Tanong
Patay ba ang Diyos?
Sagot
Ang teknikal na terminolohiya para sa katuruan na “patay ang Diyos” ay theothanatology, isang salita mula sa tatlong salitang Griyego na pinagsama-sama: theos (diyos) + thanatos (kamatayan) + logia (salita).
Ang manunulat ng tula na pinakilala sa pahayag na “patay ang Diyos” ay ang pilosopong si Friedrich Nietzsche noong ikalabing siyam na siglo. Naimpluwensyahan ng pilosopiya ng mga Griyego at ng teorya ng ebolusyon, isinulat ni Nietzsche, “Patay ang Diyos. Nanatiling patay ang Diyos. At tayo ang pumatay sa Kanya. Paano natin aaliwin ang ating sarili, tayong mga mamamatay tao….? Hindi ba’t ang gawang ito ay napakadakila para sa atin? Hindi ba tayo dapat na maging mga diyos dahil simpleng karapatdapat tayo para sa bagay na ito?" (Nietzsche, The Gay Science, p. 125).
Layunin ni Nietzsche na buwagin ang “tradisyonal” na moralidad — partikular ang Kristiyanismo — dahil, sa kanyang isipan, kumakatawan ito sa pagtatangka na kontrolin ng mga makasariling pinuno ng relihiyon ang mga taong mahina at hindi nagiisip. Naniniwala si Nietzsche sa ideya na hindi na kailangan ng tao ang Diyos; sa katotohanan, hindi na napapanahon ang Diyos dahil nakarating na ang tao sa isang antas na maaari na siyang lumikha ng isang mas nagbibigay kasiyahan at mas malalim na “dalubhasang moralidad" para sa kanyang sarili.
Ginamit ng iba ang pilosopiyang ito ni Nietzsche upang isulong ang teorya ng existentialism (ang pananaw na mas mahalaga ang karanasan kaysa sa katotohanan), nihilism (walang kabuluhan ng lahat ng bagay) at socialism (pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao). Isinulong ng mga radikal na teologong gaya nina Thomas J. J. Altizer at Paul van Buren ang ideya na “patay ang Diyos” noong 1960s at 1970s.
Nagreresulta sa mga sumusunod na ideya ang paniniwala na “patay ang Diyos” at “hindi kailangan ng tao ang relihiyon:”
1) Kung patay ang Diyos, walang pamantayan ng moralidad at walang pangkalahatang sukatan ng masama at mabuti na dapat sundin ng mga tao.
2) Kung patay ang Diyos, walang layunin o matalinong kaayusan ang buhay.
3) Kung patay ang Diyos, ang anumang disenyo na nakikita sa sangnilikha ay ideya lamang ng mga taong desperado sa pagtuklas ng kahulugan ng buhay.
4) Kung patay ang Diyos, magiging malaya ang tao sa Diyos at ganap na malaya na lumikha ng kanyang sariling pagpapahalaga.
5) Kung patay ang Diyos, ang kasalukuyang mundo ang “tunay” na mundo (hindi ang langit at impiyerno) at ang tanging aalalahanin ng tao.
Ang ideya na patay ang Diyos ay pangunahing humahamon sa awtoridad ng Diyos sa ating mga buhay. Ang kaisipan na ligtas tayong makagagawa ng ating sariling mga batas ay isang kasinungalingan na sinabi ng ahas kay Eba sa hardin ng Eden: “…magiging kagaya kayo ng Diyos” (Genesis 3:5). Binalaan tayo ni Pedro na “….may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong nagligtas sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak" (2 Pedro 2:1).
Ang argumentong “patay ang Diyos” ay kalimitang itinuturo bilang isang matalino at makapangyarihang pilosopiya para sa mga artista, alagad ng sining at mga intelihente. Ngunit tinatawag ito ng Kasulatan na isang kahangalan. "Wala namang Diyos!" ang sabi ng hangal sa kanyang sarili…" (Awit 14:1). Sa ayaw at gusto ng mga naniniwala sa pilosopiyang ito, matutuklasan nila ang kanilang kamalian at kamangmangan pagkatapos ng kanila mismong kamatayan. English
Patay ba ang Diyos?