Tanong
Ano ang argumento ni Pascal sa pagiral ng Diyos (Pascal’s wager)?
Sagot
Ang argumentong Pascal sa pagkakaroon ng Diyos o Pascal’s wager ay ipinangalan sa isang matematiko at pilosopong Pranses noong ika-17 siglo na si Blaise Pascal. Ang isa sa pinakasikat na aklat ni Pascal ay ang tinatawag na “Pensées” (“Mga Kaisipan”), na inilathala pagkatapos ng kanyang kamatayan noong 1670. Sa kanyang aklat na ito natin makikita ang kanyang argumento sa pagkakaroon ng Diyos na tinatawag na Pascal's Wager.
Ayon sa argumento ni Pascal, hindi kaya ng isang tao na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan lamang ng sariling pangangatwiran, kaya ang pinakamatalinong magagawa ng tao ay mamuhay na parang may Diyos dahil walang mawawala sa tao kung gagawin niya ito, ngunit maaaring mapasakanya ang lahat kung mabubuhay siya sa ganitong uri ng pamumuhay. Kung mabubuhay tayo na parang tunay na may Diyos, at totoong umiiral talaga ang Diyos, makakamit natin ang langit. Kung hindi naman siya totoong umiiral at wala talagang Diyos, walang mawawala sa atin. Kung sa isang banda, mabubuhay tayo na parang walang Diyos at totoo palang may Diyos, mapupunta tayo sa impiyerno at hindi tayo makapunta sa langit at walang hanggang kasiyahan. Kung titimbangin natin ang pagpipilian, malinaw na ang nararapat piliin ay mamuhay na parang may Diyos. Iminungkahi pa ni Pascal na maaaring may ilan sa panahong iyon, na may kakayahang maniwala sa Diyos. Sa mga ganoong kaso, dapat na mamuhay ang isang tao na parang mayroon siyang pananampalataya. Maaaring ang pamumuhay na parang may pananampalataya ang maging dahilan upang magkaroon ang isang tao ng tunay na pananampalataya.
Sa pagdaan ng panahon, may mga lumitaw na kritisismo sa magkabilang panig. Halimbawa, ang argumento ng pabagu-bagong rebelasyon. Pinupuna ng argumentong ito ang argumento ni Pascal dahil sa basehan na walang dahilan upang limitahan ang pagpipilian sa Diyos ng mga Kristiyano. Dahil nagkaroon na ng napakaraming relihiyon sa kasaysayan ng mundo, maaaring magkaroon ng maraming diyos. Ang isang pang puna ay nanggaling sa grupo ng mga ateista. Iminungkahi ni Richard Dawkins ang posibilidad ng pagkakaroon ng Diyos na gagantimpalaan ang tapat na hindi pananampalataya at parurusahan naman ang isang bulag na pananampalataya.
Ang dapat nating ipagalala ay kung naaayon ba sa Salita ng Diyos ang argumentong ito ni Pascal. Nabigo ang argumentong ito dahil sa ilang sumusunod na kadahilanan. Una at higit sa lahat, hindi isinasaalang- alang ng argumentong ito ang argumento ni Pablo sa Roma 1 na maaaring malaman ng lahat na mayroong Diyos kaya walang maidadahilan ang lahat ng tao (Roma 1:19-20). Sapat na ang katwiran upang malaman ng tao na may Diyos. Hindi ito kumpletong kaalaman tungkol sa Diyos, ngunit sa kabila nito, kaalaman ito tungkol sa Diyos. Bilang karagdagan, sapat ang kaalaman sa Diyos upang wala tayong maidahilan sa araw ng paghuhukom. Nasa ilalim tayong lahat ng poot ng Diyos dahil sa ating pagtatakip sa katotohanan ng Diyos bunga ng ating kasalanan.
Ikalawa, walang binabanggit si Pascal tungkol sa halaga ng pagsunod kay Hesus. Sa Ebanghelyo ni Lukas, dalawang beses na nagbabala si Hesus tungkol sa halaga ng pagiging alagad (Lukas 9:57-62; 14:25-33). May kapalit ang pagsunod kay Hesus at hindi ito isang madaling bokasyon. Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na kailangan nilang itakwil ang kanilang sariling buhay upang magkamit ng buhay na walang hanggan (Mateo 10:39). Umaani ng pagkamuhi ng mundo ang mga sumusunod kay Hesus (Juan 15:19). Hindi binanggit ang mga ito sa argumento ni Pascal. Dahil dito, ginawa niyang isang simpleng paniniwala ang pananampalataya kay Kristo.
Ikatlo, ganap na tinutulan ni Pascal ang makasalanang kalikasan ng tao. Walang kakayahan ang isang karnal na tao - na hindi isinilang na muli ng Banal na Espiritu (Juan 3:3) - na magkaroon ng pananampalatayang nagliligtas sa Panginoong Hesu Kristo sa pamamagitan ng pagbabakasakali sa pagkakaroon ng Diyos gaya ng suhestyon ni Pascal. Resulta lamang ang pananampalataya ng pagsilang na muli at gawain ito ng Banal na Espiritu. Hindi ito nangangahulugan na hindi makakasang-ayon ang isang tao sa katotohanan ng Ebanghelyo o hindi makakasunod sa panlabas na kaparaanan sa kautusan ng Diyos. Ang katotohanan na may mga huwad na propesyon ng pananampalataya hanggang sa dumating si Kristo ang isa sa mga puntos sa talinghaga ng Manghahasik (Mateo 13. Gayunman, ang tanda ng tunay na pananampalataya ay ang bunga nito sa buhay ng tao (Mateo 7:16-20). Sinabi ni Pablo na hindi kayang maunawaan ng isang taong walang Espiritu ng Diyos ang mga bagay tungkol sa Diyos (1 Corinto 2:14). Bakit? Dahil ang mga bagay tungkol sa Diyos ay mauunawaan lamang sa paraang espiritwal. Hindi binanggit ni Pascal ang gawa ng Banal na Espiritu na kinakailangan ng tao upang magkaroon siya ng pananampalatayang nagliligtas.
Ikaapat at panghuli, bilang isang kasangkapan sa pageebanghelyo at pagtatanggol sa pananampalataya (na orihinal na intensyon ni Pascal sa kanyang argumento), tila nakatuon ito sa pananaw ng parusa at gantimpala, na hindi sang-ayon sa isang tunay na pananampalataya kay Kristo. Sinabi ni Hesus na ebidensya lamang ng pag-ibig sa Diyos ng tao ang pagsunod sa Kanyang mga utos (Juan 14:23). Sang-ayon sa Pascal’s wager, maaaring piliin ng isang tao na maniwala at sumunod sa Diyos dahil sa nais niyang makapunta sa langit bilang gantimpala. Tunay ngang isang gantimpala ang langit na dapat na nasain at asahan. Ngunit kung ang tanging motibo sa pagsunod ng tao sa Diyos ay ang pagnanais na makapunta sa langit at makaiwas sa impiyerno, lalabas na isang paraan ang pananampalataya at pagsunod sa pagkakamit ng ating kagustuhan sa halip na resulta ng pag-ibig kay Kristo at kapahayagan ng pananampalataya at pagsunod sa Kanya bunsod ng pag-ibig.
Sa pagtatapos, habang maituturing na isang kaakit-akit na kaisipang pilosopikal ang Pascal’s wager, Wala itong lugar para sa Ebanghelismo at pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano. Dapat na ibahagi at ipahayag ng mga Kristiyano ang Ebanghelyo ni Hesu Kristo, “sapagkat ito lamang ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya …” (Roma 1:16). English
Ano ang argumento ni Pascal sa pagiral ng Diyos (Pascal’s wager)?