settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Biblikal na paghiwalay?

Sagot


Ang Biblikal na paghiwalay ay ang pagkilala na ang mga mananampalataya ay tinawag mula sa mundo patungo sa isang indibidwal at sama-samang kabanalan sa gitna ng makasalanang kultura. Karaniwang ikino-kunsidera sa Biblikal na paghiwalay ang dalawang aspeto: personal at eklesiastikal.

Ang personal na paghiwalay ay kinapapalooban ng pagtatalaga ng isang Kristiyano sa isang makadiyos na pamantayan ng pamumuhay at paguugali. Isinakatuparan ni Daniel ang personal na paghiwalay na "huwag tikman man lamang ang pagkain at alak na bigay ng hari upang hindi siya makakain ng mga bagay na marumi ayon sa Kautusan" (Daniel 1:8). Ang kanyang ginawa ay tinatawag na Biblikal na paghiwalay dahil ang kanyang pamantayan ay base sa kapahayagan ng Diyos sa kautusan ni Moises.

Ang isang modernong halimbawa ng personal na paghiwalay ay ang desisyon na huwag magpaunlak sa mga imbitasyon sa mga kasayahan kung saan isinisilbi ang alak. Ang ganitong desisyon ay nararapat na gawin upang maiwasan ang pagkahulog sa tukso (Roma 13:14), at upang iwasan ang "anumang anyo ng kasamaan" (1 Tesalonica 5:22), at sumunod sa personal na kumbiksyon (Roma 14:5).

Malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang isang anak ng Diyos ay dapat na humiwalay sa sanlibutan.

"Huwag kayong makisama sa mga di sumasampalataya. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? o kaya'y ang liwanag at ang kadiliman? Maaari bang magkasundo si Cristo at si Belial? Ano ang kaugnayan ng nananampalataya sa di nananampalataya? o ng templo ng Diyos sa diyus-diyusan ng mga pagano? Tayo ang templo ng Diyos na buhay! Siya na rin ang may sabi: "Mananahan ako at mamumuhaysa piling nila, Ako ang magiging Diyos nila, at sila'y magiging bayan ko. Kaya't lumayo kayo sa kanila, Humiwalay kayo sa kanila," sabi ng Panginoon. "Huwag kayong humipo ng anumang marumi, at tatanggapin ko kayo" (2 Corinto 6:14-17; tingnan din ang 1 Pedro 1:14-16).

Ang eklesiastikal na paghiwalay ay kinapapalooban ng desisyon ng isang iglesia patungkol sa relasyon nito sa ibang organisasyon ayon sa kaniyang sariling teolohiya at mga kaugalian. Ang paghiwalay ay mismong makikita sa salitang "iglesia" na nagmula sa salitang Griego na "ekklesia" na nangangahulugang "kapulungan ng mga tinawag mula sa.” Sa sulat ni Hesus sa iglesia ng Pergamus, binababalaan Niya sila laban sa hindi pagsaway sa mga nagtuturo ng maling doktrina (Pahayag 2:14-15). Ang iglesya ay kinakailangang nakahiwalay at pinuputol ang anumang kaugnayan sa mga grupong nagtururo ng hidwang katuruan. Ang isang halimbawa ng modernong eklesiastikal na paghiwalay ay ang hindi pakikiisa ng isang iglesia o denominasyon sa mga alyansa ng iba't ibang relihiyon na maaaring magdulot ng pakikisama ng iglesia sa mga namumusong sa Diyos.

Ang Biblikal na paghiwalay ay hindi nangangahulugan na wala ng anumang pakikisama ang mga Kristiyano sa mga hindi mananampalataya. Katulad ni Hesus, kailangan nating kaibiganin ang mga hindi mananampalataya ngunit hindi tayo dapat na nakikisama sa kanilang paggawa ng kasamaan (Lukas 7:34). Ipinaliwanag ni Pablo ang kanyang balanseng pananaw tungkol sa Biblikal na paghiwalay: "Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga mapakiapid. Hindi mga paganong mapakiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyusan ang tinutukoy ko, sapagkat para sila'y maiwasan ay kakailanganin ninyong umalis sa sanlibutang ito" (1 Corinto 5:9-10). Sa madaling salita, tayo ay nasa mundo, ngunit hindi tayo taga mundo.

Kailangan nating maging ilaw ng sanlibutan at panatilihin na hindi nababawasan ang ating liwanag.

"Kayo'y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayon din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit" (Mateo 5:14-16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Biblikal na paghiwalay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries