settings icon
share icon
Tanong

Paano ako matututong magtiwala na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay?

Sagot


Bago tayo matututong magtiwala na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng nangyayari sa ating mga buhay, dapat muna nating sagutin ang apat na katanungan: Ang Diyos ba talaga ang may ganap na kapamahalaan? Hanggang saan o gaano kalaki ang Kanyang kontrol sa lahat ng bagay? Kung hindi Siya ang may ganap na kapamahalaan sa lahat ng bagay, sino o ano ngayon ay komokontrol sa mga bagay? Paano ako matututong magtiwala na Siya ang may kapamahalaan sa lahat ng bagay at magpapahinga sa katotohanang ito?

Ang Diyos ba talaga ang may ganap na kapamahalaan at kontrol sa lahat ng bagay? Ang konsepto ng pagkontrol ng Diyos sa lahat ng bagay ay tinatawag na “soberenya” ng Diyos. Walang makakapagbigay sa atin ng lakas at kapahingahan gaya ng pangunawa sa ganap na kapamahalaan ng Diyos sa ating mga buhay. Ang kapamahalaan ng Diyos ay ang Kanyang kumpleto, nagiisa at ganap na kapamahalaan sa bawat nilalang, pangyayari, at mga kaganapan sa bawat sandali ng kasaysayan. Walang sinuman ang mas makapangyarihan at mas mataas sa Diyos. Ginagawa Niya ang Kanyang anumang naisin, at tanging ang Kanya lamang nais, at laging ang Kanyang naisin lamang. Ang Diyos ay may ganap na kapamahalaan at kontrol sa bawat molekula sa buong sansinukob sa bawat sandali, at ang lahat ng nangyayari kung hindi man Niya direktang ginawa ay Kanyang pinahintulutan para sa Kanyang perpektong layunin.

“Sumumpa si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “’Mangyayari ang aking balak, matutupad ang aking layon’” (Isaias 14:24). Walang pangyayari na “aksidente” lamang o dahil sa tsansa, lalo’t higit sa buhay ng mga mananampalataya. Ayon ang lahat sa Kanyang mga “plano.” Sinasadya ang isang plano, hindi aksidente. Sinadya ng Diyos na gawin ang Kanyang ginagawa at walang anuman o sinuman ang makapipigil sa Kanya. “Sa simula pa'y itinakda ko na, at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin” (Isaias 46:10). Ito ang ating makapangyarihan at Diyos ng layunin na Siyang may ganap na kontrol sa lahat ng bagay. Ito ang dapat na magbigay sa atin ng dakilang kapanatagan at tutulong sa atin upang maibsan ang ating mga takot.

Ngunit gaano kalaki ang kapamahalaan na mayroon ang Diyos? Direktang sinasalungat ng ganap na kapamahalaan ng Diyos ang ‘open theism’ o bukas na teismo, na nagsasaysay na hindi alam ng Diyos ang mangyayari sa hinaharap kagaya ng tao, kaya nga kailangan Niyang laging magbago ng plano at magbantay sa gagawin ng Kanyang mga nilalang habang sinasanay ng mga makasalanang nilalang ang kanilang kalayaan. Ngunit hindi tinutuklas ng Diyos kung ano ang kahihinatnan ng mga nagaganap sa kasalukuyan, sa halip, patuloy at aktibo Niyang pinatatakbo ang LAHAT ng mga bagay. Ngunit ang isipin na kailangan ng Diyos ang ating kooperasyon, ang ating tulong, o ang ating malayang pagpapasya para maganap ang ang Kanyang mga plano ay naglalagay sa atin sa isang mas mataas na kalagayan na mas mataas sa Kanya at tayo rin ay nagiging tulad sa Diyos. Kailan ba natin narinig ang kasinungalingang ito na magiging tulad tayo sa Diyos? Ito ay isang paguulit lamang sa parehong kasinungalingang binitawan ni Satanas sa Hardin ng Eden - “magiging tulad kayo sa Diyos” (Genesis 3:5). Ang hangganan ng ating kalayaan ay hanggang sa kung saan lamang iyon ipinahintulot ng Diyos, “Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga; ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya. Walang maaaring mag-utos sa kanya ni makakatutol sa kanyang ginagawa” (Daniel 4:35). Hindi kayang lampasan ng malayang pagpapasya ng sinuman ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos.

Para sa ilan, nakakaakit ang kaisipan na may kontrol si Satanas sa ilang antas sa buhay ng tao, at patuloy na binabago ng Diyos ang Kanyang mga plano upang bigyan ng puwang ang mga gawa ni Satanas. Ang aklat ng Job ay isang malinaw na paglalarawan kung sino ang may ganap na kapamahalaan at kung sino ang sumusunod lamang. Pumunta si Satanas sa harapan ng Diyos at sinabi sa Kanya, “naglilingkod lamang sa Iyo si Job dahil iniingatan mo siya.” Kaya binigyan ng Diyos si Satanas ng pahintulot na gawin ang ilang mga bagay kay Job ngunit binigyan Niya ito ng hangganan - hindi niya maaaring patayin si Job (Job 1:6–22). Maaarin bang gumawa si Satanas ng isang bagay na hindi ipinahintulot ng Diyos? Hindi. Ang Diyos ang may kontrol kay Satanas at sa kanyang mga demonyo na sumusubok na hadlangan ang plano ng Diyos at ang Kanyang mga hakbang.

