settings icon
share icon
Tanong

Bakit maraming pagtatalo tungkol sa Banal na Komunyon?

Sagot


Ang Banal na Komunyon o Banal na Hapunan (na tinatawag din ng ibang simbahan na Hapag ng Panginoon o Eukaristiya) ay naging ugat ng mahalagang pagtatalo sa kasaysayan ng simbahan. Ang pinagkakasunduan ay malinaw na makikita sa Banal na Kasulatan: na ang Komunyon ay itinuro ni Jesus sa kanyang Huling Hapunan kasama ang mga alagad. Iyon ang tagpo kung saan binigyan Niya sila ng “tinapay” at “saro.” Sinabi Niya sa kanila na ang mga elementong iyon ay ang kanyang katawan at dugo (Mateo 26:26-28; Marcos 14: 22-24). Itinuro din niya sa kanila na laging gawin ang seremonyang iyon bilang pag alaala sa Kanya (Lucas 22:19).

Subalit ang hindi pagkakasundo tungkol sa Banal na Komunyon ay nag-uugat sa maraming katanungan: Literal ba o patalinghaga ang pananalita ni Jesus ng banggitin Niya ang tungkol sa kanyang katawan at dugo, o hindi kaya kumbinasyon iyon ng talinghaga at literal na kahulugan? Gaano ba dapat kadalas magKomunyon ang simbahan? Ang eukaristiya ba ay daan ng biyaya o ito'y isang pag-alaala lamang? Ano ang laman ng saro, matapang na alak ba dapat o simpleng katas lamang ng ubas?

Hindi si Jesus nagbigay ng tiyak o partikular na paraan patungkol sa ritwal na ito, dahil may kumplikasyon tungkol sa kung paano, saan, kailan, at kung ano ang tiyak na inilalarawan ng tinapay at alak. Mayroon namang mga argumento tungkol sa kung ang mga elemento ba ay nagiging aktwal na katawan at dugo ni Cristo o hindi (Katolikong doktrina ng transubstansasyon), Ito ba ay nagtataglay ng Espiritu ni Cristo (doktrina ng transubstansasyon ni Luther), o kung ang alak at tinapay ay isang simbolo lamang ng kanyang katawan at dugo. May iba't-ibang opinyon din tungkol sa liturhiya na dapat bigkasin at kung ang kumpisal ba ay dapat na maging bahagi ng ritwal. Ang mga denominasyon ay nagkakaiba kung gaano ba kadalas gawin ang Komunyon, paano ito gagawin at sino ang gagawa.

Tingnan natin ang apat na pagbanggit tungkol sa Huling Hapunan ni Jesus kasama ang mga alagad: ang tatlo ay makikita sa mga Ebanghelyo at ang isa naman ay sa 1 Corinto 11: 23-34. Kapag ating pinagsama-sama ang tatlo ay mauunawaan natin ang mga sumusunod:

1. Sa kanilang pagsasalu-salong pang paskwa, pinagpala at pinagpira-piraso ni Jesus ang tinapay pagkatapos ay ipinamahagi iyon sa kanyang mga alagad, at kanyang sinabi sa kanila, “ito ang aking katawan, na ibinibigay ko sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag alaala sa akin.”

2. Ibinigay din niya sa kanila ang saro, at inutusan silang hatiin iyon sa isa't-isa at kanyang sinabi: "Ang sarong ito ay katibayan ng bagong tipan, ito ang aking dugo na nabuhos para sa ikapagpapatawad ng kasalanan ng marami."

3. Sa Huling Hapunan din ni Jesus ay kanyang binanggit na ipagkakanulo siya ng isa sa kanyang mga alagad.

4. Sinabi ni Jesus na hindi na siya muling iinom ng katas ng ubas hanggang sa kanyang muling pag-inom nito kasama ang kanyang mga alagad o tagasunod sa kaharian ng kanyang Ama.

Mapapansin natin na si Jesus ay nakatuon sa kanyang kaugnayang espiritwal sa mga alagad nang ituro niya ang tungkol sa Banal na Hapunan. Kaya't hindi siya nagbigay ng partikular na paraan kung paano, kailan, saan, o sino ang nararapat tumanggap ng mga element. Dahil dito ay may kalayaan ang mga iglesya na magpasya para sa kanilang sarili patungkol sa bagay na ito. Ibig sabihin ay hindi na mahalaga kung isang beses sa isang linggo o isang beses sa isang buwan sila magkakaroon ng Komunyon.

Gayunman, ang ibang pagtatalo tungkol sa Komunyon ay may kahalagahang teolohikal. Halimbawa, kung ang pakikibahagi sa Banal na Hapunan ay kinakailangan upang tumanggap tayo ng biyaya, kung ganoon ay hindi na libreng kaloob ang biyaya sapagkat ito ay kailangan mong pagsikapang makuha sa pamamagitan ng gawa, salungat sa nakasaad sa Tito 3:5. At kung ang tinapay naman ay ang aktwal na katawan ni Cristo, nangangahulugan ito na Siya ay inihahandog ng paulit-ulit, ngunit ito ay kabaliktaran ng sinasabi ni Pablo sa Roma 6:9-10. Ang mga ito ay mahahalagang bagay na nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa simbahan sa loob ng matagal ng panahon at naging isyu ng mga pagtatalo noong panahon ng repormasyon.

Bilang pagtatapos, ang pagkaunawa na tayo ay naligtas dahil sa biyaya, sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi dahil sa ating mga gawa (Efeso 2:8-9) at ang pagsasaalang-alang ng mga sinabi ni Jesus tungkol sa Komunyon bilang talinghaga ay nagpapakita na tayo ay nakatuon sa kagandahan ng Bagong Tipan (Mateo 26:28) na nagkaroon ng epekto sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. Ito ay nangangahulugang inaalala natin ang paghahandog ng Panginoon ng kanyang sarili sa tuwing nakikibahagi tayo sa kanyang Banal na Hapag (Lucas 22:19). At ipinapakita natin na tayo ay naghihintay na muli nating makakasalo ang Panginoon sa kaharian ng Diyos (Mateo 26:29; Marcos 14:25; Lucas 22:18).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit maraming pagtatalo tungkol sa Banal na Komunyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries