Jeremias 5:25). Ang kasalanan ang dahilan kung bakit lumayo sa Diyos sina Adan at Eba at nagtago sa mga puno sa hardin (Genesis 3:8). Laging paghihiwalay ang bunga ng kasalanan, at ang katotohanan na kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan ay nangangahulugan na hindi Niya nais na mahiwalay tayo sa Kanya. Hinihingi ng Kanyang pag-ibig ang pagpapanumbalik, na kalakip ang pangangailangan ng kabanalan.
Kinasusuklaman din ng Diyos ang kasalanan dahil sa pagiging tuso nito na humihimok sa atin upang ituon natin ang ating pansin sa mga makamundong kasiyahan sa halip na magalak sa Kanyang biyaya. Ang mga taong pinatawad ng Diyos sa kanilang mga kasalanan ay makakapagsabi, "Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay: nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanan ay may mga kasayahan magpakailan man" (Awit 16:11). Ang paghahabol sa kasalanan ay pagtalikod sa mga kaloob ng Diyos na nagsabi, "Sapagka't nalalaman ko ang mga pagiisip na aking iniisip sa inyo, sabi ng Panginoon, mga pagiisip tungkol sa kapayapaan, at hindi tungkol sa kasamaan, upang bigyan kayo ng pagasa sa inyong huling wakas" (Jeremias 29:11). Ang pagkasuklam ng Diyos sa kasalanan ay nagpapahiwatig na iniibig Niya ang Kanyang mga anak at nais Niyang pagpalain sila.
Ang isa pang dahilan sa pagkasuklam ng Diyos sa kasalanan ay dahil binubulag tayo nito sa katotohanan. Inihalintulad ni Hesus ang mga bulaang guro sa mga "bulag na umaakay sa kapwa bulag" (Mateo 15:14). Sinabi ni Juan na ang sinumang namumuhi sa kanyang kapatid ay "hindi nalalaman ang kanyang paroroonan dahil binulag siya ng kadiliman" (1 Juan 2:11). Laging ipinagwawalang bahala ng mga makasalanan ang mga konsekwensya ng kasalanan. "Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya" (Galacia 6:7; tingnan din ang mga Bilang 32:23). Kinasusuklaman ng Diyos ang kasalanan sa parehong dahilan na kinamumuhian ng liwanag ang kadiliman at kinamumuhian ng katotohanan ang kasinungalingan. Nais ng Diyos na magkaroon ang Kanyang mga anak ng "lahat ng mga kayamanan ng lubos na katiwasayan ng pagkaunawa, upang makilala nila ang hiwaga ng Dios, sa makatuwid baga'y si Cristo" (Colosas 2:2), at tanging ang kasalanan lamang ang hadlang para dito.
Kinasusuklaman ng Diyos ang kasalanan dahil ito ang umaalipin sa atin at sa huli ay wawasak sa atin. Gaya ng kasalanan ni Samson na naging dahilan ng kanyang pisikal na pagkabulag at pagkabilanggo (Hukom 16:21), ang ating kasalanan din naman ang nagbubulid sa atin sa espiritwal na kabulagan at pagkabilanggo. "Hindi baga ninyo nalalaman, na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinaka alipin upang tumalima ay kayo'y mga alipin niyaong inyong tinatalima; maging ng kasalanan sa ikamamatay, maging ng pagtalima sa ikapagiging matuwid?" (Roma 6:16). Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay, at binibigyan Niya ng buhay na walang hanggan ang sinumang sasampalataya. Ang kasalanan ang hadlang upang hindi natin maranasan ang buhay na walang hanggan at ito ang dahilan kaya ito kinamumuhian ng Diyos.
Kinasusuklaman ng Diyos ang kasalanan dahil binabawasan nito ang ating pag-ibig sa Kanya. Sinasabi ng Bibliya, "Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama. Sapagka't ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan" (1 Juan 2:15-16). Binalaan tayo ni Santiago laban sa pagyakap sa sanlibutan, "Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios" (Santiago 4:4). Walang makakapaglingkod sa dalawang panginoon (Lukas 16:13), at dapat tayong mamili sa pagitan ng kasalanan at katuwiran.
Bilang mga mananampalataya, dapat nating kasuklaman ang kasalanan kung paanong kinasusuklaman ito ng Diyos. "Sapagka't kayong lahat ay pawang mga anak ng kaliwanagan, at mga anak ng araw: tayo'y hindi ng gabi, ni ng kadiliman man" (1 Tesalonica 5:5). Dapat nating kilalanin na ibinukod tayo ng Diyos; tayo ay isang "isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios" (1 Pedro 2:9). Hindi tayo magiging banal sa ating sariling kakayahan; ngunit ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang Kanyang Banal na Espiritu upang pabanalin tayo (2 Tesalonica 2:13). Ipinangako Niya sa atin na tutulungan Niya tayo sa ating pakikibaka laban sa kasalanan (1 Corinto 1:8).
Kinasusuklaman natin ang kasalanan dahil ito ang naghihiwalay sa atin sa Diyos. Kinasusuklaman natin ito dahil ito ang dahilan sa panlalamig ng ating pag-ibig sa Diyos at nagpapapurol sa ating konsensya, dahil ito ang gumagapos at bumubulag sa atin. Kinamumuhian natin ito dahil ito ang pumipighati sa Banal na Espiritu (Efeso 4:30). Ang ating panalangin ay, "pakabanalin tayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang ating espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo" (1 Tesalonica 5:23).
English
Bakit kinasusuklaman ng Diyos ang kasalanan?