settings icon
share icon
Tanong

Ang resulta ba ay nagbibigay katwiran sa pamamaraan (the ends justify the means)?

Sagot


Ang sagot sa katanungang ito ay nakasalalay sa kung ano ang layunin at kung ano ang pamamaraan na ginamit upang makamit iyon. Kung ang layunin ay mabuti at marangal at ang pamamaraang ginamit upang maaabot ang layuning iyon ay mabuti at marangal din naman, ang sagot ay oo, binibigyang katwiran ng resulta ang pamamaraan. Ngunit hindi ito ang ibig sabihin ng marami kapag ginagamit nila ang ekspresyong ito. Marami ang ginagamit na dahilan ang kanilang layunin upang gamitin ang kahit na anong pamamaraan upang makamit ang layuning iyon, gaano man kasama o hindi naaayon sa batas ang kanilang pamamaraan. Ang kadalasang kahulugan ng ekspresyong ito ay “hindi mahalaga kung paano mo nakuha ang isang bagay, ang mahalaga ay nakuha mo iyon sa kahit anong paraan.”

Ang ekspresyong ito na “ang resulta ay nagbibigay katwiran sa pamamaraan” (ends justifying the means) ay karaniwang kinapapalooban ng isang masamang paraan upang makamit ang isang magandang bagay at ang pagbibigay katwiran sa masamang paraan sa pamamagitan ng pagbanggit sa magandang resulta. Ang isang halimbawa ay ang pagsisinungaling sa mga bagay na nakalagay sa aplikasyon upang makakuha ng magandang trabaho at pagbibigay katwiran sa kasinungalingan sa pagsasabi na ang malaking sweldo ay magbibigay sa sinungaling ng kakayahan na buhayin ng marangal ang kanyang pamilya. Ang isa pang halimbawa ay ang pagpatay sa sanggol na nasa sinapupunan upang iligtas ang buhay ng ina. Ang pagsisinungaling at pagpatay sa buhay ng isang inosente ay parehong kasalanan, ngunit ang pagbibigay ng disenteng buhay sa mga mahal sa buhay at pagliligtas sa buhay ng ina ay parehong mabuti. Paano natin malalaman kung saan natin iguguhit ang linya?

Ang mahirap na usaping ito ay isang popular na senaryo sa mga diskusyon tungkol sa tuntunin ng moralidad (ethics). Kadalasan, ang tanong ay ganito: “Kung kaya mong iligtas ang mundo sa pamamagitan ng pagpatay sa isang tao, gagawin mo ba?” Kung ang sagot ay “oo,” mabibigyang katwiran ng moral na resulta ang isang immoral na pamamaraan. Ngunit may tatlong bagay na dapat ikunsidera sa mga ganitong sitwasyon: Ang moralidad ng aksyon, ang moralidad ng resulta, at ang moralidad ng taong gumagawa ng aksyon. Sa sitwasyong ito, ang aksyon (pagpatay) ay malinaw na imoral gayundin ang mamamatay tao. Ngunit ang pagliligtas sa mundo ay isang mabuti at moral na resulta. O moral nga ba ito? Anong uri ng mundo ang ililigtas na hinahayaan ang isang mamatay tao na magdesisyon kung kailan mabuti ang pagpatay at pagkatapos ay hindi parurusahan ang taong iyon? O haharap ba ang mamamatay tao sa kaparusahan para sa kanyang krimen sa mundo na kanyang iniligtas? At ang mundo ba na iniligtas ay mapapawalang sala sa pagpaparusa sa taong nagligtas sa kanya?

Sa pananaw ng Bibliya, ang hindi nababanggit sa diskusyong ito ay ang karakter ng Diyos, ang Kautusan ng Diyos at ang pobidensya ng Diyos. Dahil alam natin na ang Diyos ay banal, mabuti, makatarungan, mahabagin at makatwiran, dapat na nasasalamin sa mga taong sumasampalataya sa Kanya ang Kanyang karakter (1 Pedro 1:15-16). Ang pagpatay, pagsisinungaling, pagnanakaw at ang lahat ng makasalanang gawa ay ekspresyon ng makasalanang kalikasan ng tao, hindi ng kalikasan ng Diyos. Para sa mga Kristiyano na ang kalikasan ay binago ni Kristo (2 Corinto 5:17), hindi mapapawalang sala ang imoralidad, anuman ang motibo sa paggawa ng kasalanan o anuman ang resulta noon. Mula sa banal at perpektong Diyos na ito natin tinanggap ang Kautusan na sumasalamin sa Kanyang banal na kalikasan (Awit 19:7; Roma 7:12). Malinaw sa Sampung Utos na ang pagpatay, pangangalunya, pagnanakaw, pagsisinungaling at kasakiman ay hindi katanggap tanggap sa paningin ng Diyos at wala Siyang ibinigay na dahilan upang bigyang katwiran ang masasamang gawa, gaano man kaganda ang motibo o pangangatwiran sa pagsuway sa Kanyang utos. Pansinin na hindi Niya sinabi, “Huwag kang papatay malibang sa iyong pagpatay ay makakapagligtas ka ng buhay ng iba.” Ito ay tinatawag na tuntunin ng moralidad ayon sa sitwasyon (situational ethics) at walang lugar ang ganitong pangangatwiran sa batas ng Diyos. Kaya malinaw na mula sa perspektibo ng Diyos, walang anumang resulta gaano man iyon kaganda sa paningin ng tao ang makakapagbigay katwiran sa pamamaraan na isang pagsuway naman sa Kanyang Utos.

Nawawala din sa diskusyon ng resulta/pamamaraan ang pangunawa sa probidensya ng Diyos. Hindi simpleng nilikha lamang ng Diyos ang mundo, pinuno ito ng mga tao, at pagkatapos ay iniwan ito upang pangasiwaan ang sarili ng hindi Siya ang namamahala. Sa halip, ang plano at layunin ng Diyos sa sangkatauhan ay Kanyang isinasakatuparan sa pagdaan ng mga siglo. Ang bawat desisyon na ginagawa ng bawat tao sa kasaysayan ay kasama sa planong ito ng Diyos. Sinabi Niyang malinaw ang katotohanang ito: “Dili-dilihin ninyo ang matagal nang nakaraan. Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos, at liban sa akin ay wala nang iba. Sa simula pa'y hinulaan ko na at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong ang balak ko'y tiyak na mangyayari, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin” (Isaias 46:10-11). Ang Diyos ay buong giliw na gumagawa at Siyang may kapamahalaan sa lahat na Kanyang nilikha. Gayundin, sinabi Niya na sa “lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti” (Roma 8:28). Ang isang Kristiyano na nagsisinungaling sa pagaaplay sa trabaho o nagpalaglag ng sanggol ay lumalabag sa Kautusan ng Diyos at tinatanggihan ang Kanyang kapangyarihan na magkaloob ng pangangailangan ng kanyang pamiya o ingatan ang kanyang buhay.

Ang mga taong hindi nakakakilala sa Diyos ay mapipilitang bigyan ng katwiran ang kanilang pamamaraan sa pamamagitan ng resulta, ngunit ang mga nagaangkin na sila ay anak ng Diyos ay walang anumang dahilan upang suwayin ang mga kautusan ng Diyos, tanggihan ang Kanyang kapamahalaan o dungisan man ang Kanyang pangalan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang resulta ba ay nagbibigay katwiran sa pamamaraan (the ends justify the means)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries