Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kabanalan? Ano ang ibig sabihin na maging banal?
Sagot
Sa 1 Pedro 1:13-16, isinulat ni Pedro sa mga mananampalataya, “Sa mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa mga lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang layunin sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo. Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan. Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa.” Inuulit ni Pedro ang Levitico 11:44 at Levitico 19:2.
Una, tingnan natin ang kabanalan ng Diyos. Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay banal? Ang mga sitas sa Bibliya gaya ng 1 Samuel 2:2 at Isaias 6:3 ay dalawa lamang sa maraming halimbawa ng mga sitas sa Bibliya tungkol sa kabanalan ng Diyos. Ang isa pang paraan para sabihin ito ay “ganap na pagiging perpekto.” Ang Diyos ay hindi gaya ninuman (tingnan ang Oseas 11:9), at ang Kanyang kabanalan ang esensya ng knyang pagiging iba sa lahat. Ang Kanya mismong persona ay ganap na walang bahid dungis ng kasalanan (Santiago 1:13; Hebreo 6:18). Siya ay higit na mataas kaysa kaninuman at walang sinuman ang maikukumpara sa Kanya (Awit 40:5). Ang kabanalan ng Diyos ang nangingibabaw sa Kanyang persona at sa lahat ng Kanyang mga katangian. Ang Kanyang pag-ibig ay isang banal na pag-ibig, ang Kanyang habag ay isang banal na kahabagan, at maging ang Kanyang galit ay isang banal na galit at banal na poot. Ang mga konseptong ito ay mahirap na maunawaan ng mga tao gaya ng kung paanong mahirap na ganap na maunawaan ang Diyos.
Ano ngayon ang ibig sabihin na tayo ay maging banal? Nang sabihin ng Diyos sa mga Israelita na sila ay maging banal sa Levitico 11 at 19, tinuturuan Niya sila na maging kakaiba mula sa ibang mga bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga partikular na regulasyon para pangunahan ang kanilang mga buhay. Ang Israel ay bansang pinili ng Diyos at ibinukod sila ng Diyos mula sa ibang grupo ng tao. Sila ay espesyal na mga tao at dahil dito, binigyan sila ng pamantayan na nais ng Diyos na kanilang ipamuhay para malaman ng mundo na sila ay Kanyang pagaari. Nang ulitin ni Pedro ang mga salita ng Panginoon sa 1 Pedro 1:16, sinasabi niya ito sa mga mananampalataya. Bilang mga mananampalataya, dapat na tayo ay “maging bukod” sa mundo para sa Panginoon. Kailangan nating mabuhay ayon sa pamantayan ng Diyos hindi ayon sa pamantayan ng mundo. Hindi tayo tinatawag para maging perpekto dito sa lupa, kundi para maging kakaiba sa mundo. Inilalarawan sa 1 Pedro 2:9 ang mga mananampalataya bilang isang “banal na bayan.” Ito ay katotohanan! Tayo ay ibinukod sa mundo; kailangan nating ipamuhay ang realidad na ito sa ating pangaraw-araw na pamumuhay gaya ng sinasabi ni Pedro na dapat nating gawin sa 1 Pedro 1:13-16.
Panghuli, paano tayo magiging banal? Ang kabanalan ay resulta ng isang tamang relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus bilang Tagapagligtas (pagtanggap ng Kanyang kaloob na buhay na walang hanggan). Kung hindi natin inilagak ang ating pananampalataya sa anak ng Diyos lamang para tayo maligtas mula sa ating mga kasalanan, walang saysay ang ating pagnanais na maging banal. Kaya dapat na tiyakin muna natin na tayo ay mga mananampalatayang isinilang na muli (tingnan ang Juan 3). Kung tunay tayong mga mananampalataya, kinikilala natin na awtomatikong ibinukod tayo mula sa mundo ng ating katayuan kay Cristo (1 Pedro 2:9). Ito ay dahil may relasyon tayo sa buhay na Diyos! Pagkatapos, dapat tayong mamuhay araw-araw ng isang ibinukod na buhay na hindi sinusubukang makihalo sa mundo sa halip ay nabubuhay ayon sa Salita ng Diyos habang pinagaaralan natin ito at lumalago sa kaalaman dito.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kabanalan? Ano ang ibig sabihin na maging banal?