Tanong
Ano ang sinasabi ng Bagong Tipan tungkol sa homosekswalidad
Sagot
Malinaw na pinatutunayan ng Bibliya na ang homosekswalidad ay kasalanan sa buong Luma at Bagong Tipan (Genesis 19:1–13; Levitico 18:22; 20:13; Roma 1:26–27; 1 Corinto 6:9; Judas 1:7). Tungkol sa isyung ito, ang mga turo ng Lumang Tipan ay muling pinagtibay ng Bagong Tipan dahil tinanggap ni Moises ang Kautusan (Levitico 20:13). Ang pagkakaiba sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan ay nag-aalok ang Bagong Tipan ng pag-asa at pagpapanumbalik sa mga nasangkot sa kasalanan ng homosekswalidad sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesus. Ito rin ang pag-asa na ibinibigay sa sinumang pipiliing tanggapin ito (Juan 1:12; 3:16–18).
Ang mga pamantayan ng kabanalan ng Diyos ay hindi nagbago sa pagdating ni Jesus, dahil ang Diyos ay hindi nagbabago (Malakias 3:6; Hebreo 13:8). Ang Bagong Tipan ay isang patuloy na paghahayag ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa sangkatauhan. Kinasusuklaman ng Diyos ang pagsamba sa diyus-diyusan sa Lumang Tipan (Deuteronomio 5:8), at kinapopootan pa rin Niya ito sa Bagong Tipan(1 Juan 5:21). Kung ano ang imoral sa Lumang Tipan ay imoral pa rin sa Bagong Tipan.
Sinasabi ng Bagong Tipan na ang homosekswalidad ay isang “kahiya-hiyang pagnanasa” (Roma 1:26), isang “kahiya-hiyang gawa,” isang pag-abandona sa “likas na relasyon” (Roma 1:27), isang “maling gawa” (1 Corinto 6:9), at “sekswal na imoralidad at kabuktutan” (Judas 1:7). Ang homosekswalidad ay may “karampatang parusa” (Roma 1:27), “salungat sa tamang doktrina” (1 Timoteo 1:10), at nakalista sa mga kasalanang humahadlang sa mga tao sa kaharian ng Diyos (1 Corinto 6:9). Sa kabila ng mga pagtatangka ng ilan na maliitin ang mga talatang ito, hindi mas malinaw sa Bibliya na ang homosekswalidad ay kasalanan laban sa Diyos.
Ang pagbagsak ng isang lipunan ay hindi sanhi ng homosekswalidad; sa halip, ito ay sintomas ng pagpili ng mga tao na sila ang maging ang pinakamataas na awtoridad. Inilalarawan ng Roma 1 ang lohikal na pagbagsak ng isang kultura na umiiwas sa pagsunod sa Diyos, na pabor sa idolatriya at makasalanang kasiyahan. Ang pagtanggi na ang Diyos ay may ganap na kontrol sa Kanyang nilikha ay ang unang hakbang sa landas ng pagkawasak (Roma 1:21–23).
Ang resulta ng pagtanggi ng isang lipunan sa pamamahala ng Diyos sa kanilang buhay ay ibinigay ng Diyos, “Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay tinalikuran at pinalitan nila ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha” (Roma 1:24–25). Sinasabi ng mga talatang 26 at 27, “Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa. Maging ang mga kababaihan sa kanila ay ipinagpalit ang natural na pakikipagtalik para sa maling pakikipagtalik. Gaya nito, ang mga lalaki ay sumuko sa kanilang natural na relasyon sa mga babae at labis na nagnanasa sa isa't isa.” Ang pananalitang "hinayaan sila ng Diyos" ay tumutukoy sa katotohanan na kapag ipinipilit nating makipaglaban sa Diyos, sa huli ay ibinibigay Niya ang ating mga kahilingan para tayo din ang magdusa. Ang mga lalaki ay gumawa ng mga kahiya-hiyang gawa sa kapwa lalaki, at nakuha nila sa kanilang sarili ang karampatang parusa para sa kanilang kahangalan. At iyon mismo ay isang paghatol. Ang resulta ng pagtanggi sa Diyos at pagtatangka na bumuo ng sarili nating katotohanan ay homosekswal na pag-uugali. Binibigyan tayo ng Diyos ng malinaw na mga tagubilin at kapag hindi natin sinunod ang mga tagubiling iyon, pagbabayaran natin ang "nararapat na parusa" (2 Tesalonica 1:8–9; Pahayag 21:8).
Ang mabuting balita ay may kapatawaran pa para sa homosekswalidad. Ito ay kasalanang tulad ng kasakiman, pagnanakaw, at pagpatay na mapapatawad kapag tayo ay nagsisi at nanumbalik kay Jesus (Gawa 2:38). Siya ay nagbibigay sa atin ng mga bagong pagkakakilanlan (1 Pedro 1:14; Colosas 2:13). Sinasabi sa 2 Corinto 5:17 “Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.” Kabilang sa mga "dating pagkatao" ay ang mga kasalanan na minsang umalipin sa atin. Matapos makaranas ng bagong kapanganakan (Juan 3:3), ang ating pagkakakilanlan ay nabago na mula sa pagkakakilanlan ng ating kasalanan tungo sa pagiging na kay Jesus at sa Kanyang katuwiran (Colosas 3:3). Ang isang magnanakaw ay hindi na kailangang kilalanin ang kanyang sarili bilang ganoon. Kay Cristo, siya ay nilikhang bago at pinalaya mula sa mga gawi ng kanyang nakaraan. Ang isang mamamatay-tao ay pinatawad at binago na ayon sa wangis ni Cristo (Galacia 1:13; 1 Corinto 15:9; Roma 8:29). Si Saul ay isa sa mga mamamatay-tao na ito bago naging si Apostol Pablo. Higit pa rito, kapag ang isang tao ay umamin sa kanyang kasalanan at inilagak ang kanyang pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na magpatawad at magpagaling, maaari silang mapalaya mula sa pagkakagapos sa homosekswalidad at mapalaya upang mamuhay ng isang dalisay na buhay.
Gaya ng nabanggit, kasama sa 1 Corinto 6:9–10 ang kasalanang homosekswal sa listahan ng mga taong hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang talatang 11 ay patuloy na nagsasabi, “Subalit kayo'y pinatawad na sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na rin kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.” Sa katunayan, ang mga mananampalataya sa Corinto ay dating mga homosekswal. Ang kaharian ng Diyos ay kinabibilangan ng mga makasalanan. Walang lumalapit sa Diyos sa personal na kakayahan. Lahat tayo ay dumaan sa parehong paraan: sa pamamagitan ng pagsisisi, pagtatakwil sa kasalanan at pagtanggap sa katuwiran ni Kristo bilang ating kahalili (2 Corinto 5:21).
Ang Bagong Tipan ay nagbabahagi ng magandang balita para sa lahat na nakikipaglaban sa sekswal na pagkakakilanlan. Nais ni Jesus na palitan ang ating makasalanang pamumuhay ng Kanyang sariling katuwiran upang tayo ay maging katulad Niya.
English
Ano ang sinasabi ng Bagong Tipan tungkol sa homosekswalidad