Alam ni Satanas mula sa Lumang Tipan na ang plano ng Diyos ay pumunta si Hesus dito sa lupa, pagtaksilan ni Judas, ipako sa krus at mabuhay na mag-uli at magkaloob ng kaligtasan para sa marami, at kung may paraan siya upang hadlangan ang planong ito ng Diyos, tiyak na gagawin iyon ni Satanas. Kung ang kahit isa sa daan-daang mga hula tungkol sa Tagapagligtas ay napigilan ni Satanas, masisira ang buong plano ng Diyos. Ngunit ang malayang pagpapasya na ginawa ng libu-libong tao ay idinisenyo ng Diyos upang papangyarihin ang Kanyang plano ng eksakto mula sa umpisa at walang nagawa si Satanas para hadlangan ang planong ito.

Ipinapatay si Hesus ayon “sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa...” (Gawa 2:23). Walang anumang aksyon ng mga Romano, ng mga Pariseo, ni Judas o ng sinuman ang pumigil sa pagsasakatuparan ng Diyos ng Kanyang plano na Kanyang itinakda bago pa likhain ang sanlibutan. Sinasabi sa Efeso 1 na pinili na tayo bago pa likhain ang sanlibutan. Nasa isipan na tayo ng Diyos upang iligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo. Nangangahulugan ito na pinagtagni-tagni ng Diyos ang rebelyon ni Satanas, ang pagkahulog nina Adan at Eba sa kasalanan, ang pagbagsak ng sangkatauhan sa kasalanan, at ang kamatayan at pagpapapako kay Hesu Kristo sa krus - ang lahat ay tila mga pangit na pangyayari - upang iligtas tayo bago pa tayo likhain. Ito ang perpektong halimbawa ng paggawa ng Diyos sa lahat ng mga bagay para sa ating ikabubuti (Roma 8:28).

Walang hanggan ang Kanyang kapangyarihan, walang kapantay ang Kanyang kaluwalhatian, at walang makapipigil sa Kanyang sinuman at anuman, ang ating Diyos ang may ganap na kapamahalaan sa lahat ng nangyayari, at pinahihintulutan Niya ang lahat para sa eksaktong kaganapan ng Kanyang mabuting plano at layunin na Kanya ng itinakdang mangyari bago pa Niya nilikha ang lahat ng mga bagay.

Sa huli, ang tanging paraan upang makapagtiwala sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos ay ang pagtanggap sa katotohanang ito at patuloy na pagkilala sa Diyos. Alamin mo ang Kanyang mga katangian, tuklasin mo ang Kanyang mga ginawa sa nakalipas sa kasaysayan at ito ang magpapataas sa antas ng iyong pagtitiwala sa Kanya. Sinasabi sa Daniel 11:32b, “…nguni't ang bayan na nakakakilala ng kanilang Dios ay magiging matibay, at gagawa ng kabayanihan.” Isipin natin ang ganitong uri ng kapangyarihan sa kamay ng isang masama at walang katarungang Diyos o kaya naman ay isang Diyos na hindi nagmamalasakit sa atin. Ngunit maaari tayong magsaya sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, dahil ito ay pinangingibabawan ng Kanyang pag-ibig, kahabagan, kaawaan, katapatan at kabanalan.

Ngunit hindi natin mapagtitiwalaan ang isang Diyos na hindi natin kilala, at may isa lamang tanging daan upang makilala ang Diyos - sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Walang madyik na pormula upang maging espiritwal sa loob ng maikling panahon, walang mistikal na panalangin o anumang uri ng pananalangin ang makakapagpalago sa ating kaalaman at magbibigay sa atin ng lakas at tibay ng pananampalataya. Ang Bibliya lamang, ang nagiisang pinanggagalingan ng kapangyarihan ang babago sa ating buhay, sa loob at labas. Ngunit kailangan ang sipag, sigasig at matiyagang pagaaral upang makilala ang Diyos na may ganap na kontrol sa lahat ng bagay. Kung iinom tayong lagi sa Salita ng Diyos at hahayaan natin na punuin nito ang ating isip at puso, magiging maliwanag sa atin ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, at nagagalak tayo sa kaalamang ito dahil nakikilala natin Siya sa isang personal na kaparaanan at ganap nating mapagkakatiwalaan ang mabuti at perpektong plano ng Diyos na may kontrol sa lahat ng bagay para sa ating mga buhay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako matututong magtiwala na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries