Tanong
Bakit nagtalo si Arkanghel Miguel at Satanas tungkol sa katawan ni Moises (Judas 9)?
Sagot
Ang Judas 9 ay tumutukoy sa isang pangyayari na hindi makikita saan man sa Banal na Kasulatan. Kinailangang makipaglaban ni Anghel Miguel kay Satanas para sa katawan ni Moises, ngunit kung bakit ito kinailangan ay hindi inilarawan. Ang isa pa sa mga pakikipaglaban ng anghel ay ikinuwento ni Daniel, na inilarawan ang isang anghel na nagpakita sa kanyang pangitain. Ang anghel na ito ay nagngangalang Gabriel at makikita sa Daniel 8:16 at 9:21, na sinasabi ni Daniel na pinigilan ng isang demonyo na tinawag na ‘prinsipe ng Persia’ hanggang dumating si Arkanghel Miguel upang tumulong (Daniel 10:13). Kaya, ating natutunan mula sa aklat ng Daniel na ang mga anghel at demonyo ay naglalaban sa isang digmaang espiritwal para sa mga kaluluwa ng mga tao at mga bansa, at pinipigilan ng mga demonyo ang mga anghel upang hindi maganap ang mga utos ng Diyos. Sinasabi sa Judas na ipinadala ng Diyos si Anghel Miguel para sa katawan ni Moises, na inilibing mismo ng Diyos matapos itong mamatay (Deuteronomio 34:5-6).
May iba't ibang teorya na lumabas tungkol sa kung ano ang naging paglalaban sa katawan ni Moises. Isa na rito ay maaaring pinigilan ni Satanas, ang tagaakusa ng mga anak ng Diyos (Pahayag 12:10), ang pagbibigay ng Diyos kay Moises ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang kasalanan sa Meribah (Deuteronomio 32:51) at ang kanyang pagpatay ng isang Ehipsyo (Exodo 2:12).
Ang ilan ay naniniwala na ang talatang ito sa Judas ay ang kaparehong talata ng Zacarias 3:1-2, "At ipinakita niya sa akin si Josue na pangulong saserdote na nakatayo sa harap ng anghel ng Panginoon, at si Satanas na nakatayo sa kaniyang kanan upang maging kanyang kaaway. At sinabi ng Panginoon kay Satanas, "Sawayin ka nawa ng Panginoon, Oh Satanas!" Ngunit ang pagtutol dito bilang kaparehong insidente ay malinaw: (1) Ang tanging pagkapareho lamang ng dalawa ay ang mga salitang "sawayin ka nawa ng Panginoon" (2) Ang pangalang ‘Miguel’ ay hindi nabangit saanman sa aklat ng Zacarias. (3) Hindi nabanggit ang ‘katawan ni Moises’ sa Zacarias, at ni walang pahiwatig man lamang tungkol dito.
Ipinagpapalagay din na hango sa isang aklat apokripa ang nilalaman ng talatang ito sa Judas, at nais ni Judas na patunayan na ang mga salaysay na ito ay totoo. Si Origen (c. 185-254), isang sinaunang Kristiyanong iskolar at teologo, ay binanggit ito sa kanyang aklat na may titulong "Ang pagakyat sa langit ni Moises" ng siya ay nabubuhay pa na naglalaman ng mismong bahaging ito ng Judas. Ang aklat na yaon, na ngayon ay wala na, ay isang aklat na nakasulat sa Griyego, at ipinalagay ni Origen na ito ang pinagmulan ng mga talang ito sa Judas.
Ang tanging katanungan ay kung ang istoryang ito ba ay ‘totoo.’ Ano man ang pinanggalingan ng salaysay na ito, malinaw para kay Judas na ang paglalaban sa pagitan ni Miguel at ng diyablo ay totoo. Sinabi niya ito sa parehong paraan kung paanong kanyang isinalaysay ang kamatayan ni Moises o ang pagbasag nito sa bato. At sino ang makapagpapatunay na hindi ito totoo? Ano ang katibayan ang mayroon upang masabing ito ay hindi naganap? Marami ang mga pahiwatig sa Bibliya tungkol sa mga anghel. Alam natin na ang arkanghel na si Miguel ay totoo; maraming beses nabanggit ang demonyo; at napakaraming nasusulat na ang mabubuti at masasamang anghel ay ipinapadala upang gampanan ang mahahalagang misyon sa mundo. Tungkol sa kalikasan ng partikular na istoryang ito ukol sa katawan ni Moises na walang nakakaalam, walang silbi ang paghahaka-haka. Hindi natin alam kung nagkaroon ng argumento sa pagangkin ng katawan, sa paglilibing ng katawan ni Moises, o kung ano pa man.
Gayunman, nalalaman natin ang dalawang bagay: una ang Bibliya ay walang pagkakamali. Ang pagiging perpekto o ang walang kamalian ng Bibliya ay isa sa mga pundasyon ng Kristiyanismo. Bilang mga Kristiyano, ang ating layunin ay lumapit sa Bibliya ng may paggalang at pananalangin, at kung may mabasa tayo na hindi natin maunawaan, tayo ay manalangin pa, at mag-aral pa, at kung mailap pa rin sa atin ang sagot, buong pagpapakumbaba nating kilalanin ang ating limitasyon sa harap ng perpektong Salita ng Diyos.
Ikalawa, ang Judas 9 ay paglalarawan kung paano dapat makitungo ang mga Kristiyano kay Satanas at sa mga demonyo. Ang halimbawa ng arkanghel na si Miguel sa pagtangging sumpain si Satanas ay dapat na maging aral sa ating mga Kristyano kung paano haharapin ang pwersa ng kadiliman. Hindi sila dapat direktang labanan ng mga mananampalataya sa halip, dapat nating hanapin ang kapangyarihan ng Panginoon na Siyang lalaban sa kanila. Kung si Arkanghel Miguel nga na may angking kapangyarihan ay bumaling sa Panginoon upang harapin si Satanas, sino tayo upang tangkain na harapin, palayasin o utusan si Satanas at ang mga demonyo sa ating sariling kakayahan?
English
Bakit nagtalo si Arkanghel Miguel at Satanas tungkol sa katawan ni Moises (Judas 9)?