settings icon
share icon
Tanong

Paano ako matututong kumilala ng tama at mali?

Sagot


Nilikha ayon sa wangis ng Diyos ang lahat ng tao (Genesis 1:27; Santiago 3:9). Bahagi ng pagiging kawangis ng Diyos ang pagkakaroon natin ng konesnsya na likas na nagbibigay sa atin ng pangunawa kung ano ang masama at mabuti at kung ano ang tama at mali. May magkakaparehong pamantayan ng pangunawa tungkol sa tama at mali ang bawat sibilisadong kultura sa mundo. Sa pangkalahatan, nauunawaan ng tao na mali ang pagnanakaw, pagpatay at pandaraya. Minsan, may kaunting pagkakaiba sa kaalamang ito ang iba’t ibang grupo ng tao dahil sa makasalanang kalikasan ng tao. May mga grupo ng tao na pinapahalagahan ang masama sa halip na ipagbawal ito, gaya ng kaso ng pagpatay sa mga sanggol na sinasanay ng mga bansang nakapalibot sa sinaunang Israel (Levitico 18:21; 2 Hari 23:10).

Dahil sa ating makasalanang kalikasan, inaabswelto natin ang ating sarili sa ating kasamaan (Roma 5:12; Jeremias 2:35). Nagbubunga sa matigas na konsensya ang pagbibigay hustisya sa kasalanan. Inilarawan sa Roma 1:28 ang saloobin ng Diyos sa mga taong ipinagpipilitan ang kasamaan: “Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam.” May mga pagkakataon na pinababayaan tayo ng Diyos. Ang mga nagpipilit na ipagpatuloy ang kanilang kasalanan ay maaaring magkasala ng buong tapang ng hindi na inuusig ng kanilang konsensya. Naniniwala sila na kaya nilang lansihin ang Diyos at takasan ang kanilang konsensya, Ngunit darating ang hatol ng Diyos at isang araw, tatayo sila sa harapan ni Kristo (Hebreo 9:27; Malakias 3:5).

Gaya ng dilim na ang kahulugan ay kawalan ng liwanag, ang kahulugan naman ng kasalanan ay kawalan ng kabutihan (Santiago 4:17). Dahil ang Diyos ang mismong pamantayan ng kabutihan (Awit 86:5; 119:68), kasalanan ang anumang bagay na salungat sa Kanyang kalikasan (Roma 3:23). Natututunan natin na kumilala ng mabuti at masama sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos. Ang Kanyang Salita ang pundasyon ng pangunawa sa Kanyang mga katangian (Awit 1:1–2; 119:160; Juan 17:17). Mas lalo tayong napapalapit sa kabanalan ng Diyos, mas nagiging mabigat para sa atin ang kasalanan (Isaias 6:1, 5). Maaaring magmukhang kulay puti ang isang damit sa isang itim na pader. Ngunit kung ilalagay mo ang damit sa pumapatak na yelo, magmumukha iyong marumi. Gayundin naman, ang ating pagtatangka sa paggawa ng anumang kabutihan ay magmumukhang marumi kung ikukumpara sa kabanalan ng Diyos. Habang lumalapit tayo sa Kanyang presensya, napapansin natin kung gaano tayo makasarili sa isip at gawa. Nakikita natin ang ating pagiging gahaman, matakaw, pagkahilig sa laman, at pandaraya sa ating sarili na matuwid tayo sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Sa liwanag lamang ng Salita ng Diyos natin nakikitang malinaw kung gaano kasama ang mga bagay na ito.

Natututunan din natin na kumilala kung ano ang tama at mali sa pamamagitan ng pangunawa sa Salita ng Diyos. Ang Bibliya, sa huli, ang nagpapakilala sa atin kung alin ang masama at alin ang mabuti. Tinukoy ng manunulat ng Hebreo ang mga mahihina pa sa pananampalataya na gatas na espiritwal lamang ang kayang kainin - mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos (Hebreo 5:13). Kumpara sa mga sanggol kay Kristo, ang malago sa pananampalataya naman ay mga taong matigas na pagkain ang kinakain at “marunong nang kumilala ng mabuti't masama” (Hebreo 5:14). Mapapansin na ang paglago sa espiritwal ay sa pamamagitan ng “palagiang paggamit” sa Salita ng Diyos. Ang kakayahan na kumilala ng mabuti at masama, at kumilala sa doktrina ni Kristo at doktrina ng tao ay resulta ng patuloy na pagaaral at pagsasapamuhay ng Salita ng Diyos.

Puno ang Bibliya ng mga halimbawa ng mga taong gumawa ng mabuti at gumawa ng masama. Para sa atin ang mga halimbawang ito upang malaman natin kung sino ang Diyos at kung ano ang Kanyang inaasahan para sa atin (1 Corinto 10:11). Ibinigay sa Mikas 6:8 ang isang maiksing pagbubuod sa ninanais ng Diyos para sa bawat tao: “…maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.” Ipinaliwanag ito ng napakalinaw sa Malakias 3:18. Sinabi ng Diyos, “Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.” Sa talatang ito, inihahalintulad ng Diyos ang katuwiran sa paglilingkod sa Kanya. Kung inilarawan ang kabutihan bilang paglilingkod sa Diyos, lalabas na kasamaan ang pagtanggi at hindi paglilingkod sa Kanya. Gaano man kapilantropo ang ang isang tao, walang kabuluhan sa paningin ng Diyos ang kanyang mabubuting gawa kung ginagawa niya iyon dahil sa pansariling dahilan. Kung ginagawa nating layunin ang paghahanap sa kalooban ng Diyos at pagpaparangal sa Kanya sa lahat ng ating ginagawa (1 Corinto 10:31), mauunawaan natin kung ano ang tama at mali at kung ano ang mga desisyon natin sa buhay na nakalulugod sa Kanya (Jeremias 29:13; 1 Pedro 3:12; Awit 106:3). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako matututong kumilala ng tama at mali?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries